Banner Before Header

Huwag hadlang sa pagbabago!

68
UULIT-ULITIN ng pitak na ito dear readers, hindi kakayanin ni Customs Commissioner (BoC) Bienvenido Rubio kung mag-isa lamang siya, mahihirapan siyang sugpuin ang sindikato ng ismagling.

Kailangan ni Comm. Rubio ng tulong ng lahat dahil hindi namann siya tulad ng superhero sa komiks na hinahangaan natin na kayang masawata at magupo ang mga kalaban agad-agad, pero hindi ito kuwentong Komiks.

Ang reyalidad: nananatiling malakas ang ismagling sa bansa sa kabila ng maraming mahihigpit na batas na nagpaparusa sa mga ismagler.

Pero iba si Rubio, determinado at buo ang loob; hindi man lang siya tinayuan ng isang balahibo upang matakot at itigil ang kampanya kontra sa mga iligal na gawain sa BoC.

Totoo ang naisin ni Comm. Rubio at ng mga kapwa niya opisyal na masugpo ang ismagling na siyang dahilan ng malaking kawalan sa kabangbayan.

Multi-bilyong piso ang nawawala sa krimeng ito na kung makokolekta, hindi na kailangan pa ang umutang at magpalimos ang bansa natin sa pagbili ng mga modernong gamit at pampalakas ng ating puwersa militar, ngayon na tayo ay nahaharap sa tunay na kalaban: Ang hindi mapigil na pagtatangka ng China na agawin sa atin ang mga pulo at isla sa West Philippine Sea at iba pang mayayamang mina sa ating karagatan.

Magagawa sana nating mapaunlad ang kabuhayan natin, mas mapatataas ang kalidad ng edukasyon, mas maraming hanapbuhay ang malilikha, anupa at malaking ambag ang bilyon-bilyong na sana ay malilikom kung wala ang ismagling.

***

Paano natin matutulungan si Rubio at ang mga kapwa niya opisyal sa pagsasaayos at pagtutuwid ng mga sira-sira at bako-bakong daan sa Aduana?

Marami nang pagkilos, mga bagong tagubilin, mga bagong reporma at mga bagong paraan na ginagamitan pa ng teknolohiya at siyensiya para malabanan ang ismagling at iba pang katiwalian sa BoC. Pero nagtagumpay ba?

Sa totoo lang mga masugid nating tagasubaybay, hindi naman mahirap labanan ang ismagling kung tutuusin.

Ano nga ba ang solusyon: Katapatan sa tungkulin, mahusay na pagsunod sa batas, tibay ng dibdib laban sa tukso ng madaling pagkakamal ng salapi sa “baluktot na paraan.”

Ang tanong: Mayroon ba tayo ng mga ganitong opisyal at kawani ng BoC? Ang sagot: napakarami nila, pawang matatapat, pawang matitino at nais na tunay na makapagserbisyo nang matapat sa bansa.

***

Ano ang dahilan at hindi tayo nagtatagumpay laban sa katiwalian?

Pagkakaisa ang kulang, pagwawalang-bahala ang naririyan, at ang pagsasabing, nandiyan na yan at hindi na maaari pang mawala.

Mali: magagawa ito, kung si Comm. Rubio at ang maraming matitino at matatapat na mga opisyal at mga kawani ay ating tutulungan.

Ito ang kulang, at dapat, at dapat na mangyari.

Sa kung paanong paraan, sumunod tayo lagi sa batas at itinatakda ng mga regulasyon, at ‘wag kumunsinti ng mga mali.

Matuto tayong sumama sa pagbabago; huwag tayong humadlang sa pagbabago.

Ngayon na ang panahon para simulan ang pagbabago at tuluyan nang patayin at wakasan ang halimaw na ismagling.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yshoo.com).

Comments are closed.