Maynila “nagtatapon” ng kuwarta; muling bumili ng ‘Remdesivir’
Petisyon sa SC upang magamit ang ‘Ivermectin’ inihain ni Defensor
MISTULANG nagtatapon lang ng kuwarta ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila, matapos muling bumili ng 3,000 piraso (‘vials’) ng ‘Remdesivir’ na noon pang Nobyembre 2020 ay sinabi na ng ‘World Health Organization’ (WHO) ay “walang bisa” laban sa COVID-19, batay sa pag-aaral ng mga eksperto.
Sa inilabas na pahayag ng Maynila noong Setyembre 17, 2021, ipinakita pa sa larawan sina Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan na hawak ang mga bagong dating na walang bisang gamot (see also Pinoy Exposé Volume 2, Issue No. 35).
Ito ang ikatlong beses sapul noong isang taon na nagpursigi ang administrasyon ni Moreno na bumili ng Remdesivir.
Noong Agosto 2020, bumili rin ang Maynila ng 2,000 piraso ng Remdesivir, sa umano’y halagang P6,500 bawat isa o kabuuang P13 milyon at nasundan pa ito noong buwan ng Setyembre.
Ayon pa rin sa Manila Public Information Office (MPIO), isa pa umanong gamot laban sa COVID-19, ang ‘Tocilizumab’ (Acterma) ang inangkat ng lungsod at inaasahang darating sa buwan ng Oktubre, isa pang gamot laban sa COVID-19 na walang pa ring patunay na epektibo, batay sa ginawang ‘randomized controlled trial’ ng ‘National Institute for Health’ (NIH) ng Estados Unidos. (https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/33332779).
Sa artikulo naman ng ‘Drugs.com’ na lumabas noong Hunyo 30, 2021 (https://www.drugs.com/medical-answers/tocilizumab-actemra-effective-treating-covid-19-3536937/), nilinaw na bagaman mayroon nang ‘EUA’ (emergency use authorization) ang Tocilizumab/Acterma mula sa US ‘Food and Drugs Administration’ (FDA) dahil isa pa rin itong ‘experimental drug,’ wala pa rin itong ganap na ‘authorization’ mula sa FDA na kailangan upang mabili ito ng sino man sa mga botika.
Malinaw din sa artikulo na kailangan na mga eksperto ang magtuturok ng Acterma at kailangan na nasa isang modernong pagamutan ang pasyente.
Ang ulat ay taliwas sa nalikhang impresyon ng ‘press release’ ng tanggapan ni Moreno na puwedeng magamit ang Acterma/Tocilizumab kahit sa mga ordinaryong pasilidad dahil balak pa umano niyang ipamigay ang kuwestyunableng gamot at ang Remdesivir sa ibang panig ng bansa.
Kahit sinabi ng WHO na walang bisa laban sa COVID-19 ang Remdesivir habang kuwestyunable ang bisa ng Acterma, ang mga ito ang pinakamahal na gamot na patuloy pa ring inirerekomenda ng Department of Health (DOH) at ng ilang mga doktor na hinihinalang nakapayola sa ‘Big Pharma.’
‘Mandamus’ para sa ‘Ivermectin’ inihain sa Korte Suprema
Samantala, noong Setyembre 16, 2021, naghain na ng ‘mandamus’ sa Korte Suprema si Anak Kalusugan Partylist Rep. Mike Defensor, kasama ang mga doktor mula sa ‘Concerned Doctors and Citizens of the Philippines’ (CDC.PH) sa pamumuno ni Dr. Iggy Agbayani, para sa malawakang paggamit ng gamot na ‘Ivermectin.’
Ang ‘mandamus’ ay isang utos mula sa Korte Suprema sa mas mababang korte o sa mga opisyal ng gobyerno na gawin ang kanilang mga tungkulin o gumawa ng partikular na hakbang para sa kapakinabangan ng mas nakararami.
Sa kasalukuyan, limitado pa rin ang paggamit ng Ivermectin dahil bantulot ang FDA at DOH na irekomenda ito sa katwiran na hindi rin umano napatutunayan ang bisa nito laban sa COVID-19.
“Ako ay kumpiyansa na ang ating Korte Suprema ay bibigyan tayo ng atensyon dito dahil marami na ang umiinom ng Ivermectin.
“Mga doktor, mga kapulisan, sa Kongreso, mga Cabinet officials, bakit sila puwedeng uminom?
“‘Yung mga kababayan nating mahihirap dapat bigyan din ng pagkakataon. Payagan na uminom ang lahat ng Ivermectin para magkaroon ng laban sa pandemyang ito,” paliwanag pa ni Defensor.
“Hindi po kami nag-iingay, umaksyon na kami, kasama si Senator Francis Tolentino, Cong Dante Marcoleta at ang mga doctor ng CDCPH para itulak na magkaroon ng libreng distribution ng Ivermectin sa ating mga kababayan.
“Matagal na itong aprubado. Dapat lang payagan sana na ang Ivermectin na gamitin sa ibang purpose ng DOH at FDA.
“Kapag nangyari ito hindi na kailangan ng pondo mula sa national government, ang local na pamahalaan ay puwede na itong pondohan,” dagdag na paliwanag ni Defensor.