MANILA — “Ang mahalaga sa amin ngayon ay magkaroon kahit pambili lang ng bigas.”
Ito ang panawagan ng mga tsuper ng jeepney dahil bukod sa gutom ay hilong-hilo na sila sa kakaasa o kahihintay kung papayagan nang makabalik sa pamamasada sa mga susunod na linggo.
Kinuwestyon ng isang grupo ng jeepney drivers ang gobyerno dahil din sa magkataliwas na pahayag ng mga awtoridad ukol sa kanilang sitwasyon.
Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa mga kongresista nitong Miyerkoles na papayagan nang pumasada ang mga jeep at UV Express sa susunod na linggo, isang buwan matapos magluwag ang coronavirus lockdown sa Metro Manila at iba pang urban center.
Pero nitong Huwebes, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na “wala pa ring kasiguruhan” kung muli nang makakapamasada ang mga jeep.
“Ang sinasabi natin, kung kulang pa po ang masasakyan matapos ang bus, ang modern jeepneys at ang mga UVs, ay papayagan po natin ang ilang mga jeepneys na deemed to be road-worthy,” sabi ni Roque.
“Isang tanong, isang sagot na lang dapat… Makakalabas pa ba kami o hindi?” ang kuwestyon naman ni Efren de Luna, presidente ng Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO).
“Paasa iyong mga sinasabi nila e,” ang galit na sabi ni De Luna.
Aniya, malaking insulto sa mga mambabatas kung tatalikuran ng LTFRB ang pahayag nito sa Kongreso na maaari nang makabiyahe ang mga jeep.
Kaya naman umapela siya sa mga mambabatas na imbestigahan ang pagsusulong ng LTFRB sa mga air-conditioned, fuel-efficient at imported jeepneys na nagkakahalagang P2.5 milyon, kahit may lokal na modelong P1.3 milyon lang ang presyo.
Nangako si De Luna na mananatili sa P9 ang minimum na pasahe ng jeep kahit kalahati lang ng aktuwal na pasahero ang maisasakay nila kapag muling nakapasada, para masigurong hindi kakalat ang coronavirus.
“Ang mahalaga lang naman po sa amin, magkaroon na lamang kami kahit pambili ng bigas.”
Para naman kay Zeny Maranan, presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP), kung magtatagal na hindi sila makapasada ay hindi na makakabayad ang mga transport group sa mga pribadong terminal.
“Anong klaseng gobyerno ang mayroon tayo dito, na ang transportasyon na siyang bahagi ng ekonomiya ng bansa, siya pa ang pinaparusahan?” ang angal ni Maranan.
Nasa P80,000 umano kada buwan ang singil ng mga naturang terminal.
Nagbanta si De Luna na ibabara nila ang kanilang mga jeep sa gitna ng kalsada kung hindi pa rin sila makabibiyahe.
“Bahala na sila kung saan lupalop nila ilalagay ang aming mga sasakyan,” sabi ni De Luna.
“‘Pag nagpalimos kami, huhulihin. Wala naman kaming pagkakakitaan. Hindi na kami binibigyan ng pagkakataon na lumabas, pagkatapos magiging violation pa iyong pagpapalimos,” dagdag niya.