Mga bagong opisyal ng PDP-Laban nanumpa kay PDU30
‘Away’ sa PDP-Laban patuloy na lumulubha; ‘illegal assembly ’yan! -- Pimentel
NANUMPA sa harap ni Pang. Rodrigo Duterte ang mga bagong pambansang opisyales ng PDP-Laban matapos isagawa ang kanilang ‘general assembly’ noong Sabado, Hulyo 17, 2021, sa Royce Hotel, Clark Freeport Zone, Pampanga.
Pinangunahan ni PDP-Laban vice chair at Department of Energy (DOE) secretary, Alfonso Cusi, ang mga bagong halal na opisyales bilang bagong pangulo ng partido.
Sa kabila nito, hindi sapat ang pagbuo ng bagong pamunuan ng PDP-Laban upang matapos na ang sigalot sa loob ng partido sa pagitan ng kampo ni Pang. Duterte at Cusi sa isang panig at kampo ni Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel at Sen. Manny ‘Pacman’ Pacquiao sa kabilang panig.
Bago ang asembliya, matatandaan na “sinibak” ni Pacquiao, si Cusi bilang ‘vice-chairman,’ gamit ang kanyang kapangyarihan bilang ‘acting president’ matapos siyang italaga ni Pimentel sa nasabing puwesto noong Disyembre 2020.
Dagdag naman ni Pimentel, patuloy nilang kinikilala ang pagkasipa ni Cusi at iba pang mga opisyales ng partido kahit pa si Pang. Duterte ang nagkumpirma sa kanilang mga bagong posisyon.
Bukod kay Cusi, nanumpa rin sa Pangulo ang mga sumusunod:
Cabinet Secretary Karlo Alexie Nograles, executive vice president; Mayor Edwin Olivarez, vice president for Metro Manila; Secretary Raul Lambino, vice president for Luzon;
Gov. Ben Evardone, vice president for Visayas; Director General Ching Plaza, vice president for Mindanao;
Atty. Melvin Matibag, secretary general, Mayor Rianne Cuevas, treasurer; Sen. Christopher ‘Bong’ Go, auditor;
Nahalal naman bilang chairman ng membership committee si Astravel Pimentel; education committee chair naman si Secretary Noel Felongco; finance committee chair naman si Gov. Tony Kho ng Masbate; Chairman, Legal Committee, Atty. Richard Nethercott; Chairman, Public Information, Usec. Jonathan Malaya ng DILG; Chairman, Livelihood Committee si Reymar Mansilungan at Chairman, Youth Sector si Atty. Kat Contacto.
Nagpasalamat naman si Cusi sa mga kasapi ng partido sa tiwalang ipinagkaloob sa kanya bilang tatayong “ama” ng PDP-Laban.
Sa kanya namang talumpati, sinisi ni Pang. Duterte si Pimentel kung bakit nagkaroon ng paksyon at pagkakawatak-watak sa loob ng partido.
Giit ng Pangulo, hindi tamang pamamaraan ang ipinatupad ni Pimentel na nagtalaga ng isang Presidente (Pacquiao) nang magdesisyon itong magbitiw sa posisyon noong nakaraang Disyembre.
Diin pa ng Pangulo, walang sa ‘By-Laws’ ng PDP-Laban na nagsasabing puwede itong magtalaga ng bagong presidente. Hindi rin marahil malinaw kay Pacquiao ang puntong ito kaya sumunod lang ito sa mga sinabi sa kanya ni Pimentel.
Ipinaalala pa ng Pangulo kay Pimentel na mistulang isa lang ‘father and son party’ ang PDP-Laban at nabigyan lang ito ng sigla nang sumali sila dito. Tumakbo sa panguluhan ng bansa si Pang. Duterte bilang kandidato ng PDP-Laban noong 2016.
na nais nitong paalalahanan si Pimentel na ang partido ng PDP ay matagal nang hindi aktibo pero nabuhay mula nang sila ay sumali sa nasabing partido.
“Ang nagsimula ng gulo sa partido ay si Pimentel dahil hindi ito ang tamang pamamaraan ng pagpapatakbo ng partido,” wika pa ni Pang. Duterte.
Nangako naman si Cusi na “tatalima” sa kanilang pinanumpaan na pagbibigay ng gabay sa buong partido.