Banner Before Header

‘Complete package’ sa Senado si Sec. Benhur!

138
MISTULANG nagdilang-anghel ang inyong lingkod, nang minsan ay mabanggit natin sa ating column sa ‘People’s Tonight’ na tila hindi isinasama at napapansin ang pangalan ni DILG Sec. Benhur Abalos sa mga potensyal na maging senador sa 2025, kahit sadyang kuwalipikado siya.

Akalain mo, kasamang Jing Villamente, ilang araw lang ang lumipas nang mabanggit ko ito,  biglang lumutang na “pasok,” statistically rank 12-16 sa latest senatorial preference survey ng Octa Research, ang pangalan ng mahusay na kalihim!

Halos nasa ganitong ranking din si Sec. Benhur sa bukod na survey ng Pulse Asia. Kumbaga, ngayon pa lang, may ‘fighting chance’ siya, kahit sa isang taon pa ang eleksyon, ‘di ba, “bosing” Allan Encarnacion?

At hindi na natin kailangan pang mag-ingay o ipagsigawan ang pangalan ni Sec. Benhur, dahil ang kanyang track record at performance sa lahat ng sangay ng gobyerno na kanyang pinagsilbihan, ay sapat nang patunay na kwalipikado siya sa Senado.

Aber, kahit nga sa ‘race track’ at Bayang Karerista, kilala si Sec. Benhur sa dami ng kanyang mga magagaling na pangangerang kabayo katulad ni ‘Ibarra’ at ‘Hagdang Bato’ at pagiging mabait at mahusay na lider ng industriya.

Hindi rin naman talaga basta ipagkatiwala ni Pangulong Bongbong Marcos ang posisyon DILG chief, kasamang Joel Dela Torre, sa isang tulad ni Sec. Abalos, kung alam niya na hindi ito kwalipikado at kayang gampanan ang tungkulin, tama ba?

Para sa kabatiran ng ating dear readers, ang DILG ang namamahala sa lahat ng local government units (LGUs) na kinabibilangan ng mga gobernador at mayors sa buong bansa, bukod pa ang pagtimon sa may 226,000 kapulisan na miyembro ng PNP, gayundin ang Bureau of Fire Protection (BFP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa buong bansa.

Dahil nakatuon ang kanyang pansin sa mga ahensiyang ito, masasabi natin na siya ang mas makakaalam sa mga suliranin at hinaing na dapat matugunan sa pag-ukit ng kinakailangang batas sa Senado.

At hindi magiging mahirap kay Sec. Benhur ang pag-akda ng mga batas at resolusyon, dahil sa mga hindi nakakaalam, isa ring de-kalidad na abogado si Sec. Abalos, na ibig sabihin ay bihasa sa mga batas at naglingkod na rin naman bilang kongresista ng Mandaluyong City.

Oops! Bilang alkalde kaya nakilala ang Mandaluyong bilang ‘Tiger City’ ng Metro Manila!

At talagang malapit din sa puso ni Sec. Abalos ang mga LGU dahil nung siya ay mayor ng Mandaluyong, naging pangulo siya ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) na binubuo ng 81 lalawigan at League of Cities of the Philippines kung saan kasapi ang 122 city mayors sa buong bansa.

Siya ang kauna-unahang mayor na humawak ng dalawang sensitibong posisyon sa magkasabay na termino.

Ang ULAP ay karaniwang pinamumunuan ng isang gobernador, at si Sec. Benhur din ang unang mayor na namuno ng naturang samahan na binubuo din ng 1.2 milyon elected at appointed LGU officials (League of Governors, League of Vice Governors, Board Members, City at Municipal Mayors, Vice Mayors, Councilors, Sangguniang Kabataan, kabilang din ang samahan ng mga nurses at mga komadrona).

Kaya talagang malapit sa puso ni Sec. Benhur ang lahat ng LGUs at tiyak natin na malawak ang suporta na kanyang makukuha sakaling magdesisyon siyang tumuloy sa mas mataas na aspeto ng paglilingkod – ang Senado!

Ang mahusay na pamumuno ni Sec. Benhur sa DILG ay isang mahusay na behikulo patungong Senado, dahil sa ilalim ng kanyang liderato ay nababatid niya ang lahat ng mga aspetong kailangan palakasin sa kapulisan, LGUs, at iba pang mga ahensiya ng DILG.

Kumbaga, ‘complete package’ si Sec. Benhur na ang panalo sa Senado ay alam nating panalo rin hindi lang ng mga kawani ng gobyerno bagkus, nang buong sambayanang Pilipino, alright!

Abangan! ###

Comments are closed.