Banner Before Header

Trabaho at oportunidad, muling ibabalik ni Isko

0
ILANG linggo na lang, aarangkada na ang todong kampanya ng mg local candidates, at ngayon, ang dami nang “naglulundagan” — kumbaga sa daga, ‘abandon ship’ na sila dahil “palubog” na “barko” nang kinampihan nila.

‘Yan ang reyalidad ng politika, ‘personal interest’ ang palaging inuuna.

Nangyayari na ito ngayon sa pulitika sa Maynila, nagpaparamdam na ang maraming lider ng kabilang ‘parlor,’ nagpapahatid-sabi na lilipat na sila sa Yorme’s Choice.

Dangan kasi, kahit ano pang gawing pagtatakip sa mga butas, patuloy na ang paglubog ng barko ng kabilang grupo.

Sa lahat ng survey, Topnotcher o laging numero uno si Yorme Isko, at ang mga kalaban, kumakain ng alikabok.

At kahit sa mismong survey ng taga-Cityhall, malinaw ang nakasulat sa “pader”– ayaw na sa kanila ng Manilenyo, at tiyak na ang pagbabalik ni Yorme, kasama si Ate Chi-Chi Atienza at mga konsehal na ang misyon, linisin ang naging “dugyot” na Maynila.

Sa huling miting ng Yorme’s Choice na dinaluhan ng mahigit na 50,000 miyembro ng “KAAGAPAY” na mga Manilenyo, nagpahiwatig na si Isko, binanggit na niya ang mga plano upang muling pasiglahin ang lungsod.

Ayon kay Yorme Isko, sisikapin nila na ang mga Batang Maynila ay maramdaman na may gobyerno na kakalinga sa kanila, ipararamdam ng Yorme’s Choice ang pagbabalik ng malasakit sa kapwa.

Unang gagawin nila, kung sila ay nasa cityhall na: “Lilinisin natin ulit ang Maynila. Maliligo ulit. Naaawa naman ako sa mga taga-lungsod. Talaga namang dugyot ulit ang Maynila ngayon,” pansin ni Yorme.

Hindi ito paninira dahil ito ang totoo.

Huwag nang lumayo sa paligid ng cityhall, sa may Lacson Underpass, sa Liwasang Bonifacio at  kalapit pang lugar, mapapansin ang nagkalat na dumi; mga tambay pagala-gala, parang mga zombie.

Ang kriminalidad, lantad, sabi nga ni Yorme Isko, lima singko ang mga tolongges sa Maynila.

Kahit tanghaling tapat, ‘snatch’ dito, ‘snatch’ doon; agaw dito, agaw doon; patayan dito, patayan doon.”

Himutok pa ni Yorme, “Para bang wala na namang gobyerno sa Maynila.”

Peace and order ang uunahin nila ni Vice Mayor Chi-Chi, kasi pag magulo, sino ang magnanais na magnegosyo sa Maynila?

Kailangang maibalik ang panatag na kalooban ng tao, at kapag panatag na, kapag mapayapa na, ang nawalang tiwala ay babalik, sabi ni Yorme Isko.

Pag may negosyo, pag may investment, may trabaho; pag may infrastructure projects, sisigla ang takbo ng ekonomiya, at ang tao, sisigla, gagana ang talino at ang pagsisikap, ito ang dinamikong lakas na magtutulak sa pag-asenso ng madlang Manilenyo.

Kapag nasa  Cityhall na sila, ang unang focus ay magbigay ng trabaho sa tao; uunahin ang paglikha ng oportunidad sa hanapbuhay.

 

Priority nila, sabi ni Yorme ay ang “MBM,” ito ang minimum basic needs sa araw-araw na buhay, kasama ang maagap at tiyak na serbisyong medikal, edukasyon, pabahay at pagkakakitaan sa disenteng paraan.

Ang panawagan ng Yorme’s Choice, huwag mainip, kaunting panahon na lamang ang pagtitiis, darating din ang araw, kung sa dilim, mapapawi iyon, at magliliwanag.

‘Yung mga nais sumama sa bagong pag-asa at bagong sigla ng Maynila, sige lang, walang pipigil sa inyo.

Kung ang intensiyon ay maging kabalikat sa pagbabago, bukas ang Yorme’s Choice.

Lagi namang sinasabi ni Yorme Isko, siya ay Manila mayor ng lahat, lalo na ang mga ayaw sa kanya ngayon, at alam niya, sa pagbabalik niya, kasama si Vice Mayor Chi-Chi Atienza, makikisama sila sa muling pag-unlad, sa muling pagsigla at pagyabong ng Maynila, ang kapitolyo ng ating bansa.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments are closed.