Banner Before Header

Sa Mayo 12, babalik na si Yorme Isko & Company!

0
ANAK ng tinolang manok, paanong mananalo itong tropang nasa Manila City Hall, eh mas aligaga sila sa pagtatanggal ng mga poster ng mga kandidato ng ‘Yorme’s Choice.’

Imbes na ayusin ang laging mabigat na trapiko at pangongotong ng mga tiwaling traffic enforcer, imbes na hakutin ang nagtambak na basura at linisin ang Maynila, ang inaatupag nila ay siraan si Yorme Isko Moreno.

Sorry, pero naisip ko, may konting “katangahan” din ang mga nagpaparatang sa sinasabi nilang mga “kalokohan” at “korapsiyon” daw sa panahon ni Yorme noon. Teka, hindi ba kayo ang “magkakasama” sa termino niya?

Kung ano man ang aksiyon o ginawa ni Yorme Isko noon sa panahon ng pandemya, mga infra projects at iba pa na sinasabing may “anomalya,” huwag kalimutan, lahat nang ito ay ‘authorized’ ng City Council na ang presiding officer ay ang vice mayor noon at ngayon ay Mayor Honey Lacuna!

Kung totoo ngang may korapsiyon, aba, Mayora Honey, sabit ka, “kakutsaba” ka!

Pero ito ang maliwanag, kahit ano pang paninira, tanggalin man ninyo lahat ang posters, paanunsiyo at iba pa na nagpapakita sa hindi na mapipigilang pagbabalik ng tropang Yorme’s Choice sa CityHall, walang saysay ito lahat.

Okay lang ubusin nyo ang bilyones na perang pondo, kahit pa ipakalat ang inyong bayarang mananakot at maton, hindi nyo magagawang alisin ang todong suporta at pagmamahal sa buong tiket ni Isko.

“Mangatog” ka na, Yul Servo, papalitan ka na ni incoming Vice Mayor Chi Atienza, at ito ay walang duda na mangyayari!

Tandaan mo, buong Maynila ang balwarte ni VM Chi, nakalimutan mo yata, Servo, anak ni dating vice mayor, dating mayor, dating Cabinet secretary at Congressman Lito Atienza ang binabangga mo.

At kaya ka lang nanalo, kasi tinulungan ka ni Yorme Isko at tropang Yorme’s Choice — na ngayon ay kinakalaban mo.

Sabihin ba naman na peke raw, mind conditioning lamang, ang lahat ng surveys na nagsasabi, kakain ng alikabok ang tiket nila ni Mayora Honey.

Dahil ba mistulang nangangamoy na nabubulok na basura ang trust rating nila sa lahat ng survey?

Kung sa estudyante bulakbol, ang grado ng dalawa ay lumalagapak na “65” at pag ganito ang grado, ang resulta ay kick out na sa school.

Ganyan din ang mangyayari sa Mayo 12, iyakan ito kasi, sipang palayas sa CityHall ang igagawad na hatol ng botanteng Manilenyo.

***

Bakit sigurado na ang Yorme ISKOming Back?

Kasi hindi pa nakakalimutan ng Manilenyo at kahit sa ibang panig ng bansa ang kanyang ‘outstanding performance’ noong panahon ng pandemya.

Sa paghanga, maging ang ibang alkalde sa bansa, ginawang modelo ang pag-asensong ginawa ni Yorme sa Maynila!

Pag may kalamidad sa ibang dako, nagpapadala, hindi lamang ng relief goods si Yorme, pati ang medical at engineering team ng CityHall ay tumutulong.

Marami pang serbisyong totoo ang nawala, at ito ang gustong maibalik ng Manilenyo sa Mayo 12, kaya lagi na, sa mga caucus, miting at umpukang barangay, ang sigaw, “Yorme, yorme, sabik na kami, bumalik ka na, bumalik ka na, Yorme!”

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments are closed.