Donald Trump, biktima ng ‘trending’—Glenn Chong
‘Smartmatic’ kriminal, sanay sa dayaan-- Giuliani
NANINIWALA si ‘election reforms lawyer,’ Atty. Glenn Chong, na katulad sa mga nangyaring dayaan sa halalan sa Pilipinas, “nabiktima” rin ng ‘vote trending’ si US President Donald Trump sa ginanap na halalan sa Amerika noong nakaraang Nobyembre 3, 2020.
Higit dalawang linggo matapos ang eleksyon, hindi pa rin sumusuko ang kampo ni Trump na “tinalo” ni dating US Vice President Joe Biden nang higit 5 milyon sa ‘popular vote’ at 306 ‘electoral votes,’ kumpara sa 236 ‘electoral votes’ ni Trump.
Ang pagtanggi ni Trump na ‘mag-concede’ ay ikalawang pagkakataon lang na ayaw umalis sa ‘White House’ ang “natalong” presidente ng Amerika pagkaraan ng may 220 taon sa kasaysayan nito.
Matapos matalo kay Thomas Jefferson sa halalan noong 1800, tumanggi ring umalis sa puwesto si US president, John Adams.
Ayon kay Chong, kapansin-pansin na sa katatapos na eleksyon sa Amerika, mas “unang binilang” ang mga boto ni Trump at nagkaroon naman ng pagkabalam (‘delay’) sa pagbilang ng boto ni Biden.
“Ang nangyari, ‘inalam’ muna kung ilan ang kalamangan ni Trump kay Biden kaya nung malinaw na ang ‘trend’ ng mga boto, nagsimula nang ‘pumasok’ ang mga boto ni Biden hanggang lumamang na siya kay Trump,” paliwanag pa ni Chong.
Sa kanyang ‘FB account,’ una nang ibinulgar ni Chong na noong 2016 US election, “kinonsulta” siya ng kampo ni Trump at humingi ng “payo” kung paano iiwasan na “madaya” siya ng ‘Democratic Party’ at ng ‘standard bearer’ nito na si Hillary Clinton. Tinalo ni Trump si Clinton sa nasabing halalan.
Tumindi pa ang hinala na “dinaya” si Trump matapos ibulgar ng kanyang ‘legal team’ sa pangunguna ni ex-New York City mayor, Rudolph William ‘Rudy’ Giuliani at Sidney Katherine Powell, ang anila’y “partisipasyon” ng ‘Smartmatic’ sa umano’y nangyaring dayaan sa Estados Unidos.
Ang ‘Smartmatic’ ay may masamang reputasyon sa pamamalakad ng ‘computerized election’ sa Pilipinas na ilang beses nang napatunayan ni Chong—dahilan upang aniya pa ay brutal na paslangin noong isang taon ang kanyang kaibigan na si Richard ‘Red Santillan’ ng grupong binansagan ni Chong na ‘Smarmatic-Comelec Syndicate.’
Sa bersyon naman ni Powell, ipinunto nito na ang Smarmatic ay isang kumpanya sa Venezuela na partikular na inorganisa upang tiyakin ang panalo bawat eleksyon ni ex-Venezuela president, Hugo Chavez.
Si Chavez, na malapit sa mga lider ng mga bansa na itinuturing na “kaaway” ng Amerika, katulad ni Cuban president, Fidel Castro, ay namatay noong 2013, matapos pamunuan ang Venezuela nang higit 14 taon. Unang naging pangulo ng Venezuela si Chavez noong 2009.
Ani Powell, hawak nila ang sinumpaang salaysay mula sa isang indibidwal na umano’y malaki ang nalalaman sa mga pandarayang ginagawa ng Smartmatic at isa ito sa kanilang mga ebidensiya nang dayaan sa halalan noong Nobyembre 3, na isinumite sa kanilang protesta sa resulta sa Georgia.
Nakapasok sa eleksyon sa Amerika ang Smartmatic bilang ‘secure election technology seller noong 2005, limang taon matapos itong magnegosyo sa Amerika. Ang ‘business partner’ ng Smarmatic ay ang ‘Sequoia Election System’ na ginamit sa maraming ‘voting centers’ sa Amerika noong eleksyon.
Sa paglalarawan pa ni Powell, ang mga makina na ginamit sa halalan sa Amerika noong Nobyembre 3 ay walang ipinag-iba sa mga ‘VCMs’ (vote counting machines) ng Smartmatic na ginagamit pa rin sa eleksyon sa Pilipinas—
Walang sapat na proteksyon na kahit sinong ‘hacker’ ay kaya itong manipulahin at madaling baguhin ang resulta.
Katulad din sa mga naging halalan sa Pilipinas, sinabi pa ni Powell na sa araw mismo ng eleksyon, maraming VCMs sa Amerika ang ‘nag-breakdown’ sa iba’t-ibang estado; isang pangyayari na “ipinaliwanag” na rin umano ng kanilang testigo.
Kailangan umano ang ‘breakdown’ ng mga VCMs upang mabigyan ng pagkakataon ang mga nagmamanipula nito na baguhin ang resulta pabor kay Biden.
Bukod sa Smartmatic/Sequoia, inakusahan din ng kampo ni Trump ang ‘Dominion Voting System’ na kasama sa mga grupong “nandaya” sa kanya.
Ayon pa kay Powell, agarang nagsara ng kanilang mga opisina sa Amerika ang Dominion matapos ang halalan at magsimulang lumutang ang alingasngas ng dayaan.
Inilarawan naman ni Giuliani ang Smartmatic bilang isang “kriminal” (crook) at isang kumpanya na eksperto sa pandaraya.
Dagdag naman ni Powell, ang sistema ng Smartmatic ay sadyang idinisensyo para sa mga “korap” na pulitiko ng ano mang bansa na handang magbayad para lang patuloy na manatili sa puwesto.