Banner Before Header

No ‘justiciable issue’ sa PDP-Laban– Jimenez

May “paksyon” nga ba sa PDP-Laban?

0 210
MISTULANG isang malaking “drama” lang ng mga opisyales ng PDP-Laban ang napabalitang “pagkakahati” nito sa dalawang “paksyon” matapos ibulgar ng Commission on Elections (Comelec) na wala naman silang reresolbahing ‘justiciable issue’ hanggang sa ngayon.

Sa ginanap na ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club (NPC) noong Setyembre 24, 2021, hanggang sa nasabing araw ay wala naman isinusimiteng pangalan sa Comelec ng kani-kanilang ‘authorized signatory’ ang grupo nina Department of Energy Secretary Alfonso Cusi/Pres. Duterte at grupo ni Sen. Aquilino ‘Koko’ Pimentel/Sen. Emmanuel ‘Manny/Pacman’ Paquiao.

“‘Yun kasing ‘authorized signatory’ siya ‘yung pumipirma sa mga ‘COC’ (certificate of candidacy) sa mga statement of contributions at sa iba pang mga opisyal na komunikasyon ng Comelec. Hanggang ngayon, wala naman,” pagbubulgar ni Comelec spokesman, James Jimenez.

Bunga nito, batay umano sa mga dokumentong hawak ngayon ng komisyon, “walang paksyon” sa loob ng partido kaya wala silang isyung reresolbahin.

Sa mga ulat naman sa media sapul pa sa kaagahan ng taon, “nahati” na sa dalawang paksyon ang partido kung saan ang unang paksyon ay binubuo ng grupo ni Cusi at Pang. Duterte at ang pangalawang paksyon ay binubuo naman ng grupo ng dalawang mambabatas.

Ang PDP-Laban ay orihinal na itinayo ni Sen. Aquilino ‘Nene’ Pimentel, ama ni Sen. Koko Pimentel noong 1982, bilang “pantapat” sa ‘Kilusang Bagong Lipunan’ (KBL) ni Pang. Ferdinand Marcos. Ang PDP-Laban ay pagsasanib-puwersa ng ‘Lakas ng Bayan’ (Laban) na itinayo naman ni Sen. Benigno ‘Ninoy’ Aquino Jr. noong 1978 at ng ‘Partido Demokratiko Pilipino’ (PDP) ni Pimentel.

Tumakbo at nanalo naman si Pang. Duterte sa ilalim ng PDP-Laban noong 2016. Bunga nito, inihalal si Pang. Duterte bilang ‘chairman’ ng partido at si Pimentel bilang presidente.

Noong Disyembre 2020, nagbitiw si Pimentel bilang pangulo ng partido at itinalaga si Pacquiao bilang kapalit niya sa puwesto.

Sumabog naman ang “hidwaan” sa pagitan ng kampo ni Pimentel/Pacquiao at Cusi/Duterte matapos sabihin ni Cusi sa ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng NPC noong Hulyo 2, 2021, na hindi dapat magposturang pangulo ng PDP-Laban si Pacquiao dahil wala pa itong “basbas” mula sa ibang lider ng partido (Pinoy Exposé Volume 2, Issue No. 26).

Kasabay naman ng ginagawa noong paghahanda ni Pacquiao sa kanyang laban kay world welterweight champion, Errol Spence, nagpatawag ng ‘national convention’ ang grupo ni Cusi at Pang. Duterte noong Hulyo 17, 2021, kung saan “inalis” si Pacquiao bilang pangulo ng partido kapalit ni Cusi habang ibinalik si Pang. Duterte bilang chairman ng partido kapalit ni Pimentel.

Muli ring naghalal ng mga bagong opisyales ng PDP-Laban ang grupo ni Cusi at isinumite ang listahan ng ‘SIUS’ (Sworn Information Update Statement) sa Comelec noong Agosto 5, 2021 (Pinoy Exposé Volume 2, Issue No. 33).

Bago ito, nagsumite na rin buwan ng Hulyo ang grupo ni Pacquiao sa Comelec ng kanilang SIUS.

Subalit, ayon kay Jimenez, hindi sapat ang SIUS upang pagbatayan ng komisyon kung “alin” sa dalawang grupo ang “lehitimo” o kikilalanin bilang rehistradong partido kasama na ang mga kandidato nito pagsapit ng eleksyon sa Mayo 9, 2022.

Aniya pa, ang huling araw ng pagsusumite ng ‘authorized signatory’ ng dalawang grupo ay hanggang araw na lang ng Lunes, Setyembre 27, 2021.

Dagdag pa ni Jimenez, hindi magiging madali ang resolusyon ng isyu sa paniwalang muli itong makarating sa Korte Suprema.

“Hindi agad mareresolba bago ang ‘filing of candidacy’ hanggang Oktubre 8, dahil baka makarating pa sa SC,” ani Jimenez.

Matatandaan na noong 2019, nagkaroon din ng isyu kung “sino” ang tunay na kumakatawan sa PDP-Laban na nakarating pa sa Korte Suprema.

Sa nasabing usapin, kinatigan ng korte at ng komisyon ang grupo ni Pimentel.

Leave A Reply