Banner Before Header

Inambus na Biñan exec, ‘OCG paymaster’

"Ikinanta" ng nahuling lider ng Organized Crime Group

0 710
“PROTEKTOR” at ‘paymaster’ ng isang notoryus na ‘organized crime group’ (OCG) na nakabase sa Biñan City, Laguna, ang napaslang na kalihim ng konseho ng lungsod noong Oktubre 4, 2020.

Ito ang isa sa mga detalye na nakapaloob sa paunang ‘police report’ ng Biñan City Police Office sa tanggapan ni Calabarzon police director, P/BGen. Vicente Danao, hinggil sa ambus kay Edward ‘Edu’ Alonte-Reyes, 55, na ikinasawi rin ng kaibigan nito na si Doni Leo Delrio Deocaris at pagkasugat ng babaeng kasama nila.

Si Alonte-Reyes ay pinsan ni dating mayor at ngayon ay House Deputy Speaker, Biñan City representative, Marlyn ‘Len’ Alonte-Naguiat.

Ayon sa pulisya, ang biktima ang “ikinanta” ni Mark Anthony ‘Ricky’ Ayug Sison, matapos madakip ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), Calabarzon PNP at Region 12 Police Office sa Midsayap, North Cotabato, noong Setyembre 7, 2020.

Si Sison ang lider ng notoryus na ‘Ayug/Pogi Sison Organized Crime Group’ na nakabase sa Biñan City at tinaguriang ‘Calabarzon Number One Most Wanted.’

Matapos namang maiharap kay Danao, nangako si Sison na “makikipagtulungan” sa pulisya upang malutas ang mga krimeng kinasasangkutan ng kanyang grupo na itinayo niya dakong 2011 at nakabase sa Biñan City.

Anang mga impormante si Alonte-Reyes ang tumayong “protektor” ng Ayug/Pogi Sison OCG na sabit sa mga kasong ‘gun-for-hire,’ iligal na droga, ‘robbery-extortion’ at iba pang karumal-dumal na krimen.

Isa umano sa mga “ikinanta” ni Sison kay Danao ay ang pagiging ‘paymaster’ ni Alonte-Reyes sa kanilang grupo kung saan kasama sa kanilang mga naging biktima ay anim na kasapi ng Biñan Police Office.

Binayaran umano sila ni Alonte-Reyes na “itumba” ang mga pulis dahil pursigido ang mga ito na labanan ang iligal na droga at iligal na sugal sa lungsod.

Bago pa man naitayo ang Ayug/Pogi Sison Group, ibinulgar pa ng ilang impormanteng pulis na “malapit” din si Alonte-Reyes sa ‘Fajardo OCG’ na nakabase sa Calamba City.

Isa sa mga karumal-dumal na krimen ng Fajardo Group ay ang ‘RCBC Bank Robbery Massacre’ na naganap sa Cabuyao noong 2008 kung saan siyam na katao ang pinatay ng grupo.

Sakay ng kanyang ‘Chevrolet Camaro’ si Alonte-Reyes at Deocaris ng harangin ng dalawang sasakyan pagsapit sa Jubilation South, Bgy. Zapote pasado 7:00 pm noong Oktubre 4.

Agad na bumaba ang mga armadong kalalakihan at tinadtad ng bala si Alonte-Reyes kung saan nadamay naman si Deocaris.

Umabot sa 74 na basyo ng bala mula sa iba’t-ibang kalibre ng baril ang nakuha ng mga imbestigador sa pinangyarihan ng krimen; idineklara namang ‘dead on arrival’ (DOA) ang mga biktima matapos isugod sa Perpetual Help Hospital.

Marami umanong naging “kaaway” si Alonte-Reyes kung saan bago ang ambus, sinasabing may “nakaaway” din itong isa pang lokal na ‘gambling lord’ hinggil sa isyu ng “teritoryo” kung saan “nagbanta” rin umano ang biktima.

Leave A Reply