Banner Before Header

Gawing totoo ang paglilinis sa Customs at ‘Live and let live

3,219
MAY ilang nagtanong: Bakit daw sa kabila ng mga reporma at kampanya kontra katiwalian at korapsyon sa Bureau of Customs (BoC) ay hindi pa rin mabuwag-buwag ang mga sindikato ng ismagler at mga palusutan dito?

At ang kasunod na tanong: Dapat na nga bang palitan ang mga kasalukuyang opisyales dito at maglagay ng mga “santo” sa Customs para ang ismagling, katiwalian at iba pang dumi rito ay tuluyang malinis?

Noong mga lumipas na panahon, pawang mga makikisig at disiplinadong mistah ng Philippine Military Academy ang ipinuwesto o naipuwesto sa BoC.

Sa simula ay kasama sila sa paglutas sa problema, pero nang magtagal, “sila” na ang naging pinakamalaking problema sa Aduana.

Dismayado na rin ang karamihan ng ating mga tagasubaybay. “Kailan” daw ba ganap na malilinis ang Customs na sa nakalipas na mga administrasyon ay nagpatupad ng kani-kanilang kampanya laban sa katiwalian sa naturang ahensya.

Sa mga nagdaang administrasyon, may “malalaking isda” rin sa loob at labas ng BoC ang inusig at sinampahan ng mga kasong nililitis pa ang marami sa Ombudsman, Sandiganbayan at sa mga korte ng bansa.

Pero matapos na matuwa ang marami sa mga ilang desisyon na pabor sa gobyerno, makaraan ang ilang buwan ang galak o katuwaan ay napapalitan ng matinding pagluluksa, kumbaga, anyare?

Dahil nga kasi nagawa ng ilan na makalusot sa lambat at sapot ng hustisya.

Nagpapagunita ito dear readers ng matandang kasabihan: Gamo-gamo, langaw at kulisap lamang ang mahuhuli ng sapot ng gagamba.

Tiyak na wasak ang sapot kung ang tangkang huhulihin ay isang “agila.”

Gayundin, walang matibay na lambat kung ang huhulihin ay mga dambuhalang pating sa katihan.

Masakit aminin, pero ito ang patuloy at tunay na nasasaksihan ng bayan.

“Pipit” at “maya” lamang ang nabibihag ng sapot at lambat na panlaban sa mga kurap sa Aduana.

May pag-asa pa ba na mapatino ang Customs?

Tanging taga-Malakanyang, Department of Finance at, taga-BoC ang makasasagot sa mga tanong na ito.

***

Sa mundong ito, may mga malinis pa ba?

Meron bang kahit isa na maaaring umangkin at ipagmalaki sa mundo: Wala akong dungis, wala akong dumi sa mukha!

Sabi nga ng ating matatanda: “Humarap na muna tayo sa salamin at tingnan baka tayo ay may dungis sa mukha o may muta sa mga mata, bago natin sabihan o kutyain ang ating kapwa na siya ay may dungis at puno ng muta.”

Nabanggit natin ito dahil marami sa ating mga kapatid sa midya na kung ipagmalaki ang sarili ay para bang sila ay maputing-maputi sa kalinisan at walang kahit konting mantsa sa propesyon at maging sa mismong pagkatao nila.

Kung makapag-alipusta sa kapwa nila mamamahayag, parang sila ay santo at larawan ng kabanalan. Gayon nga ba sila? O lihim na “kaibigan” ng mga “iligalista?”

Bakit natin ito kailangang isulat: Sobra na kasi ang kanilang panghahamak na, kulang na lang duraan sa mukha ang kapwa nila.

Hindi natin sila pinakikialaman kung paano nila nais patakbuhin ang kanilang mga buhay.

Hindi rin naman sila kinikibo o sinisiraan.

Panghuli: Hindi magiging hadlang ang iyong kapwa sa inyong gawain o paraan ng paghahanapbuhay.Kayo ay malaya na gawin ang inyong nais.

Live and let live!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments are closed.