Banner Before Header

‘No contact apprehension’ sa Maynila, “tsugi” kay Lopez

NCAP "hindi makatao," karapatan ng mga motorista, nilalabag-- Atty Alex Lopez

0 339
TINIYAK ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) Manila mayoralty candidate, Atty. Alex Lopez, na agaran niyang tutuldukan ang ipinatutupad ng ‘no contact apprehension policy’ (NCAP) ng lungsod sa mga motorista sakaling mahalal na alkalde ngayong Mayo 9, 2022.

Bilang isang abogado, sinabi pa ni Lopez na ipagtatanggol niya ang karapatan ng mga motorista, bilang tugon sa kanilang hinaing ang nagiging paglabag sa kanilang karapatan na dumaan sa tamang proseso.

Aniya, sukdulang maghain siya ng petisyon sa korte laban sa NCAP ay gagawin niya upang tugunan ang reklamo ng libo-libong motorista.

Bukod sa napakataas na multa, pasanin din ng mga nabiktima ng NCAP ang dagdag na multa sakaling hindi agad mabayaran sa itinakdang panahon at ang ginagawang “pag-alarma” ng Manila City Hall sa mga plaka ng mga sasakyan, dahilan upang hindi agad marehistro ang mga ito o makapag-renew ng kanilang driver’s license ang mga may-ari ng mga ito.

“Dapat mahinto ang naturang programa, dahil hindi ito makatao lalo na sa mga mahihirap na driver o operator na kulang pa ang mga kinikita para sa pangangailangan ng kanilang pamilya,” ani Lopez.

“Paano po kung P3,000 lang ang kita ng motorista, at ‘yung halaga naman ng multa sa unang violation pa lang kaparehong presyo na.

“Kapag nahuli sila, sigurado walang matitira sa kanilang pamilya. Kawawa po ang motorista,” wika ni Atty. Lopez.

Dagdag pa ni Atty. Lopez, “Ang punto po dito, napagkakaitan ng ‘right to due process’ ang mga motorista pati na ang mga operator o may-ari ng mga nahuhuling msasakyan.”

Ang NCAP sa Maynila ay ipinatutupad ng kumpanyang ‘Qpax Traffic Systems, Inc.,’ sa bisa ng isang resolusyon na ipinasa ng City Council noong Disyebre 2020, sa pangunguna ni Vice Mayor Ma. Shielah ‘Honey’ Lacuna-Pangan, bilang presiding officer ng konseho.

Gumagamit ang sistema ng mga camera (CCTVs) na nakakalat sa ilang lugar sa lungsod.

“Wala kang pagkakataon na magpaliwanag. Magpapadala ng Notice of Violation (NOV) sa may-ari ng sasakyan, na hindi agad makapagbayad dahil walang ekstrang pera.

“Paano pa ‘yung walang kaalam-alam ang may-ari ng sasakyan na may nalabag daw siyang batas, malalagay na ang plaka niya sa alarm list.

“Mahihirapang makapag-renew ng lisensiya ang mga may-ari ng sasakyan, kasi naka-block pala sila sa LTO ng hindi nila alam at walang kalaban-laban.

“Sa Amerika, bibigyan ka ng oras na magpaliwanag sa korte, hindi kaagad-agad parurusahan,” pahayag ni Lopez.

Aniya pa, “kuwestyunable” ang pagpapatupad ng NCAP, dahil hindi nabanggit sa Land Transportation and Traffic Code ang ganitong uri ng programa para maisaayos ang daloy ng trapiko.

Rerepasuhin din aniya ng kanyang administrasyon ang sinasabing merito ng NCAP, kung totoo nga bang nakatutulong ito sa pagiging disiplinado ng mga motorista, kung napabuti at naisaayos ang trapiko sa Maynila, at kung nararapat magpataw ng sobrang laking multa sa mga motorista habang ang bansa ay pinapahirapan pa rin ng kasalukuyang pandemya.

NCAP, walang ‘oversight’

Sa ginanap namang ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club noong Pebrero 18, 2022, inamin ng Land Transportation Office (LTO) na wala silang ‘oversight function’ sa ipinatutupad na NCAP ng mga LGUs sa Metro Manila.

Ayon kay Mercynita Paras, LTO chief licensing officer, ang pagpapatupad ng NCAP ay nakasalalay sa mga LGUs at ang kalidad ng serbisyo ng mga pribadong kumpanya katulad ng QPax Traffic System na kinontrata para ipatupad ang programa.

Aniya pa, ang pagtitiyak na mabayaran ang mga multa ang tanging papel ng LTO sa nasabing kasunduan ng ilang LGUs sa Metro Manila at mga pribadong kumpanya.

Hindi rin umano sila nagbigay ng mga kaukulang pagsasanay sa mga taong aktwal na nagpapatupad ng NCAP.

Leave A Reply