FIRST, I would like to congratulate Seaman First Class Jeffrey Facundo (Philippine Navy) sa pagtanggap niya ng Order of Lapu-Lapu Kampilan Medal mula kay Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa ipinakita niyang tapang sa kontrobersiyal na insidente noong Hunyo 17 na ikinaputol ng kanang hinlalaki (right thumb) sa “pag-atake” ng China Coast Guard sa resupply mission sa BRP Sierra Madre na nakabahura sa Ayungin Shoal — na nasasakop sa 200-nautical miles ng ating exclusive economic zone (EEZ).
Bakit kontrobersiyal o may magkakasalungat na “kuwento” sa insidenteng iyon: May nagsabi, provocation o sinadyang kilos upang pagsimulan ng giyera ang pagsugod ng mga Chinese Coast Guard sa mga sundalo natin.
May nagsabi pa, hingin na raw ng PH ang depensa militar, ayon sa Mutual Defense Treaty sa US upang mapigil ang intensiyong pagsakop ng China sa ating bansa.
Sa comment ng netizens, ramdam ang matinding galit sa China at paghimok na sa susunod na intensiyong banggain o bugahan ng water cannons ang barkong maghahatid ng supply sa BRP Sierra Madre, gumanti ng water cannon o gayahin ang ginawa noon ng Indonesia na pasabugin ang lantsa ng CCG.
Gigil na gigil si Department of National Defense (DND) Sec. Gibo Teodoro at si PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, na parang gusto nang simulan ang giyera kontra China.
Pero iba ang sabi ni Exec. Sec. Lucas Bersamin, kasi ang insidente, ano raw — ito ay isang “aksidente” na dahil dito, may pumuri, pero mas marami ang bumatikos sa dating Supreme Court chief justice.
Noong Linggo, Hunyo 23, ito ang opisyal na pahayag ni PBBM sa gitna ng matinding tensiyon sa West Philippine Sea (WPS) at huling insidenteng iyon na nakita ang paglusob ng mga kasapi ng CCG sa tropang Pinoy at sa pag-uudyok ng giyera ng mga galit na galit nating kababayan, malinaw ang sabi niya: ” the Philippines “would not instigate wars.”
Ibig sabihin, sa kahit anong kondisyon, hindi magsisimula o magpapasimula ng digmaan ang Pilipinas.
Pero matindi ang paninindigan ni PBBM, hindi siya natatakot, hindi siya mapaluluhod o mapatitigil na idepensa ang kalayaan, soberenya ng ating teritoryo laban sa mas superior na lakas ng kahit anong bansa.
At sa paratang na piyon (pawn) o pakain sa manok ng US sa bagbag nito na manatiling mas malakas na bansa sa kalabang China, sinabi ni Marcos, mas nais niya ang kapayapaan, masaganang pamumuhay ng bawat Pilipino.
Wika ni PBBM sa pahayag niya noong Linggo: “We are not in the business of instigating wars. Our great ambition is to provide a peaceful and prosperous life for every Filipino.”
Kahit paano, nakabawas ang pahayag niyang ito sa hanggang ngayon ay di-mapipigilang himagsik ng ating kababayan na sa mga survey, mahigit sa 75 porsiyento ng Pinoy, handa na, kahit pa sinasabing dambuhala ang China at hindi papayagang magpasakop at di magpapasiil sa dayuhan.
Sa video na kumalat na sa mundo, kita ang pagiging barbaric o ang parang asong-ulol na pag-atake ng CCG sa Ayungin Shoal; sabi naman ng iba, isa itong “act of “piracy” kasi, palakol, tabak, kutsilyo ang ginamit na pandarahas ng mga pinutukan ng kulog na Chinong coast guard!
Ewan ko itong si Commodore Tarriela noon, kulang na lang murahin ang kilos-barbaro ng mga Chino pero kung ano ang umurong sa kanya, binawi ang matapang na diskurso at sabi niya, “there was no intention by the CCG to hurt or provoke Filipino troopers.”
Expected ko na maging mahinahon ang dating mahistrado natin, kung saan sinabi ni ES Bersamin na ang nangyari sa Ayungin Shoal ay “aksidente na bunga ng di-pagkakaintindihan.
Tulad ng sinabi ni PBBM sa meet-and-greet niya sa mga kumander ng AFP sa Western Command, mahalaga na manatili tayo na panindigan ang ating pag-angkin sa WPS na kadikit at kasanib sa South China Sea — na ito ay inaangkin, di umano, nang buong-buo ng China!
E malinaw naman, nasa loob ng ating teritoryo ang Ayungin Shoal at ewan kung abo ang utak o masakit man sabihin, estupido ang Pinoy na magsasabi na hindi atin ang WPS.
Sa mahinahon at matimping pahayag ni PBBM, naipakita niya na isa siyang mahusay na lider natin na gagawin ang lahat ng kilos at salita upang di-mapasubo sa away ang ating bansa, at ang kanyang paninindigan na ang Pilipinas ay laging nakasandig at nakasandal sa tadhanang ipinasusunod ng international law at sa pagtitiwalang kapayapaan ang mas kailangan ngayon ng bansa.
Ayaw ni PBBM sa intensiyon ng China na siya ay pagalitin o magawang mapikon at maudyukang gumanti sa “barbaric act” ng CCG, sabi nga niya: “We refuse to play by the rules that force us to choose sides in a great power competition.”
Hindi siya ang Pangulong magpapadala sa udyok ng sinoman upang ilagay sa panganib ang buhay ng mamamayang Pinoy, aniya: “No government that truly exists in the service of the people will invite danger or harm to lives and livelihood.”
Pero, madiin ang sinabi ni PBBM, ‘wag ipakahulugan na ang matimpi niyang kilos ay ipagkamali na isang kahinaan o karuwagan.
Hindi siya papayag na paapi; hindi siya magpapasakop at handang ipagpatuloy ang kalayaan ng bansa na bunga ng paglaban, pagbubuwis ng dugo at buhay ng ating makabayang ninuno.
“We will never be subdued or oppressed by anyone,” sabi ni PBBM.
Bukod kay Facundo, 80 sundalo sa Ayundin ang binigyan ni Marcos ng military honors at kinilala ang katapangan at kahandaang ibuwis ang buhay alang-alang sa kalayaan ng Pilipinas.
Sa mga opisyal ng Western Command, pinanindigan ni PBBM na nakatindig sa solidong bato ang pag-angkin sa WPS at iyon ay hindi sa China, at ipinangako niya, gagawin niya ang higit pa sa makakayang gawin upang ipagtanggol ang teritoryo, kalayaan at karapatan ng bansa na angkinin ang WPS.
Aniya, sa mamamayang Pilipino ang WPS, hindi ito maaaring angkinin ng sinomang dayuhang bansa.
“We are on very solid international legal grounds on this,” sabi ng Pangulo at pinataas ang moral at tapang ng tropa ng AFP-WesCom troops sa paghanga sa katapangan, mga sakripisyo sa pangangalaga sa karagatan sa WPS.
Ang BRP Sierra Madre ay sinadyang ibahura noong 1999 upang magsilbing military outpost natin at lantarang pagsasabi sa mundo: Atin ang WPS!
Inihayag ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague sa Netherlands na atin nga, karapatan nga ng Pilipinas ang WPS, at hindi ito mababago pa, kahit tanggihan ng China.
Katunayang ito ay tinatanggap ng komunidad ng mga bansa sa mundo, tama ang sinabi ni PBBM, nakatindig ang pag-angkin ng Pilipinas sa WPS sa isang solidong bato.
Kadikit lang –120 miles — ng Palawan ang WPS, pero mahigit sa 621.371 miles ito sa Hainan island ng China!
Sa pisikal na layo o lapit, malinaw, “Atin ang WPS!”
Hindi lang sa matatag na solidong bato nakatayo ang paninindigang atin ang WPS, ito ay tinatanggap ng maraming bansa, at wag sana, pero kung mangyari na hindi na maiiwasan pa, handa ang Pilipinas at ang US at iba pang kaalyadong bansa na ipagtanggol ang ating teritoryo.
Ang anomang “armed attack” sa ating mga sundalo sa WPS, ito ayon sa MDT ay sapat na upang ipatupad ang kasunduan na sumugod ang US para sa depensa ng Pilipinas.
Paano kung maulit ang nangyaring “barbaric act” sa Ayungin, ano ang maaari nating gawin?
Mataginting ang wika ni PBBM: Maninindigan tayo at di pasisiil.
Tulad ng sinasabi ng ating pambansang awit, ” Aming ligaya na pag may mang-aapi, ang mamatay nang dahil sa iyo!”
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).
Comments are closed.