Banner Before Header

DPWH ‘favored contractor’ nasilip ng CCWI

Bagong regulasyon sa ‘bidding observer’ binatikos

0 491
MULING iginiit ng isang anti-corruption watchdog sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na ilabas ang iba pang detalye ng mga kontratang naibigay sa isang kontratista na umaabot ng bilyon-bilyong piso kahit wala pa itong natatapos na proyekto sa nakaraang higit 3 taon.

Sa isang sulat na ipinadala ni Carlo Batalla, pangulo ng Crime and Corruption Watch International (CCWI), kay DPWH Community Affairs Officer Andro Santiago, undersecretary for technical affairs Maximo Carvajal at Ma. Victoria Gregorio, ang officer in charge ng DPWH Procurement Service at head ng Bids Awards Committee (BAC) Secretariat, nitong Oktubre 13, 2022, ipinaalala rin nito na bilang isang DPWH-accredited ‘civil society organization’ (CSO), layunin ng kanilang grupo na matulungan ang DPWH sa misyon nitong manatiling ‘transparent’ ang operasyon nito, partikular na sa usapin ng bidding ng mga public works project.

Nabigyan ng accreditation ang CCWI upang maging ‘observer’ sa mga bidding sa DPWH sa termino ni DPWH secretary, Mark Villar.

Bukod naman sa 3 DPWH officials, ipinadala na rin ang sulat ng CCWI sa Ombudsman, Malakanyang at Philippine Contractors’ Accreditation Board (PCAB).

Partikular na hinihingi ng CCWI ang iba pang mga dokumento hinggil sa mga naibigay na proyekto sa ‘Vicente T. Lao Construction’ kung saan sa pinakahuling bidding, nabigyan pa ito ng DPWH ng 2 kontrata nitong Marso 24, 2022 at Abril 11, 2022, kung saan ang kabuuang halaga ay aabot sa higit P1.5 bilyon.

Sa mga paunang dokumentong nakalap ng CCWI, aabot sa 93 kontrata ang paunang nakuha ng kumpanya sapul pa noong 2019 subalit wala pang natatapos na kahit isang proyekto hanggang ngayon. Ang mga proyekto ay matatagpuan sa Mindanao, ayon pa kay Batalla.

Batay pa rin sa mga dokumento, mayroon nang mga kontratang naibigay sa Vicente Lao Construction para sa taong 2023.

Batay sa probisyon ng RA 9184 o Procurement Law, ipinaalala rin ni Batalla ang pagbabawal sa patuloy na akredistasyon ng mga ahensiya ng gobyerno sa mga kontraktor na ang ‘slippage’ o pagkabalam sa mga proyekto ay aabot sa 10 hanggang 15 porsiyento.

Sa mga dokumentong nakalap ng CCWI, may mga proyekto na hanggang ngayon ay hindi pa rin nasisimulan ng Vicente Lao Construction subalit patuloy pa rin itong nabibigyan ng kontrata ng DPWH.

Sa kanyang liham, kinontra rin ni Batalla ang argumento ni Gregorio na walang nangyayaring mga anomalya sa bidding ng DPWH dahil hindi agad nakapagsusumite ng ulat ang CCWI sa departamento matapos ang mga bidding.

Ipinunto ni Batalla na sa isang desisyon, matagal nang sinabi ng Korte Suprema na ang kawalan ng agarang ulat ay hindi pruweba na walang nangyaring anomalya kung may mailalabas na mga ebidensiya hinggil dito.

DO 186, pinalagan

Samantala, pinalagan din ng CCWI ang inilabas ni DPWH secretary Manuel M. Bonoan na ‘Department Order’ (DO) 186 noong Agosto 22, 2022 na nagtatakda ng mga bagong panuntunan sa mga ‘civil society groups’ (CSOs) at ‘non-government organizatons’ (NGOs) katulad ng CCWI upang makasali sa mga bidding ng DPWH bilang ‘observer’ sa buong prosedo.

Ani Batalla, malinaw na pakay ng nasabing utos ni Bonoan na “targetin” ang kanilang grupo upang huwag nang maging observer sa mga subasta (bidding) sa DPWH.

Sapul aniya nang ilabas ni Bonoan ang regulasyon, dumarami na ang insidente kung saan hindi na pinapasok sa kuwarto ang mga ‘volunteer’ ng CCWI upang magmasid sa buong proseso at makakuha ng mga dokumento upang maging batayan sa pagsasabing walang anomalya sa isinagawang bidding.

Batay sa utos ni Bonoan, hinati na rin sa 3 grupo ang bidding sa DPWH—Infrastructure/Civil Works, Goods and Services at, Consulting Services.

Bukod sa akreditasyon sa DPWH, itinakda rin ng DO 186 na ang mga NGOs/CSOs na gustong maging ‘observer’ ay kailangang kumuha ng police clearance at sertipikasyon sa Department of Justice (DOJ) na wala itong nakabimbin na kaso o reklamo.

Pansin ni Batalla, may mga ‘counter-charge’ laban sa CCWI mula sa mga opisyal ng pamahalaan na una na nilang sinampahan ng mga kaso sa Ombudsman.

Ani Batalla, mistulang “tinanggal” ni Bonoan ang CCWI bilang ‘official /duly recognized BAC observer’ na nakuha nila noong 2021 sa termino ni Sec. Mark Villar.
Isinasaad din sa DO 186 na kailangang magsumite ng ulat ang NGO/CSO observer sa nangyaring bidding sa loob ng 7 araw.

Sa kawalan nito, idedeklara ng DPWH na walang nangyaring anomalya sa bidding, bagay na tinutulan ng CCWI, batay na rin sa naging desisyon ng Korte Suprema.

Leave A Reply