Banner Before Header

‘Tropang Lacuna’ ang “taksil” sa Manilenyo

107
WHAT?! Pakiulit nga uli ang upak ng mga utusan ni Mayora Honey Lacuna laban kay Yorme Isko — na ang alkaldeng nagbalik sa ningning ng Maynila ay “traydor,” ayon daw kay Manila City 3rd district Rep. Joel Chua?

“Felt betrayed” daw sila, sabi ni Cong. Chua, kasi tatakbo uling mayor si Isko, at ito raw ay “pagtataksil” sa kanilang partido, ang ‘Asenso Manilenyo!’

Naririnig ba ng mambabatas ang sarili niya? Tayo po ay isa pa ring democratic country, at karapatan ni Isko na tumakbo uling alkalde, at sa pagbatikos niya na sila sa kampo ni Mayora Honey Lacuna ay “tinaraydor” ni Isko ay pagpapakita kung gaano kalabnaw ang utak nila.

Sa pagbatikos ni Rep. Chua, prior restraint ito o pagpigil kay Yorme sa kalayaan nito na gawin ang likas na karapatan niya na muling maglingkod sa Manilenyo.

Pangit daw at nakakahiya ito, sabi ng mambabatas– na tinutukoy nga ang balak na pagtakbong mayor ni Isko.

Ang totoo, si Yorme Isko ang dapat magsabi na siya ang “felt betrayed” kasi, sa loob ng mahigit na dalawang taon, ano ang ginawa ng kinampihan niyang Mayora at ipinipilit pa nga ngayon na “Ate” niya?

Noong nakaupo si Isko, sikat, popular ang Maynila sa buong Pilipinas, kasi ang daming proyekto na nagpaangat sa kalidad ng pamumuhay ng Manilenyo.

Ang pinagandang imahe, ang pinabangong amoy ng Maynila, ano na ba sa panahon ni Mayora Honey at Cong. Chua? Ayaw lang niyang aminin, bumalik ang “amoy-ebak” at ang serbisyo publiko, bumagal, huminto at muli, napag-iwanan ang Maynila.

Asan ang mga bagong proyekto, bagong “Asenso Maynila” na inumpisahan ni Kois na dapat itinuloy ng “mayor” ni Cong. Chua?

Walang maipepresentang bago, naiiba ang City Hall at kung mayroon man, iyon ay mga accomplishment, mga proyektong tatak ng Bilis-Kilos na gawa ni Yorme Isko.

Bakit po tutol ka, Cong. Chua, sa pagtakbo uli ni Yorme, kabado po ba kayo, natatakot na sa posibleng resulta na mag-eat-all-you-can sa alikabok ang Tropang Lacuna sa midterm elections sa 2025?

Kaya ngayon pa lamang, inuupakan na ninyo si Yorme Isko at binabalikan ng patutsadang si Isko ay “no word of honor?”

Para sa karamihang Manilenyo, “kayo” (daw) ang mga “taksil” dahil sa ngayon ay walang nakitang “Asenso” sa lungsod, at kung may umasenso, baka kayo lamang, Rep. Chua at mga kasama mo sa ‘Tropang Lacuna?

“Dapat po kasi ang public official may isang salita,” sabi mo, Cong. Chua, pero kayo ba ay may isang salita o maraming salitang pangako na malalim ang pagkabaon ngayon sa pagkapako?

Ang salita ninyo, “itutuloy” ang maraming magagandang programa at proyekto na inumpisahan at tinapos ni Yorme Isko. Nagawa ba ninyo na maparami ang mga ito?

Hindi, nabawasan pa, kaya, kayo, ang Tropang Lacuna ang “walang isang salita” at kayo ang dapat “itakwil” ng Manilenyo, aray!

Kung napantayan o nahigitan sana ng Team Lacuna ang mga nagawa ni Yorme Kois, bakit ang resulta ng mga survey, ang pulso ng Manilenyo, ay malakas na sumisigaw — ibalik si Yorme Isko sa Cityhall!

Mismong mga survey at research group ang nagpapatunay na nais ng Manilenyo na bumalik si Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso bilang alkalde.

Eto ang sabi:” xxx out of 1,200 registered voters in Manila, 75 percent said they prefer to elect Domagoso as mayor if the midterm election was held between July 6 and 10.”

Eh, ang nakuha lamang ni Lacuna ay 7 percent, at ito nga ang malagim na resulta na maaasahan sa 2025.

Kaya nga panay ang pakiusap ni Lacuna na feeling Ate kay Yorme na sinabi, batang kapatid niya si Isko at bilang magkakapamilya, ang dapat ay sundin at irespeto ni Yorme Isko si Ate Honey at sundin ang nais nito na huwag silang maglaban sa 2025.

Emotional blackmail ito, kasi nga ramdam na ramdam ni Mayora na “toughest political battle” ang haharapin nila laban sa mataginting at umaapaw na pagmamahal ng Manilenyo kay Yorme Isko.

Paano isisigaw ni Rep. Chua at ni Mayora ang “Asenso Manilenyo” eh, si Yorme Isko na ang kinilalang “Ama” ng lokal na partidong ito.

Tuwing isisigaw nila ito, si Yorme Isko ang maiisip ng mga botante, hindi si Mayora Honey,

kaya ano ang ipinalit ni Mayora sa “Asenso Manilenyo”, ano raw, “Magnificent Manila” eh asan naman kaya ang ‘Magnifico’ sa lungsod ngayon?

Maging si Rep. Chua, mahihirapang mahanap ang “magnificent” sa bago nilang local party.

Kita ang malaking takot nila sa pagtakbo ni Isko nang lantarang sinabi ni Chua na kung magse-senador si Yorme, “lahat po kami magso-solid sa kanya.”

Sa panahon ni Yorme Isko, asenso ang Maynila, pero ngayon, imbes na umasenso, umurong, umatras, hindi umabante ang serbisyo sa Manilenyo.

Ang mamamayan ng Maynila ang “felt betrayed,” mga kabayan, hindi ang Tropang Lacuna.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com).

Comments are closed.