DPWH inereklamo sa ARTA!
Lahat ng BAC observers inalis ni Bonoan
NAGDULOG ng reklamo sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang Crime and Corruption Watch International (CCWI) matapos kanselahin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang akreditasyon ng mga ‘civil society organizations’ (CSO) na magmasid sa mga bidding at procurement process ng DPWH batay sa itinatakda ng batas.
Sa liham kay ARTA director general, Ernesto Perez, na may petsang Enero 29, 2024, inireklamo ni Dr. Carlo Batalla, CCWI chairman, ang naging utos umano ni DPWH secretary Manuel Bonoan, na epektibo ngayong buwan, wala nang CSO na papayagang maging ‘observer’ sa ano mang bidding at procurement process na isinasagawa ng Bids and Awards Committee (BAC) ng DPWH.
Bukod sa CCWI, apat pang CSOs ang apektado sa desisyon ng DPWH chief, dagdag pa ni Batalla.
Bago ito, noong Marso 2023, pinansin ni Batalla na kinansela rin ni Bonoan ang memorandum of agreement (MOA) ng CCWI bilang observer sa DPWH na unang inaprubahan ni dating Secretary Mark Villar noong 2021 upang maging ‘transparent’ at may kredibilidad ang lahat ng transaksyon sa DPWH.
Aniya pa, kinansela ang akreditasyon ng CCWI kahit wala itong ano mang ‘derogatory record’ at reklamo ng ‘conflict of interest’ bilang observer sa nakaraang 3 taon.
Ang pagkansela ng mga CSOs bilang observer sa DPWH ay inilabas nitong Enero 3, 2024, sa bisa ng Department Order No. 9, series of 2024.
Ani Batalla, ikinatwiran sa kanila ng DPWH na “babaguhin” ang mga polisiya ng departamento patungkol sa CSO accreditation kaya minabuting itigil na muna ang partisipasyon ng kanilang grupo at apat na iba pa.
Bibigyan lang ng 30-araw ang sino mang aplikante bilang observer na makasunod sa mga rekisitos ng DPWH na ayon pa kay Batalla ay “dinisensyo” upang “pahirapan” ang sino mang CSO observer sa mga transaksyon sa ahensiya.
Kinuwestyon rin ni Batalla sa ARTA ang mga probisyon ng DO-9 na aniya ay isang ‘lip service’ lang sa probisyon ng RA 9184 (Procurement Law) na nag-uutos nang pagkakaroon ng mga CSOs sa bawat bidding at procurement ng mga ahensiya ng gobyerno.
Nakasaad din aniya sa DO-9 na matutuloy ang ano mang bidding sa DPWH kahit pa walang observer at ituturing na sumunod ang proseso sa atas ng RA 9184 basta may ‘advisory’ sa CSO.
Hindi rin umano dumaan sa publikasyon ang DO-9 na itinatakda ng batas at dapat lang umano itong ituring na “null and void” sa simula pa lamang. ###