NAGHIHINTAY NA TRAHEDYA
Rekrut ng Anakbayan “proud NPA” na ngayon
ISA na namang pamilya ang nangangamba na mawalan ng anak matapos ma-rekrut ng grupong Anakbayan ang binatilyong anak at lumabas sa mga ‘videos’ na isa nang armadong mandirigma ng komunistang ‘New People’s Army’ (NPA).
Ayon kay Mrs. Therese Fuentes-Mariveles, 16-anyos lang ang kanyang anak na si Frances Erl Mariveles nang pumasok sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa main campus nito sa Sta. Mesa, Maynila, noong 2016.
Pangarap umano ng kanyang anak na maging isang abogado at kahit malayo ang distansiya mula sa kanilang bahay sa General Trias, Cavite ay matiyaga itong nagbibiyahe upang makapasok sa eskuwela.
Subalit, matapos ma-rekrut ng Anakbayan, kahit umano unang semestre sa kolehiyo ay hindi na natapos ng kanyang anak dahil pulos kilos-protesta na lamang laban sa pamahalaan ang inatupag nito.
Sa kalaunan ay tuluyan nang napabayaan ni Frances ang kanyang pag-aaral at bihira na rin itong umuwi sa kanilang bahay.
Noong Oktubre 26, 2019, isang ‘propaganda video clip’ ang narekober ng militar sa isang kampo ng NPA sa Samar kung saan mistulang ipinagyayabang pa ng mga nasa video na sila ay mga kasapi ng isang teroristang grupo.
Isa sa mga nagsasalita ay si Frances na may sukbit na mahabang armas. Kasama niya sa video si Karen Mae Diaz, isa pang dating estudyante ng PUP at Aelish Castro, dating estudyante ng University of Sto. Tomas.
Ayon kay Mariveles, saglit lang niyang nakasama ang kanyang anak noong Pebrero nang sorpresang dalawin siya nito. Itinanggi na rin umano ni Alex Danday, lider ng Anakbayan ang kinalaman nito sa kinaroroonan ng kanyang anak.
Ngayon namang kumpirmado na ng kanyang pamilya ang kanyang kinasapitan matapos ma-rekrut ng Anakbayan, nababalot na sila ng takot at pangamba na matulad si Frances sa kinasapitan ng iba pang mga kabataan ng mga grupong hinihinalang “prente” ng NPA at Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).
Kung matandaan, napatay sa isang engkuwentro sa pagitan ng NPA at sundalo sa Bgy. San Joaquin, Miago, Iloilo, noong Hunyo 29, 2020, ang binatilyong si Marvin Christian Cruz.
Katulad ni Frances, si Cruz ay na-rekrut dakong 2016, ng League of Filipino Students (LFS) habang nag-aaral naman sa University of the Philippines-Visayas.
Ang pagpasok ni Cruz sa LFS ay naging daan upang magsimula siyang isang ordinaryong aktibista at sa dakong huli ay maging armadong terorista.
Sa ngayon, si Mariveles ay tinutulungan ng grupong ‘Hands Off Our Children’ (HOOC) na mabawi ang kanyang anak.
Ang HOOC ay samahan ng mga magulang at pamilya na ang mga anak ay na-rekrut bilang mga aktibista ng mga prenteng organisasyon ng mga komunista at nagtapos sa kanilang pagiging mga armadong sundalo ng New People’s Army.