Banner Before Header

Pagbabago, kayang gawin— Comm Rubio

29
KUNG lumalabas ang masamang karakter ng mga Pilipino sa nakaraang mga kalamidad, mas matingkad naman ang kabutihang loob ng marami sa atin:

Kahit maliit na ambag ay nagbibigay ng tulong na salapi, mga damit, gamot at ang walang materyal na maitutulong ay ibinigay ang kanilang sariling lakas at panahon upang makisali sa pagliligtas ng mga nawawalang biktima; nakikidalamhati sa mga nawalan at namatayan, at ang marami, tumutulong sa mga ahensiya ng pamahalaan at mga pribadong sektor sa pangangalap at pamimigay ng ayuda.

Ito ang tunay na diwa ng kabayanihan ng lahing Pinoy: hindi kayang pasukuin, hindi kayang pahinain at ang pinanghahawakan ay pagtitiwala sa Panginoong Diyos — na ang lahat ay pagsubok at makakabangon ang mga sinalanta gaano man kalupit ang tadhana.

Nagtitiwala ang marami: hindi ibibigay ng Diyos ang mga pagsubok kung hindi ito kakayanin ng iniibig Niyang subukin.

Aking naaalala ang kuwento ni Job — isang dakilang lalaki ng Diyos na sinubok ng Diablo ang katatagan ng pananampalataya.

Inubos ang kayamanan ni Job, namatay ang kanyang mga anak, at nagkasakit pa na ang katawan ay tinubuan ng bukol at kinakain ng mga uod.

Ngunit hindi siya bumitaw sa pagtitiwala sa magagawa at kapangyarihan ng Diyos: hindi nagtanong, hindi nanumbat si Job sa Amang Diyos kung bakit siya “pinarurusahan” gayong siya ay lumalakad nang matuwid sa aral at utos ng Panginoon.

Nang usigin si Job ng kanyang asawa kung bakit nagtitiwala pa sa Diyos sa kabila ng sunod-sunod na kalamidad at matinding karamdaman, ang naging sagot ni Job?

Hindi lamang sa panahon ng kaginhawaan dapat na magpapasalamat sa Diyos, kungdi maging sa panahon ng kagutuman, pagkakasakit at kawalang pag-asa.

Sa ipinakitang matinding pananampalataya ni Job, pinagaling ang kanyang mga sugat at ibinalik ng Diyos ang kabuhayan at kayamanan na higit sa dami ng naunang nawala sa kanya.

Marahil, “espiritu” ni Job ang nasa lahing Pilipino.

***

“Lawakan natin, buksan natin ang ating isipan!”

‘Wag isara ang puso at pagtitiwala na dahil ang iba ay nabigong mabago ang Bureau of Customs (BoC), hindi na ito maaari pang mabago, at lahat ng pagsisikap ay mauuwi sa wala.

Ito ang muling apela ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio, higit sa mga kasamang kapwa public servant sa BoC.

Kung hihinto na siya at mga kasama sa Aduana na naniniwala na kayang mabago at maireporma ang BoC, wala ngang mangyayari, kaya ang pakiusap ni Rubio, magpatuloy ang lahat na magsumikap, na sa kabila nang maraming paghamon, makakayang baguhin ang mga mali, maitutuwid ang mga baluktot, sa paniwalang mababago rin ang lahat para sa ikabubuti ng ahensiya.

Mabuting pagtatrabaho, walang pingas na pagtitiwala sa kabutihan at katapatan ng mga kasama sa BoC ay isa sa mga susi ng reporma sa kawanihan.

Kung maging matino at mahusay sa trabaho, ang pagbabago ay kailangang maitawid sa puso ng taumbayan, at ito ay magagawa kung ang lahat ay magtutulungan, at ang lahat ay makikiisa sa ginagawa niyang reporma, pakiusap ni Rubio.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments are closed.