Banner Before Header

Mga nagawa ni PDU30, “konsiderasyon” sa eleksyon—Casiple

Sara Duterte versus Leni Robredo sa 2022?

0 411
BAGAMAN higit isang taon pa bago ang susunod na ‘presidential election,’ ipinahayag ng kilalang ‘political analyst’ na si Prof. Ramon Casiple, executive director, Institute for Political and Electoral Reform, na ang mga nagawa ni Pang. Duterte ang magiging “batayan” o “pamantayan” ng mga botante sa araw ng halalan.

Sa kanyang partisipasyon noong Biyernes, Pebrero 26, 2021, sa ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club, sinabi ni Casiple na kailangang “tapatan ang rekord” ng paglilingkod ni Pang. Duterte nang sino mang kandidato kung nagnanais maging susunod na pangulo ng bansa.

Aniya pa, hindi na dapat magpadala sa “popularidad” ng mga kandidato ang mga botante at dapat piliin ang kandidatong “marunong humarap sa mga problema ng bansa” at may mga “ideya” kung paano reresolbahin ang mga ito.

Bukod sa problema sa ekonomiya at sa pandemya ng COVID-19, binanggit din ni Casiple ang problemang panlabas ng bansa, partikular sa relasyon nito sa Amerika at China.

Sinabi pa ni Casiple na si Davao City mayor, Sara ‘Mayor Inday’ Duterte, ang tanging nakikita niyang magiging kandidato ng administrasyon at si Vice President Ma. Leonor ‘Leni’ Robredo naman para sa oposisyon.

Bagaman ilang beses idiniin ni Casiple na “napakaaga pa” upang pag-usapan kung sino-sino ang mga tatakbong presidente dahil wala pa namang pormal na nagdedeklara, ‘fearless forecast’ umano niya na si Mayor Inday ang magiging pambato ng administrasyon sa darating na halalan.

Aniya pa, ang usapin sa presidential election ay magkakaroon ng “seryosong diskusyon” simula sa kalagitnaan ng taon, batay sa unang sinabi ni Mayor Inday na ibubulgar niya ang kanyang plano sa buwan ng Hunyo.

Ayon pa kay Casiple, mali ring sabihin na walang panalo si Robredo dahil lang sa mababa ang kanyang posisyon sa mga resulta ng mga survey sa ngayon sa hanay ng mga tinatawag na ‘presidentiables.’

Tumaas din umano ang ‘political stock’ ni Robredo matapos kumpirmahin ng Korte Suprema noong Pebrero 16, 2021, ang panalo nito laban kay dating senador, Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos.

Batay pa rin sa kanyang mga nakikitang pamantayan na dapat sundin ng mga botante, sinabi pa ni Casiple na “kakayanin” ni Robredo na dalhin ang bigat ng responsibilidad na kaakibat ng isang pangulo ng bansa. “Kakayanin ni Leni na mag presidente. Sa tingin ko, walang problema sa usapin na kakayanin niya.”

‘Run Sara Run’

Para naman kay Bro. Ibrahim Albani, chairman ng World Philosophical Forum at isa sa mga nagsusulong sa kandidatura ni Mayor Inday, tanging ang presidential daughter ang may kakayahan upang ipagpatuloy ang mga nasimulang programa ni Pang. Duterte, kasama na ang pagtutulak ng sistemang pederalismo.

Para kay Bro. Ibrahim Albani ng World Philosophical Forum, si Davao City mayor, Sara Duterte ang kandidato na may kakayahang maging susunod na pangulo ng bansa at magtutuloy sa mga nagawa ng kanyang ama, si Pang. Rodrigo Duterte.

Aniya pa, higit 5 buwan na ngayon silang nag-iikot sa buong bansa upang makakalap ng suporta na kukumbinsi sa alkalde na sundan ang yapak ng kanyang ama.

Ngayon pa lang, suportado na umano ng buong Muslim Mindanao ang kandidatura ni Mayor Inday at kahit ng iba pang mga grupo sa isla. “Sa Mindanao, walang tutol sa liderato ni Pang. Duterte,” aniya.

Binalewala rin ni Ibrahim ang pahayag ni Pang. Duterte na “hindi tatakbo” bilang susunod na pangulo ang kanyang anak dahil bahagi lang umano ito ng ‘political strategy’ ng Pangulo.

Tiwala rin umano sila na makukumbinsi si Mayor Inday na tanggapin ang panawagan ng mga Pilipino na palitan ang kanyang ama dahil ‘the voice of the people is the voice of God.’

Kailangan din umanong maipagpatuloy ang mga nasimulan ni Pang. Duterte na ang resulta ay “nakikita mula Batanes hanggang Tawi-tawi.”

“Kung hindi tatakbo si Sara, sino ang magpapatuloy ng kanyang mga nasimulan,” tanong pa ni Ibrahim sa Pangulo.

Para pa rin  sa kanilang grupo, una nilang itutulak ang Duterte-Marcos tandem. Ang “problema” nga lang, aniya ay “hindi nagpaparamdam” si Bongbong Marcos sa kanilang grupo.

Kung hindi naman mangyari ang unang senaryo, itutulak umano nila ang ‘Duterte-Duterte’ tandem kung saan si Pang. Duterte ang magiging bise presidente ng kanyang anak.

Minsan na ring nangyari sa pulitika ng Davao City na naging vice mayor ni Mayor Inday ang kanyang ama.

Payag din umano sila sa ‘Go-Duterte’ tandem bilang “huling baraha” ng kanilang grupo, patungkol sa pagiging kandidatong presidente ni Sen. Christopher ‘Bong’ Go at bise presidente naman si Pang. Duterte.

“Ang importante, maituloy ang mga nasimulan ni Pang. Duterte,” diin pa nito.

Para pa rin umano sa mga Muslim at sa mga taga-Mindanao, “nangangarap” umano sila na magkaroon ng ‘equal footing’ sa pag-unlad at liderato ng bansa sa ilalim ng sistemang pederalismo na mangyayari lang kung isa pang Duterte ang nakaupo sa Malakanyang.

Leave A Reply