NGAYON pa lang ay tinatawag na ng kanyang mga kritiko na “kapit-tuko” si Taguig City-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano dahil natutunugan na nilang wala siyang balak na bitiwan ang pagiging Speaker ng Kamara de Representante.
Ayon sa sources, wala raw plano si Cayetano na ibigay ang nasabing puwesto kay Marinduque Representative Lord Allan Velasco, gaya ng napagkasunduang term-sharing, dahil ayaw umano niya at ng mga “alipores” na mabulabog ang kanilang “tabakuhan” sa House of Representatives.
Nababahala umano si Cayetano at ang kanyang grupo na mawala sa kapangyarihan dahil sa inaasahang “rigodon” sa mga posisyon sa Kongreso sa pag-upo ni Velasco ngayong Oktubre, at ang pagkawala ng kanilang mga “pakinabang” sa kanilang mga kasalukuyang posisyon.
Isa pang nakaambang problema kay Cayetano ay ang kanyang eskandalosong paghawak sa ika-30 edisyon ng Southeast Asian (SEA) Games noong 2019 sa Pilipinas kung saan sumingaw ang mga bintang ng katiwalian.
Sakaling mawala sa posisyon bilang ‘Speaker of the House’ nangangamba umano si Cayetano na matuloy ang panawagang imbestigasyon sa mga eskandalo sa panahon ng SEA Games.
Batay sa napagkasunduan na term sharing ng panig ni Cayetano at Velasco na sinang-ayunan ni Pang. Duterte, magtatapos ang termino ni Cayetano ngayong Oktubre.
Uupo naman bilang lider ng Kamara si Velasco hanggang sa pagtatapos ng Duterte administration sa Hulyo 2022.
Sa Hulyo 27 ay magdaraos ng kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) si Pangulong Duterte sa Batasang Pambansa at inaasahang ito na ang huling pag-upo ni Cayetano katabi ng Pangulo bilang pinakamataas na lider ng Kamara.
Matatandaan na sa “pakiusap” na rin ng Pangulo upang matapos na ang ‘power struggle’ sa Kamara, si Velasco ang “nagparaya” upang si Cayetano muna ang maging Speaker sa loob ng 15 buwan.
Sa ipinakitang pagiging “maginoo” ni Velasco, hindi naman masawata ang usap-usapan na “masarapan” sa posisyon si Cayetano at hindi na tuparin ang kanilang ‘gentleman’s agreement.’
Anang mga nagmamasid sa mga kaganapan sa Kamara, isa sa mga batayan na balak “Hudasin” ni Cayetano si Velasco ay ang bintang niyang “kudeta” laban sa kanya ni Velasco noong Pebrero.
Para sa mga kritiko, nais lang palabasin ng kampo ni Cayetano na “malakas ang kanyang grupo at marami siyang suporta kaya hindi nangyari ang kudeta. Nais rin niyang palabasin na “atat” sa posisyon si Velasco.
Itinanggi ni Velasco ang paratang sa pagsasabing “lalaki” siyang kausap at marunong tumupad sa ano mang kasunduan. Ipinaalala rin ni Velasco kay Cayetano ang ginawa niyang “pagpaparaya” kaya nasa poder ngayon si Cayetano at bilang respeto kay Pang. Duterte.
Isa pa umanong indikasyon na hindi na bibitaw sa puwesto si Cayetano ay ang huling deklarasyon nito na tutupad lang siya sa term sharing “depende” sa magiging desisyon o utos ng Pangulo.
May ambisyon din umano si Cayetano sa mas mataas na posisyon sa 2022 election at gagamitin niyang “tuntungan” ang kanyang kasalukuyang posisyon.
Ayon naman sa isang mambabatas na istambay sa “kusina” ng tanggapan ng Speaker, “naniniwala” siyang tutupad sa kasunduan si Cayetano.
Aniya pa, “lalaki” ring kausap si Cayetano at tumutupad ito sa kanyang mga ipinangako.
“Abangan na lang natin ang susunod na kabanata. Excited din kami kung ano ang mangyayari,” anang source.