IBINISTO ni House Senior Deputy Speaker at Cavite Rep. Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na “hinakot” at “binayaran” ang mga residente ng lalawigan upang dumalo at ipakitang sinusportahan ng mga Kabitenyo si Vice President Leni Robredo sa ginawang political rally sa lalawigan noong nakaraang Biyernes, Marso 4, 2022.
Ayon pa kay Remulla, mukhang mga “aktibista” ng teroristang grupo na Communist Party of the Philippines at New People’s Army (CPP-NPA) ang mga namasdan niyang dumalo sa okasyon.
Sa panayam sa telebisyon ngayong Lunes, Marso 7, 2022, idiniin ni Remulla na hindi siya isang “sinungaling” dahil siya mismo ang nakasaksi sa mga pangyayari bago niya binatikos ang nasabing pagtitipon.
“Ang sinasabi ko. ‘yung totoo,” anang mambabatas na nakatatandang kapatid ni Cavite Gov. Jonvic Remulla. “Napadaan ako doon kaya nakita ko ang mga pangyayari.”
Sa kanyang pagmamasid, sinabi pa ni Remulla na nakita niya ang mga pampasaherong dyipni na nakaparada at may mga pasahero galing sa “malalayong lugar” at pawang mga hindi naman residente ng Cavite.
“Kaya sinasabi ko nga na maraming hakot at may mga binayaran para ‘umattend,’” aniya pa.
Sa kanilang propaganda, ibinida ng kampo ni Robredo, ang opisyal na kandidato ng Liberal Party at ng grupong 1Sambayan kung saan kabilang ang mga lider ng mga prenteng organisasyon ng CPP, na ang political rally sa Cavite ang isa sa pinakamalaking pagtitipon ng mga Pilipino pabor kay Robredo na umano’y dinaluhan ng higit 47,000 katao.
Patunay din umano ito na “hindi hawak” ng mga Remulla ang kalooban ng kanilang mga kababayan. Una nang nagdeklara ng kanilang pagsuporta ang mga Remulla sa kandidatura nina dating senador, Ferdinand ‘Bongbong/BBM’ Marcos Jr. at Davao City mayor, Sara Duterte.
Ibinisto pa ni Remulla na isang pulitiko sa Cavite ang nagbayad ng P500 sa mga Kabitenyo upang dumalo sa parali ng kampo ni Robredo.
Idinagdag pa ni Remulla na mahirap paniwalaan ang pagyayabang ng kampo ni Robredo sa bilang ng mga dumalo.
“Kabisado ko ang lugar, alam ko ang galawan ng mga ‘hakot’ at mga ‘nabayaran,’” dagdag pa ni Remulla na dati na ring naging gubernador ng lalawigan.
Bukod sa paghahakot ng mga tao at pagbabayad sa mga dumalo, idiin din ng mambabatas na batay sa kanyang mga natanggap na impormasyon, dumalo rin sa pagtitipon ang mga ‘leftist organizations’ o mga prenteng grupo ng CPP.
Paalala pa ni Remulla, “mahigit 40 years” na siya sa pulitika at alam na niya ang “galawan” sa pulitika at napagmasdan din niya kung paano ang ginagawang galaw ng mga prente ng CPP upang mapakilos ang mga tao.
“Inaasahan kasi nila magkaroon ng bandwagon effect’ sinasabi ko sa inyo, hindi totoo, hindi totoo na mga taga-Cavite ang mga dumalo,” pagdidiin pa ni Remulla.
Tahasan ding itinanggi ni Remulla na “gawain” di nila ang “maghakot” ng mga tao sa kanilang sariling kampanya.
“Hindi namin gawain ‘yan; kami kasi, kami ang pumupunta sa mga tao kaya hindi namin kailangan humakot ng tao,” aniya pa.