Banner Before Header

‘Kontrahan’ ang interes sa pulitika

13
TOTOONG walang matatag at matapat na samahan at pagkakaibigan sa politika. Batay sa karanasan, walang matatag na tunay at totohanang bigkis ng paninindigan at pakikipaglaban tuwing may halalan.

Kaya nga naging palasak ang mga katagang “balimbing” at “hunyango” at “trapo” dahil sa ugali ng pagtalikod at pagtatakwil ng mga binitiwang pangako ng mga politiko.

Kitang-kita ito sa ugali ng mga botante at partido politika sa pagpili ng mga ibinobotong Pangulo at Pangalawang Pangulo.

Balikan natin ang election 2010: Magkatiket sina President Benigno Aquino III at dating DILG Sec. Mar Roxas, pero kung totoo ang paniniwala ng marami, maraming tagasuporta ng Liberal Party at mismong mga alagad ni Aquino ay iniwan sa kangkungan si Roxas at sinuportahan ang kandidaturaa ng nanalong bise-presidente na si Jejomar Binay – katiket naman ni dating Presidente at Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.

May mga nagsasabi na kung sa kanya napunta ang suporta at boto ng mga kasapi ng Iglesia Ni Cristo (INC), baka nanalo si Estrada at hindi si Aquino.

Kung matatandaan, ilang milyong boto lamang ang naging kalamangan ni Noynoy laban kay Erap.

Pansinin ulit: noong 1992, nanalo sina Pres. Fidel Ramos at VP Estrada, kapwa magkaiba ng partido, at noong 1998, galing din sa magkalabang partido sina Pres. Estrada at VP Gloria Macapagal Arroyo.

Si brodkaster Sen. Noli de Castro naman ang nanalong VP katiket si Arroyo noong 2004.

Mahalaga ang papel ng pangalawang pangulo sa ating eleksiyon dahil anoman ang mangyari sa presidente, siya ang mauupo sa Malakanyang.

Alam na natin ang nangyari noong EDSA 2 – naupo si VP Arroyo at napalitan si Pres. Estrada.

Kaduda-duda ang pagkatanggal kay Erap nang paupuin si Gloria sa dahilang “constructive resignation” daw ni Estrada na iginiit na hindi siya nagbitiw sa pagka-pangulo.

Noon ring 2016 ay may kakatwang sitwasyon na isinulong ang ilang grupo para sa Team Jo-Len, para ipanalo sina VP Jojo Binay at Cong. Leni Robredo.

Si Leni ay katiket ni LP candidate Mar Roxas, na kung matandain ang taumbayan ay katiket ni Pres. Aquino pero ang nanalong VP ay si Binay.

Kuno, maraming Aquino supporters ang “nagtraydor” kay Mar kaya tinalo siya ni Binay na nagtaguyod ng “Noy-Bi” o “Bi-Noy” tandem noong 2010 elections.

Dahil nanggagaling sa magkaibang partido ang sana ay magkatuwang na pangulo at pangalawang pangulo, may nagmumungkahi na gayahin natin ang sistema sa Amerika.

Sa US, awtomatiko na kapag ibinoto ang pangulo, kasama na ring ibinoto ang katiket na pangalawang pangulo.

At sa US, awtomatiko, ang VP ang nauupong Senate President, kaya matatag ang liderato ng Senado na walang ugaan at pagpapalit-palit ng pangulo nito.

Sa US, magkatugon, magkasama at nagkakaisa ang presidente at ang VP sa pagtataguyod ng kanilang plataporma de gobyerno.

Hindi tulad sa atin, kung magkaibang partido galing ang pangulo at pangalawang pangulo, madalas kaysa hindi, magkakontra sila at ang apektado ay kapakanan at interes ng sambayanang Pilipino.

Sa nakaraang 2022 elections ay ganito pa rin ang nangyari kontra-kontrang interes sa politika, nanalo si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at Sara Duterte bilang Pangalawang Pangulo.

Dahil sa pagtalikod, mga ‘vested interests’ at hindi pagtupad sa mga binitiwang pangako, ang dating magka-tandem na si PBBM at VP Sara Duterte ay magkaaway na ngayon).

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments are closed.