PARA sa kabatiran ng lahat, nagpapasalamat tayo sa pamunuan ng Police Files Tonight at Remate sa pagbibigay sa atin ng pagkakataon na sa kanila mailipat ang ating kolum na ‘Paul’s Alarm’ matapos ang halos 2 dekadang pagsusulat sa dati nating pahayagan.
Lalabas ang ating pitak sa mga pahayagang ito dalawang beses isang linggo. Abangan palagi at muli, salamat sa inyo, mga bosing!
***
Sumuko nitong Setyembre 10 si dating Palawan governor, Mario Joel Reyes, ‘prime suspect’ sa pagpaslang kay PPC broadcaster, Gerardo ‘Doc Gerry’ Ortega noong 2011.
Bagaman nga mas mainam kung naaresto siya, okay na rin dahil magsisimula na ang proseso ng paglilitis at nabigyang pag-asa ang pamilya Ortega na gumagana ang sistema ng ating hustisya.
Masasabing ‘pampered suspect’ sa krimen itong si Reyes dahil kahit “pugante” sa batas ay nakakukuha ng pabor sa ating mga korte.
Matapos maibalik mula Thailand noong 2015 kung saan sila nagtago ng kanyang kapatid na si Mario, pumayag ang korte na makapaglagak sila ng piyansa at nakatakbo pa nga sa halalan noong 2022 kung saan talunan siya bilang gubernador ng Palawan.
Nakaraang taon, may utos ang SC sa Palawang RTC na ituloy ang paglilitis at muli siyang labasan ng warrant of arrest upang maibalik sa selda.
Muling nagtago si Reyes at kahit nga pugante, pinaboran ng SC na mailipat ang ‘venue’ ng kanyang ‘trial’ sa Quezon City noon ding isang taon. Inaasahan ang simula ng kanyang ‘court hearing’ ngayong Oktubre 4.
Nalaman natin na bago ang desisyong sumuko, may ‘bail petition’ na pala itong si Reyes!
Inaasahan na rin natin na isa pa sa mga “hirit” niya ay ‘hospital arrest’ dahil ‘confined’ na siya sa isang ospital sa Kyusi nang sumuko siya sa NBI.
Dapat lang maging “maingat” ang korte sa pagbibigay ng pabor sa mga hirit nitong si Reyes.
Hindi kasi malayong “pamarisan” nitong si Pastor Quiboloy at General Bantag, eh, hindi maganda sa imahe ng ating sistema ng hustisya.
Abangan!
Comments are closed.