Banner Before Header

‘Indefinite rest day’ ikinasa ng CTAP!

7,000 trucks ‘di maghahakot ng kargamento

0 684
HINDI muna magbibiyahe at “maghahakot” ng mga kargamento sa pantalan simula ngayong Lunes, Nobyembre 22, 2021, ang libo-libong kasapi ng ‘Confederation of Truckers Association of the Philippines’ (CTAP), magtapos magdeklara ng ‘indefinite rest day’ ang liderato nito.

Sa ginawang ‘press conference’ sa Rizal Park Hotel noong Nobyembre 19, 2021 at sa panayam ng Pinoy Exposé, sinabi ni Mary Zapata, chairperson ng CTAP at ‘Aduana Business Club, Inc.’ (ABCI), nagdesisyon sila sa “tigil-pasada” dahil na rin umano sa patuloy na pagiging “bingi” at “manhid” ng pamahalaang Duterte, partikular na ang Philippine Ports Authority (PPA) sa ilalim ni general manager, Jay Daniel Santiago, na aksyunan ang kanilang mga hinaing.

Aniya, walang katiyakan kung kailan sila babalik sa operasyon dahil bagaman matagal na silang nananawagan ng suporta at tulong sa pamahalaan, ay wala rin naman aniyang ibinubungang resulta.

Ang CTAP ay may kabuuang kasapian na higit 10,000 cargo trucks sa buong bansa kung saan 70 porsiyento o higit 7,000 cargo trucks ang nagbibiyahe ng mga angkat na produkto ng bansa na dumarating sa MICP at sa POM.

Partikular na binabatikos ng CTAP/ABCI ang mga ipinatutupad na polisiya ng ‘International Container Terminal Services, Inc.’ (ICTSI), na pag-aari ng oligarkong si Enrique Razon.

Ang ICTSI ang pribadong ‘arrastre operator’ sa North Harbor/Manila International Container Port (NH/MICP).

Ilan dito ay ang ‘one-way entry’ sa kalsada sa Isla Puting Bato (IPB), Tondo, Maynila, at sapilitan umanong pagrerehistro nila sa isang pribadong kumpanya na ‘direct competitor’ nila sa ‘trucking business’ upang mabigyan sila ng ‘access pass’ papasok ng MICP.

Buwan pa umano ng Abril ay alam na ni Santiago ang problema sa IPB kung saan “sapilitan” na pinapadaan sa loob ng MICP ang mga trucks papuntang Southern Metro Manila o South Harbor/Port of Manila (POM) upang singilin naman sila ng P5,600 kada araw sa bawat truck na dumaraan bilang ‘passing-through fee.’

“Nangako” na umano si Santiago sa kanila na agad aaksyunan ang ginawa ng ICTSI, dagdag pa ni Abraham Rebao, ‘ABCI vice president for trucking.’

Subalit, sinusulat ang artikulong ito, 7-buwan matapos ang kanilang dayalogo, ay wala pa rin aniyang ginagawang aksyon ang PPA.

Kinukuwestyon din ng CTAP/ABCI ang pagpayag at pagwawalang bahala ni Santiago na magrehistro ang mga trucker para mabigyan ng ‘access pass’ sa MICP sa kumpanyang ‘Pacific Roadlink Logistics, Inc.’ (PRLI), isang pribadong kumpanya na direkta nilang kalaban sa negosyo (MICT Advisory 2021-1622).

Ang bagong regulasyon ay sa kabila ng ‘identification card’ (ID) na ibinibigay na sa kanilang mga drayber at pahinante ng PPA.

“Hindi kinikilala ng ICTSI ang mga ibinigay na ID ng PPA; kapag wala kang access pass galing sa PRLI, hindi ka papasukin sa MICP,” dagdag pa ni Rebao.

Bukod sa pagiging kuwestyunable na “mas makapangyarihan” pa ang access pass ng PRLI/ICTSI sa ID ng PPA, pinansin pa ng grupo na paglabag sa ‘Data Privacy Act’ ang isinulong na sistema ng ICTSI/PRLI dahil makakalap ng mga ito ang lahat ng impormasyon patungkol sa kanilang operasyon at mga manggagawa.

“Ano ang pipigil sa kanila ngayon para “ipirata” (pirate) ang aming mga drayber at pahinante,” tanong pa ng grupo.

Partikular naman sa PPA, binabatikos din ng CTAP ang desisyon ni Santiago na bukod sa ‘Permit to Operate’ (PTO) na babayaran nila ng P11,000, pinakukuha rin sila ngayon ng ‘PPA Accreditation’ na babayaran naman nila ng P4,000 bawat cargo truck.

Bagaman pareho na ngayong may bisa sa loob ng 3 taon, ipinunto pa ni Rebao na sa isyu ng PTO, nagdesisyon ang PPA na kukuha sila nito sa bawat puwerto sa bansa na nasa hurisdiskyon ng PPA

“Iisa lang naman ang requirements pero bakit bukod sa PTO may accreditation pa,” tanong pa ni Rebao.

Ipinunto rin ng CTAP na ang mga rekisitos ng PPA ay “malinaw” na ‘red-tape’ dahil naibigay na rin nila ang mga ito ng irehisro nila sa Land Transportation Office/Land Transportation Regulatory Board (LTO/LTFRB) ang kanilang mga sasakyan.

Bunga umano ng mga nabanggit, marami sa kanilang mga drayber at mga pahinante ang patuloy na nagugutom at hindi makabiyahe dahil hindi makapasok sa bakuran ng MCIP.

Binatikos din ng grupo ang patuloy na pag-iral ng ‘TABS’ (Terminal Appointment Booking System), isang pribadong operasyon sa pantalan kung saan libo-libong piso rin ang patuloy na binabayaran ng mga truckers kapag hindi nakasunod sa itinakdang ‘booking schedule.’

Ang TABS ay ipinatupad noong 2014 ng administrasyong Aquino upang mabigyang solusyon umano ang problema ng ‘port congestion’ sa POM at MICP, bagay na hindi naman nangyari, pansin pa ng CTAP.

Bilang isang pribadong operasyon, wala pa ring inilalabas na datos hinggil sa kinita ng TABS hanggang sa ngayon.

Patuloy rin pumapalag ang CTAP sa sinisingil sa kanilang gastos para sa ‘empty container return’ at ‘container deposit’ na anila’y dagdag gastos na wala naman silang katapat na benepisyo.

“Sa ngayon, umaabot sa higit 12-oras sa ‘pagpila’ pa lang papasok sa MICP ang aming mga drayber o higit kalahating araw,” pansin pa ni Rebao. “Hindi na sila nakakapagpahinga.”

Ayon pa kay Zapata, ang ‘indefinite rest day’ na lang umano ang nakikita nilang paraan upang kumilos ang gobyerno at mapakinggan ang kanilang mga hinaing na paulit-ulit na lang nilang inirereklamo kahit pa sa mga nakaraang administrasyon.

Bukod sa inaasahang ‘port congestion’ sa POM at MICP, direkta ring apektado ng kilos-protesta ang inaasahang buwis ng Bureau of Customs (BOC), pagtigil sa operasyon ng mga lokal na pabrika na umaasa sa pagdating ng mga angkat nilang sangkap para sa kani-kanilang mga produkto at ang suplay ng pagkain, partikular sa Kalakhang Maynila.

Leave A Reply