Mga vendors ‘di bubuwagin sa administrasyon ko—Lopez
TINIYAK ni Manila mayoralty candidate, Alex Lopez, ang kasiguruhan sa trabaho at kabuhayan ng mga street vendors sa Lungsod ng Maynila sakaling manalo siyang alkalde sa halalan sa Mayo 9, 2022.
Sa panayam sa ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) kamakailan, sinabi pa ni Lopez na sa halip na dislokasyon at mararahas na pagbuwag, tutulungan pa niya ang mga street vendors upang lalong maging produktibo at makatulong sa pag-unlad ng kapitolyo ng bansa.
“Sa napakatagal na kasing panahon, hanggang ngayon, ang tingin sa mga vendors ay ‘sagabal’ o ‘obstruction’ sa daloy ng trapiko kaya ang mga ordinansa laban palagi sa kanila,” ani Lopez na isang matagumpay na negosyante bago nahikayat na tumakbong alkalde bilang “lehitimong kandidato” ng oposisyion.
Ani Lopez, “mali” ang ganitong pananaw at isang bagay na agad niyang babaguhin sa ilalim ng kanyang administrasyon.
“Titiyakin ko sa inyo (vendors) na sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Alex Lopez, walang vendor ang palalayasin sa kanilang mga puwesto,” aniya pa.
Ito ang naging pagtitiyak ni Lopez matapos ang ginawang “pagpapalayas” ng mga vendors sa lugar ng Quiapo bago ang Kapaskuhan noong nakaraang taon.
Si Lopez ang panglaban bilang alkalde ng tambalan ni dating Sen. Bongbong Marcos at Davao City mayor Sara Duterte.
Pamilyar sa mga naging pagtrato sa kanilang mga street vendors ng mga lokal na pamahalaan sa mga karatig-bansa ng Pilipinas katulad ng Malaysia, Vietnam, China at Thailand, sinabi pa ni Lopez na gagawin niyang “gabay” ang ginawa sa mga nasabing bansa kung saan sa halip na paalisin sa kanilang mga puwesto, ang mga vendors ay tinulungan pa ng mga lokal na pamahalaan na palakasin ang kanilang negosyo sa kanila mismong mga lugar.
Aniya pa, pasisiglahin niya ang mga ‘night markets’ sa Maynila subalit hindi lang sa ilang mga partikular na lugar bagkus, kung saan naninirahan mismo ang mga vendors na malawakang ipinatutupad partikular na sa China at Thailand.
“Lalagyan pa natin ng mga dagdag na ilaw para maliwanag at mga banda ((combo/live bands) para maging masigla at masaya,” aniya pa.
Ani Lopez, na isa ring ekonomista, naniniwala siya na ang pag-angat ng kabuhayan ng mga street vendors ay makatutulong upang umangat ang mga ito sa estado ng ‘middle class’ na kailangan naman upang umangat ang ekonomiya.
Nakahanda rin umanong magbigay ng dagdag na puhunan sa mga manininda ang kanyang administrasyon.
“Mali rin kasi ang paniniwala na hindi marunong magbayad ng utang ang mga vendors. Kahit tanungin ang mga may operasyon ng ‘5-6,’ magagaling magbayad ng utang ang mga vendors,” ani Lopez.
Mataas rin ang kanyang paniwala na siya ang mananaig sa kanyang mga kalaban dahil suportado ng mga kilalang pamilya at mga pulitiko sa Maynila ang kanyang kandidatura.
Bukod sa suporta ng BBM/Sara Uniteam, suportado rin si Lopez ng kampo ni dating mayor Joseph Estrada, “malaking grupo” ng mga taga-suporta ni dating mayor Alfredo Lim, ex-congresswoman Sandy Ocampo, ang kampo nina Harry at Zenaida Angping, kampo ni Tricia Bonoan-David, bukod pa sa iba’t-ibang sektor ng lungsod.
Aniya pa, ‘secret supporters’ niya ang mga nasa tiket ni Vice Mayor Maria Shielah ‘Honey’ Lacuna-Pangan, na sa “kanya” umano susuporta sa araw ng halalan (see also Pinoy Exposé Volume 3, Issue No. 1/2).
Bagaman ngayon lang tatakbo sa halalan, hindi naman “bagito” si Lopez sa pulitika. Nang maupong mayor ng Maynila ang kanyang ama na si Gemiliano ‘Mel’ Lopez noong 1986, si Alex ang tumayong executive secretary nito kaya maagang namulat sa matinong pagpapatakbo ng lokal na pamahalaan.
Bagaman baon sa utang ang lungsod ng maupo sila sa puwesto, ipinunto pa ni Lopez na lampas isang bilyong piso ang iniwan ng kanyang ama sa kaban ng Maynila nang matapos ang termino nito.