BAKIT may mga politiko na ngayon pa lang ay kinukondisyon na ang isipan ng kani-kanilang contituents na sila ang dapat manalo sa susunod na halalan?
Opo, ngayon pa lamang, nakakasa na ang gagawin nila kung sila ay matalo – sa sinasabi nilang “pandaraya” na gagawin sa kanila, ganun?
Pambihira at ibang klase rin naman ang estilo ng ilang mga politikong ito, di ba dear readers?
Isinasaksak na sa isip nang kanilang mga kababayan at tagasunod na ngayon pa lamang, pag natalo sila, kaguluhan at pananakot ang dapat na itugon, wow ha?
Napakahirap na magkaroon ng mga lider na hindi pa man nagkakaroon ng tunay na halalan ay inaaangkin na ang panalo at ipinalalagay na ang taumbayan ay isang bungkos na uto-uto at parang robot na kaya nilang pasunurin sa ano mang nais nilang ipagawa, sanabagan!
***
Bakit may mga politiko na madalas ay nakikitaan ng pagkapikon at madaling sumiklab ang init ng ulo kapag hindi gusto ang nababasa o naririnig lalo na pag kontra sa kanyang gusto?
May ilang politiko kasi na nanunungkulan ngayon, nagbabalik, at re-electionists ay mga pikon at may “topak.”
Dapat sila ay laging cool lang, di ba dear readers?
Gayundin sa mga nais maging mayor, governor at congressman. Dapat sila ay mahinahon at hindi nagpapadala sa bugso ng damdamin o biglang galit.
Ang desisyon kasi na bunga ng pagkapikon o galit ay mapanganib dahil sa anomang gustong gawin ng ilang politiko ng bansa, buong Pilipino ang tiyak na apektado katulad sa kasalukuyang nangyayari ngayon na kaliwa’t kanang siraan at batuhan ng putik.
Hindi magandang katangian sa sino mang kandidato at politiko ang magpakita ng pagiging bugnutin o mainitin ang ulo at madaling madala ng sulsol o madaling mapaniwala sa tsismis.
Pangit sa ilang kaalyado ni PBBM at mga kandidato na agad-agad ay kumikilos nang hindi gaanong tinitimbang ang tama o mali o pinag-aaralang mabuti ang magiging resulta ng kanilang aksiyon o utos.
Sakuna at matinding kapahamakan ang magiging resulta nito sa buong bansa.
May mga media forum na minsan ay tinatanggihan ng ilang mga politiko. Ang katwiran nila, “biased” daw laban sa kanila, at panig sa kanilang mga “kalaban” ang ibang samahan ng midya.
Sa halip na harapin ang mga isyu, init ng ulo ang isinasagot ng mga pulpol na politiko ni Mang Juan na nais umano tayong “pamunuan. Ito ay peligroso, nakatatakot.
76 days to go ay midterm elections na, at napakahirap na magkaroon ng mga lider na may topak at pikon, di po ba?
***
Palabra de honor ang tawag sa isang tao na ang sinabi ay kayang panindigan at titiyaking kayang gawin ang sinabi o ipinangako.
Pansinin: Tanging ang tao lamang ang binigyan ng Amang Diyos ng katangiang makapagsalita, at makapagpahayag ng saloobin at mangatwiran.
Maraming kandidaton na sa kainitan ng kampanya, langit at lupa ang ipinapangako kapalit ng boto at kanilang panalo. Pero may nangyari at naibigay ba ang mga pangako, wala!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).
Comments are closed.