PAREHONG “pumalag” ang Leonel Waste Management Corporation at ang punong tanggapan ni Manila Mayor Honey Lacuna, hinggil sa malubahang problema sa basura sa lungsod na hindi lang “nagpapabaho” sa amoy sa kapaligiran, bagkus, isang dahilan kung bakit malapit nang matawag na “imposible” na manalo pa ng isang termino si mayora.
Unang nagbato ng akusasyon si Mayor Lacuna pagbungad pa lang ng 2025 dahil nga kahit saan ka lumingon, nagtambak at nagkalat ang basura sa halos lahat ng kalye ng Maynila, kahit pa sa mga ‘main roads’ katulad ng Roxas Boulevard, España, Quirino Avenue at Taft Avenue.
Kung ikaw ay isang dayuhang turista na naniwala sa mga propaganda ng Department of Tourism kung bakit “dapat” kang magbakasyon sa ‘Pinas, aba’y baka balakin mong bumalik na sa airport at bumalik sa bansa mo dahil nga sadyang ‘eye sore’ at ‘nosebleed’ ang bubungad sa iyo pagpasok mo ng Maynila.
Ani Mayor Honey, hindi lang “inabandonda” ng Leonel ang obligasyon nito na hakutin ang lahat basura sa Maynila hanggang Disyembre 31, huling araw ng kontrata nito sa City Hall, bagkus, “sinasabotahe” pa ang kanyang administrasyon sa “pahaging” na ang Leonel ay “loyalista” ng nagdaang administrasyon (ni Mayor Isko Moreno).
Pero teka, nakalimutan kaya ni Mayora na kasama siya sa administrasyon ni Isko dahil siya ang bise-alkalde noon? Hindi ba parang “wala sa hulog” ang bintang ni Lacuna na pati “sarili” niya ay sinisisi sa mabahong problema ngayon ng Maynila?
Resbak naman ng Leonel sa isang pahayag nitong Enero 6, maaga pa lang, nitong Setyembre 2024, ay “tumimbre” na sila kay Lacuna at sinabing wala na silang balak na muling lumahok sa gagawing ‘bidding’ ngayong 2025 para sa ‘garbage hauling services’ sa pagtatapos ng kanilang kontrata nitong Disyembre 31.
Ayon pa sa Leonel, hanggang sa huling araw ng kanilang kontrata, ginampanan nila ang kanilang obligasyon, patunay ang mga ‘barangay certifications’ na hawak nila.
Hindi man inamin ng Leonel, lumalabas na “tumamlay” na silang ituloy pa ang kanilang pagseserbisyo matapos umabot na sa higit P561 milyon ang utang sa kanila ng City Hall na hindi pa rin nababayaran.
Aber, kung ikaw nga naman ang ‘service provider’ at wala ka nang ginawa kundi “mag-abono,” matutuwa ka kaya?
Sa pahayag ng Leonel, malinaw na may higit 3-buwan pa ang tanggapan ni Lacuna para magsagawa ng bidding at makapili ng bagong ‘garbage hauler’ subalit lumalabas na hindi niya ito ginawa! Ang “pruweba” siyempre ay ang mga nagtambak na basura.
Sa “kontra-resbak” naman ng City Hall matapos ‘mag-viral’ ang paliwanag nang Leonel, gustong palabasin na “sinungaling” si Nathaniel “Nat” Velasco, may-ari ng kumpanya, sa “bersyon” nito sa kanilang pag-uusap noong Setyembre.
“Wala” aniya silang napag-usapan hinggil sa utang ng City Hall sa Leonel; ang sinabing dahilan umano ni Velasco ay “matanda” na siya at “kaibigan” ang “dating mayor” (Isko) at ayaw na niyang “maipit” pa sa away-pulitika nina Isko at Lacuna.
Translation? Pulitika ang dahilan ni Velasco at hindi kuwarta.
“Alam” din daw ng Leonel ang “prosesong pinagdaraanan” bago mabayaran ang isang kontraktor, bunga nang mga ‘accounting, auditing requirements and procedures’ sa burukarasya ng gobyerno, bagay na hindi lang marahil “alam” bagkus, “kabisado” ng Leonel dahil 1993 pa ito may kontrata sa Maynila.
Mayroon na rin daw P131 milyon pambayad sa serbisyo ng Leonel para sa buwan ng Mayo at Hunyo. Kung ganito nga, ang “hinahabol” at ipinupunto ng Leonel ay ang bayad mula Hulyo hanggang Dsiyembre, tama?
Oh well, ngayong buwan, partikular simula sa Enero 10, ay “malalaman” kung “sino” kina Mayor Lacuna at Velasco ang dapat paniwalaan at “sino” ang “sinungaling.”
Enero 10 kasi ang ‘deadline’ (read: “pangako”) ni Lacuna na mahahakot ang lahat ng nagkalat na basura sa Maynila.
Kung pagkatapos ng Enero 10, tambak pa rin ang basura sa inyong mga lugar eh, di… “alam” na this!
Comments are closed.