Banner Before Header

‘Eskandalo’ sa P3B Bataan Techno Park project?

Nanalong kontraktor may ‘perpetual ban’ ng PCAB!

0 3,103
INALERTO ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ang pamahalaan sa nangyaring pagbibigay ng higit P3 bilyon kontrata sa isang construction company sa Bataan Technology Park, Morong, Bataan, sa kabila ng ‘perpetual ban’ na una nang inilabas ng ahensiya.

Sa talaan ng PCAB, may nauna nang 3 ‘disqualification cases’ laban sa Almeria International Construction Corporation (AICC), na pag-aari ni Aldwin Almeria, sa tanggapan ng PCAB.

Ang mga reklamo ay dahil sa pag-abandona sa mga proyektong dati nang napanalunang gawin para sa pamahalaan ng AICC matapos makakuha ng mga paunang bayad.

Ayon pa rin sa PCAB, ang AICC ay napatunayan na ng Monitoring and Enforcement Division (MED) nito na lumabag sa Republic Act 4566 o mas kilalang Contractors’ License Law at napatawan na ng ‘perpetual ban’ o pag-aalis sa kumpanya ng karapatan na muli pang makakuha ng anomang proyekto sa gobyerno.

Kinansela na rin ng PCAB ang lisensiya ng AICC dahil sa mga anomalyang kinasasangkutan ng kompanya.

Subalit, bago matapos ang taong ito, nabatid na muling pang nakakakuha ang AICC ng proyekto sa pamahalaan matapos “manalo” sa bidding para sa Bataan Technology Park, Phase 1, Package 2, na itatayo sa may 100-ektaryang lupain sa loob ng Bataan Technology Park sa halagang P3 bilyon.

Sa ulat ng PCAB, ang AICC ay inilalako ang kontratang napanalunan sa pamahalaan sa mga nais maging kasosyo o mga ‘sub-contractor’ upang magsilbing taga-kolekta na lamang ang kumpanyang pag-aari ni Almeria sa milyon-milyon o bilyon mang halaga ng kontrata.

Sa ilalim ng sistema, ang sub-contractor na mismo ang gagawa ng mga istruktura at mga pasilidad sa napanalunang proyekto ng AICC.

Inihalimbawa ng PCAB ang napanalunan ng AICC na P400 milyong proyektong pabahay ng National Housing Authority (NHA) noong 2016, kung saan matapos makakolekta si Almeria ng 15 porsiyento bilang paunang bayad ay inabandona na ang nasabing proyekto.

Sa ligal na opinyong ipinalabas ng PCAB Legal Division kamakailan, isinasaad na sino mang kontratista ay di na maaaring makakuha pa ng kontrata sa pamahalaan kung napatunayan na itong lumabag sa R A. 4566 at napatawan na ng ‘Preventive Cease and Desist Order’ o kaya naman ay tinanggalan na ng lisensiya ng PCAB at naisama na bilang “blacklisted.”

Sa kabila nito, naging malaking palaisipan pa rin sa PCAB ang pagbibigay ng kontrata ng Bataan Technology Park sa nasabing kumpanya.

Leave A Reply