ANO ba talaga ang problema natin sa Aduana na sa kabila ng maraming batas kontra ismagling, nananatiling sumpa yata na ang salot na ito, bahagyang nababawasan, pero patuloy pa rin?
Mula sa petrolyo, gamit sa konstruksiyon, pekeng kagamitan, luxury cars, pekeng gamot at sigarilyo, produktong bukid — bigas, gulay, karne at iba pa –, higit ang iligal na droga, nakalulusot sa ating pasigan, pantalan, at mismong sa nasasakupan ng Bureau of Customs (BoC).
Tinaasan na ang taripa, pero ito pa ang naging dahilan upang makagawa ng paraan ang mga tinamaan ng lintik na makaisip ng mga paraan upang makapagpalusot ng iligal na kargamento.
Ayon sa ‘Federation of Philippine Industries, Inc.’ (FPI) mahigit sa P2 TRILYON nang smuggled goods, kasama ang mga pekeng produkto, pagkain mula sa bigas, karne at iba pa, nawawala sa bulsa ni Juan dela Cruz dahil sa puñetang ismagling at palusot sa Customs — na hindi mahirap isipin na kaya nakalulusot, may nagaganap na sabwatan sa mga opisyal ng Aduana, kapalit ng bungkos-bungkos na salapi.
Wala nga bang pag-asa na mabago ang sistemang ito?
Dahil sa ismagling, pilay na pilay ang ating lokal na industriya na makipagsabayan sa mga imported products — na nangyari sa industriya ng tela na dati mayabong ito sa ating bansa; at ang sikat na de-kalidad na sapatos Marikina ay nilamon ng pagbaha ng cheap, pekeng sapatos mula sa ibang bansa.
Ngayong Oktubre, si DA Sec. Francisco Tiu Laurel ay balitang mag-iimport ng 35,000 metric tons ng galunggong (GG), pero teka, si Laurel ay pangulo ng dambuhalang fishing company — ang Frabelle, anyare, kalihim ng Agrikultura?
Sabi ng mga taga-BoC, inaasahan na magiging operational raw ang de-kalidad at mabilis at mahusay na serbisyo sa Aduana, ngayong 2024.
Habang ating hinihintay ito, gutom na ang magsasaka natin, ang mangingisda at ang maliliit na industriya sa di-mapigilan pa ring pagpapalusot ng mga kontrabando.
At eto ang masakit, ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), na binanggit ang ‘United Nations data,’ mula sa produktong agrikultura, maliit ang P8 bilyon na nawawala sa kita ng gobyerno kada taon.
Ayon pa sa SINAG, walang naipakukulong kahit isang ismagler????
Dapat sabi ng grupong ito, asikasuhin ng Kamara ang pag-amyenda sa CMTA upang mas mapatalim ang ngipin laban sa mga kontrabandista/ilegalista.
Wala rin yatang nangyayari sa inutang na 88-milyong dolyar ng Department of Finance sa World Bank para sa customs modernization project na inumpisahan noong 2023.
Eto ang matindi na puna ng mga kritiko: Baka raw ang problema ay wala na sa mga batas, baka ito ay nasa tao nang nagmamando, nagpapatakbo ng ahensiya?
Sa pagtutulad, kahit daw ba matalim ang itak kungdi naman maayos ang paggamit, paano mapuputol ang masamang sangang di nagbubunga at nabubulok?
May mga exposé noon si dating Sen. Panfilo Lacson tungkol sa mga opisyal ng Customs na kilala raw na kilabot na kasabwat ng mga ismagler ang naipupuwesto pa sa Aduana.
Kung mayroon ngang ganitong mga tao na naiupo sa Customs, bakit?
Wala kung gayon sa batas, nasa mga opisyal na ang problema kaya salot pa rin hanggang ngayon ang ismagling!
Sa magkano kayang dahilan at naipupuwesto ang mga lintek na mga opisyal na ito sa BoC, ha, Finance Secretary Ralph Recto at Executive Secretary Lucas Bersamin?
Nagtatanong lang naman.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).
Comments are closed.