Manila Bay ‘clean up’ atas ng Korte Suprema
Ni: Bambi Purisima
NOON pa dapat ginawa ng dalawang nakaraang administrason nina Gloria Macapagal-Arroyo at Benigno “Noynoy” Aquino ang rehabilitasyon ng Manila Bay, dahil iniutos ito sa isang landmark decision ng Supreme Court (SC) noong Disyembre 18, 2008.
Sa desisyon, inutusan ng SC ang 13 ahensiya ng gobyerno na “ibalik” sa dating malinis na kondisyon ng Manila Bay.
Sabi sa utos: “… “to clean up, rehabilitate and preserve Manila Bay, and restore and maintain its waters to SB level [Class B sea waters per Water Classification Tables under DENR Administrative Order 34 (1990)] to make them fit for swimming, skin-diving and other forms of contact recreation.”
Ngayong sinusunod ng administrasyon ni Presidente Rodrigo Roa Duterte ang utos ng Korte Suprema, ang upak ng mga kritiko ay nilalabag daw ang maraming batas sa kalikasan.
Ang usapin sa Korte Suprema
Enero 29, 1999, nagsampa ng reklamo ang maraming residente ng Manila Bay sa Regional Trial Court (RTC) sa Imus, Cavite laban sa Metropolitan Manila Development Authority, Department of Environment and Natural Resources, Education, Health, Agriculture, Public Works and Highways, Budget and Management, Philippine Coast Guard, PNP Maritime Group, at Department of the Interior and Local Government na inakusahang nagpabaya, hindi ginampanan ang tungkuling linisin, baguhin at pangalagaan ang Manila Bay.
Binanggit sa reklamo na bumaba ang kalidad ng tubig ng Manila Bay, ayon sa itinakdang lebel ng Presidential Decree 1152 (Philippine Environment Code).
Bunga ng patuloy na pagpapabaya, nagpatuloy ang pagdumi at polusyon sa Look ng Maynila.
Nagbunyi ang mga complainants
Sa hatol ng Imus RTC noon Setyembre 13, 2002, binigyan ng anim na buwan ang mga inihablang ahensiya ng gobyerno – sa pangunguna ng DENR– na gumawa sila ng sama-sama at nagkakaisang aksiyon upang malinis, maibalik sa dati ang ganda ng tubig sa Manila Bay.
Sa halip na agad sumunod, umapela ang mga ahensiya ng gobyerno sa Court of Appeals (CA) na kinumpirma ang desisyon ng Imus RTC. Set. 28, 2005.
Iniakyat ang kaso sa SC na kinumpirma na tama at legal ang desisyon ng CA.
Sa desisyon, sinabi ng SC na likas at kaloob sa responsibilidad at gampanin ng mga ahensiya ng gobyerno na protektahan at panatilihing malinis, maayos at ligtas sa polusyon ang mga “internal waters, rivers, shores and seas polluted by human activities.”
Sabi pa sa hatol:” At the core of this case is the Manila Bay, a place with a proud historic past, once brimming with marine life and, for so many decades in the past, a spot for different contact recreation activities, but now a dirty and slowly dying expanse mainly because of the object official indifference of people and institutions that could otherwise have made a difference.”
Hindi basta naisip lamang ang paglilinis ng Manila Bay.
Noon pang Enero 8, 2019, iniutos n ani Duterte ang “ major cleanup of the Manila Bay.”
Sinabihan at winarningan ni Duterte ang mga estasblisimyento, mga negosyong restoran, hotel, ospital, mga pagbrika at iba pa na itigil na, iwasan na, ang pagtatapon ng mga dumi at basura sa mga ilog at daanan ng tubig na nagpupunta sa Manila Bay.
Nagbanta ang Pangulo na ipasasara niya ang mga ito sa isang mensahe niya sa Barangay Summit on Peace and Order.
Inutusan niya noon din si DENR Secretary Roy G. Cimatu na umpisahan agad ang rehabilitasyon ng Manila Bay.
Mga kritiko walang inatupag kundi ang kumontra
Ngayong ipinatutupad ni Presidente Duterte ang utos ng SC na ibalik sa dating ganda at alisin ang polusyon sa Manila Bay, ganoon na lamang kung usigin, libakin at kutyain ang proyekto na sana ay ginawa ng mga dating Presidente Arroyo at Aquino.
Nang iutos ni Duterte na isarado muna ang Boracay dahil sa polusyon, kinuyog siya ng mga kritiko at mga kalaban sa politika.
Ngayong naibalik ang ganda ng Boracay sa Aklan, walang pagpuring narinig sa mga kritiko ng Pangulo.
Panlalait pa sa proyektong “Boracay in Manila” ng DENR, ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon, hindi raw “maisasaing” ang puting buhangin sa Manila Bay.
Patutsada ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, nagugutom ang mga tao, kaya dapat daw ibinili na lang ng 198,000 sako ng bigas o 26, 000 laptops o 300,000 Covid test kits o 130-milyong facemask ang badyet para malagyan ng ‘white sand’ ang Manila Bay.
Lungkot na lungkot naman si Sen. Maria Lourdes Nancy Sombillo Binay-Angeles at sinabing dapat daw ay inuna ang paggagawa at pag-aayos ng mga banyo sa Baseco kaysa unahin na pondohan ang dolomite sand sa Manila Bay.
“Insensitive” daw ang gobyerno, sabi Vice President Maria Leonor “Leni” Gerona Robredo na sa panahon ng pandemya, inuuna ang puting buhangin kaysa ibili ng bigas na pagkain ng mahihirap na apektado ng pandemyang COVID-19.
Sarkastikong sagot ng mga tagapagtanggol ng administrasyon: Nun daw nagtambak ang basura at mabahong dumi at maiitim na latak at nabubulok na basura sa Manila Bay, walang nag-iingay; walang nangangantiyaw na “Dilawan.”
Alin ba ang mas maganda, basura o white sand? Ayaw ba nila ng malinis na Manila Bay?
At gusto ba nila ay ang mabantot na paligid sa Bay Walk sa Roxas Blvd.?
At dapat bang itigil na ang lahat ng proyektong bayan dahil sa pandemya at iukol na lang sa ayuda, pagkain at tulong pinansiyal ang lahat ng pera at trabaho ng gobyerno?
Panawagan naman ng Pangulo, makipagtulungan na lamang ang kanyang mga kritiko.
Kung ang lahat ng ginagawa ng kanyang administrasyon ay kokontrahin, hindi na nga uunlad, hindi na makababangon ang mamamayang Filipino.