Banner Before Header

Cong. Erwin Tulfo, nababagay sa Senado!

122
TAMA, korek na korek, wika nga, ang sinasabi ng mga opinion at political surveys, isang malakas na contender si ACT-CIS partylist Rep.  Erwin ‘Koyang’ Tulfo na kandidatong senador sa May 2025 midterm elections.

Magtataka pa ba tayo? Hindi. Kasi nga, expected na natin na mataas ang approval rating ni “Koyang” Erwin dahil sadyang impresibo, ‘remarkable’ at hindi pa rin napipingasan ang kanyang integridad bilang isang mabuting mambabatas; ang kredibilidad niya bilang media person, nananatiling ‘sky high,’ pag-amin pa ng mga katropa sa media at sa kasamahan natin sa National Press Club.

Imagine, mahigit 58 percent ang thumbs-up rating ni Koyang Erwin sa survey ng OCTA Research, at sa Pulse Asia, 57.1 percent ang rating niya. Maging sa SWS at iba pang  survey, kundi Number 1, hindi bumababa sa numero 5 ang pangalan niya sa posibilidad na manalo — ito nga ay kung maiiisipan niya na tumakbong senador.

Why not? Para na rin may kasangga ang utol niyang si Sen. Raffy Tulfo para magpanukala ng matitinong batas para sa kagalingan ng madlang Pinoy; magiginng magkabisig sila sa paghalukay, pagbusisi at pag-uusig sa mga tiwali sa gobyerno at mga kasapakat sa pribadong sektor.

***

Sa mga hindi pa kilala si Koyang Erwin, ito po siya: he is a former newspaper columnist and broadcaster and ex-DSWD chief, at nanungkulang kongresista ng kanilang partylist bilang kapalit ng nag-resign na 3rd nominee, si Jeffrey Soriano noong Pebrero.

Sobrang taas ng tiwala ng mamamayang Pilipino sa ACT-CIS party-list na ayon sa rekord ng Commission on Elections (Comelec), nananatiling Number 1 sa lahat ng party-list na lumalahok tuwing tatlong taon na eleksiyon.

Oops! Ang ACT-CIS ang partidong “bumuwag” sa dating “monopolyo” ng mga makakaliwang grupo sa party list election sa napakahabang panahon!

Consistent ang ACT-CIS Partylist sa paghamig ng pinakamaraming boto at may tatlong nominee na kongresista sa Kongreso, patunay sa nakapakataas na pagtitiwala ng madlang Pinoy.

Naka-pokus kasi itong ACT-CIS Partylist o Anti-Crime and Terrorism Community Involvement and Support Partylist sa isyu ng paglaban sa krimen, kaligtasan ng publiko, pagtulong na mapagaan ang buhay ng ordinaryong mamamayan.

***

Kung ang ibang kongresista ay nag-uudyok ng “military confrontation” sa isyu ng West Philippine Sea (WPS), iba ang nais ni Koyang Deputy Majority Leader Koyang Erwin Tulfo!

Sa kanyang resolusyon, nais ni Koyang Erwin na ihatag na sa United Nations General Assembly (UNGA) ang pambabardagul ng China, ibig sabihin, makialam na ang UN sa patuloy na agresyon ng mga barko ng China Coast Guard sa ating mangingisda at sa ating Philippine Coast Guard.

Kung maaayos pa sa maginoong usapan, gawin pero kung barasuhan, hehehe, kilala natin si Koyang Erwin at maging ang mga utol niyang sina Sen. Raffy Tulfo, Mon Tulfo at Ben “Bitag” Tulfo– hindi sila pasisindak!

Kung makukuha sa mahinahong usapan sa UN, salamat pero kung hindi na, aba, sa paspasang laban, handa si Koyang Erwin, kasama ang sambayanang Pinoy na ipagtanggol ang ating bayan.

Sa inihatag niyang House Resolution 1766, nais ni Rep. Tulfo na hilingin sa UN na gumalaw ito, ayon sa UN Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) at sa desisyon ng Arbitration Court sa The Hague, Netherlands  noong Hulyo 2016 na ideklara ngang “pasaway” at walang karapatang manggulo ang China sa pagkamkam sa halos buong South China Sea.

Kung gagawin ito ng UNGA, magbibigay ito ng malakas na diin, impluwensiya at karapatan sa Pilipinas na mas palakasin ang deklarasyon sa sigaw natin na “Atin ang WPS,” bukod sa likas nating patriotismo na igiit ang talagang ating teritoryo sa SCS.

Kung makukuha natin ang simpatya ng UNGA, mas makatarungang aksyong moral ang makukuha natin sa paghikayat sa China na sundin at igalang ang ating karapatan sa WPS at maturuan ang China na magpasakop sa desisyon ng UN bilang isa sa permanent member nito at magpakita ng halimbawa ng pagka-masunurin sa batas internasyunal.

Sa personal kong paniniwala, karapadapat na iupo natin siya sa Senado at nang maisulong ang mga panukalang magpapalakas sa paghahatid ng mga programang sinikap at maayos na nagawa niya noong siya ay DSWD secretary.

Kailangan ang isang mambabatas na likas sa puso ang mapagkalinga sa kapwa, at hindi lang ‘yon, ang nasa diwa ay agad na isinasagawa, at kahit pa may nakahambalang na mga hadlang, ginagawan agad ng paraan.

Kailangan kasi ay maging ‘resourceful,’ maging alisto at malikhain ang mga senador na natutunan at naging experto siya noong aktibo pa sa media at nagamit niya ang talino at expertise na ito nang siya nga ay maging DSWD secretary.

Hanggang ngayon, nasa puso ng mga nahatiran niya ng kawanggawa at kalinga ang kanyang pagmamahal, at nagtitiwala ako, tulad ng sinasabi ng mga survey, sa 2025 kung mahihikayat na tumakbo si Koyang Erwin, lahat tayo, ang 58 percent trust rating ng mga survey at magiging konkretong “Oo” sa balota na maghahatid kay Koyang Erwin Tulfo sa Senado.

Maging kaisa tayo sa matinong boto sa Senado para kay “Sen. Erwin Tulfo.”

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments are closed.