PALAGING numero uno sa listahan ang Bureau of Customs (BoC) na isa sa pinaka-corrupt na ahensiya ng gobyerno.
Kahit na marami-rami na ring Customs Commissioner ang talagang ginagawa ang lahat — marahil higit pa sa kanilang makakaya– upang mabawasan kungdi man tuluyang mawala ang korapsiyon sa Aduana ay madalas pa ring nababanggit ang BoC na ahensiyang pinakabulok o tiwali.
Noon, nasabi ni Manong Juan Ponce Enrile — na minsang naupong BoC commissioner sa panahon ni Pres. Ferdinand Marcos Sr. — na totoong napakahirap maalis ang korapsiyon sa Aduana.
Sabi nga, panahon pa ni Matusalem, nandiyan na ang korapsiyon.
Kung matatandaan dear readers, ilang komisyado na ng Aduana ang nadawit ang pangalan sa korapsiyon; may inimbestigahan ng Kongreso at ng Senado, pero wala namang nangyari at mga pipitsuging opisyal at tauhan lang, mga kasabwat na importer at broker lang ang nakasuhan, at iilan lang din ang napatunayang nagkasala nga at naparusahan.
Sa panahon ni dating Presidente Rodrigo Roa Duterte, apat ang iniupo nyang commissioner sa Aduana, pero kung nabawasan man, parang tabak na nakabaon sa batong buhay, wala ni isa sa kanila ang nagawang mabunot at mahugot ang ugat ng katiwalian.
Sa panahon ni Pres. Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, kapwa nag-resign sina Customs Commissioner Ruffy Biazon at Deputy Commissioner Danny Lim na sinundan din agad ni Deputy Commissioner Juan Lorenzo Tanada.
Nangyari ang pagbibitiw ng tatlo nang upakan ni PNoy sa kanyang State of the Nation Address (SONA) ang talamak na korapsiyon sa BoC, di-mapigilang ismagling at sinasabing pagkawala ng mahigit sa P200 bilyong piso na naibulsa ng mga tiwali sa BoC, mga kasabwat na ismagler at mga politikong hindi naman pinangalanan, the rest is history, wika nga.
***
Sa maraming imbestigasyon nang isinagawa, iisa ang laging matutukoy kaya napakahirap na mawala ang korapsiyon sa BoC: maraming malalapit sa Pangulo, sa Gabinete at maging mga kongresista at senador ay hindi lang “nakasawsaw” kungdi, nasa likod ng ismagling at katiwalian.
Protektado ng mga politiko, malalaking tao sa gobyerno o kaya maiimpluwensiya sa mga pinuno ng mahahalagang departamento ng gobyerno ang pasimuno sa ismagling kaya hirap ang matitinong opisyal ng Aduana na totohanang masugpo ang korapsiyon.
Ulo nila, reputasyon at dangal ang wawasakin ng maiimpluwensiyang taong ito kaya napipilitang maglubay sa paglilinis sa Customs.
‘Yung hindi mapasuko ang integridad, tanging kusang pagbibitiw sa tungkulin ang magaan na paraan upang hindi maputikan ang karangalang iniingatan.
Madalas nang nasasabi ang pagkainggit sa mga opisyal sa Japan, Canada at iba pang bansa na ang mga pinuno ay may baon pang ‘delicadeza’ sa puso at kaluluwa — na konting himig o batikos o kung maisalang sa imbestigasyon, kusang umaamin o nagbibitiw sa tungkulin.
Para mabawasan ang korapsiyon ay may mga mungkahi na mismong ang Pangulo ang magsiwalat sa mga pangalan ng mga politiko, miyembro ng Gabinete na protektor ng mga nagpapalusot sa Aduana.
Malaking tulong ang pagbatikos at matapang na komentaryo ng media sa hangad na mailantad ang mga protektor ng katiwalian, pero higit na kailangan din ang todong suporta ng Pangulo laban sa korapsyon.
Kung wala ang todong suporta ng Opisina ng Pangulo, mananatili ang makakapal ang mga mukha sa Aduana at hinding-hindi mawawala ang korapsiyon hindi lamang sa Customs kungdi sa buong istruktura ng pamahalaan.
***
Opo, totoong may magagandang iniwan sa bansa ang dating Presidente Ferdinand Edralin Marcos Sr., pero hindi ito dapat na maging dahilan upang kalimutan na, ‘wag nang usigin pa ang mga taong gumawa ng karahasan, pagpatay, katiwalian at matinding pagnanakaw na nangyari sa rehimen ng batas militar.
Ilan nga sa magagaling na legacy ni Marcos ay ang maraming itinayong kalsada, paliparan, mga ospital, state colleges and universities, pabahay at iba pa – na hanggang ngayon, pinakikinabangan ng taumbayan.
Ang magaling, dapat na gayahin, pero ang masasamang ginawa sa panahon ni ‘Macoy,’ hindi dapat na isantabi dahil lamang sa panawagan ng pagkakaisa, dahil sa sigaw na iwan na at harapin ang mga problemang hinaharap ngayon ng bansa.
Hindi dapat na isarado ang madugong nakaraan ng batas militar, lalo na at hanggang ngayon, maraming namatay at nawawala pa ay sumisigaw ng hustisya.
Para sa akin, ang paghahanap ng katarungan sa mga biktima ng martial law ay hindi paghihiganti.
Ang kabayaran sa kasalanan ay katarungan, di po ba?
Dapat ay panagutin sa mata ng batas ang mga may kasalanan, hindi sa paraan na nais lamang maghiganti.
Walang hustisya sa gantihan pero may kapatawaran ang kasalanan kung maparurusahan at babayaran bunga ng maayos na paghuhusga, ayon sa mata ng batas.
***
Lahat ng magaganda na ginagawa ngayon ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ay ating suportahan; ang masasama, ating kondenahin, ating usigin, tama po ba?
Sa huli ating suriin dear readers, ano ang pinakamamahalagang nagawa at ginagawa ng ating pamahalaan para sa kabutihan ng bansa, at ano ba ang mabubuting bunga at pakinabang sa bayan sa mga proyektong mula sa bulsa ng tax payers/mamamayan?
Kaya sa mga masugid kong tagasubay, ngayon na ang panahon para wakasan ang mga maruming politika na siyang bunga ng kahirapan ng Pinoy at kung bakit tayo ay napag iwanan ng ibang kalapit nating mga bansa.
Tama na ang mga away, laitan, batikusan, etc: Ibahin natin, gawin nating mabuti, maginhawa at masaya ang kuwento ng bawat pamilyang Pilipino.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).
Comments are closed.