Banner Before Header

P25.3 bilyon, target ng Pinas sa 4th China International Expo

(Panayam ng China Media Group/China Radio International)

0 395
NANINIWALA ang mga opisyal ng Gobyerno ng Pilipinas na aabot sa higit P25.385 bilyon (US$500 million) ang halaga ng mga produktong Pinoy na maibebenta sa pandaigdigang merkado, partikular na sa bansang China, sa muling pagsali nito sa ika-4 na ‘China International Import Expo’ (CIIE) na gaganapin sa Shanghai mula Nobyembre 5 hanggang Nobyembre 10, 2021.
Philippine Commercial Vice Consul Mario Tani, PITC-Shanghai (photo credit: CMG/CRI).

Sa panayam ng China Media Group (CMG) kay Philippine Commercial Vice Consul Mario Tani ng Philippine Trade and Investment Center, Shanghai (PTIC-Shanghai), sinabi niyang ang CIIE ay isang magandang trading platform para makapasok sa merkadong Tsino ang mga produkto ng Pilipinas at maipakilala rin ang maraming mga produktong Pilipino sa buong mundo.

Muling lalahok ang Pilipinas sa Ika-4 na CIIE. Ang CIIE ang kauna-unahang ‘dedicated import exhibition’ sa buong mundo.

Pahayag ni Tani, sa Ika-4 na CIIE, 40 Filipino food companies ang lalahok. Ang Pilipinas ay ibibida bilang pangunahing pinagmumulan ng pagkaing natural at mabuti sa kalusugan.

Noong 2020, sa ikatlong yugto ng CIIE, nilagdaan ang mga kontrata para sa pagbili ng niyog at mga produkto mula rito. Mabenta ang mga prutas gaya ng saging, pinya, avocado, papaya at iba pa.

Ayon pa sa Philippine trade official, para sa CIIE 2020, umabot sa $462.3 milyon (P23.471 bilyon) ang kabuuang halaga ng mga transaksyon na naisara ng mga kumpanyang Pilipino, sa kabila ng pananalasa ng COVID-19.

Ang delegasyon ng Department of Trade and Industry ng Pilipinas sa ika-2 CIIE noong 2019 (photo credit: CMG/CRI).

Sa nasabing halaga, $5.16 milyon (P262 milyon) ay mula sa ‘exhibitor sales;’ $1.51 milyon (P76.66 milyon) naman mula sa ‘virtual business matching activities;’ at, $455.69 milyon (P23.135 bilyon) mula sa ‘Memoranda of Cooperation, Purchase Orders at Letters of Intent’ na nilagdaan ng mga kumpanyang Pilipino at Tsino sa buong panahon ng ikatlong CIIE na ginawa sa National Exhibition and Convention Center sa Shanghai.

Malaki ang tiwala ng Pilipinas na maabot ang target na higit P25.3 bilyong halaga ng mga maibebentang produkto ngayong taon dahil na rin sa mainit na pagtangkilik at suporta ng mga kumpanya sa China.

Sa unang pagsali ng Pilipinas sa CIIE noong 2018, umabot sa $124 milyon (P6.907 bilyon) ang kinita ng mga Filipino exhibitors at higit pa sa doble sa ikalawang CIIE noong 2019 matapos makapagtala ng $389.7 milyon (P19.8 bilyon).

Ayon pa kay Tani, ang Tsina ay nananatiling top trading partner ng Pilipinas mula 2016, sa pagsisimula ng termino ni Pang. Duterte.

Mula Enero hanggang Agosto 2021 lumobo sa 19.1 porsiyento ang kalakalan ng dalawang bansa na nagkakahalaga ng $14.1 bilyon (P715.857 bilyon). Samantala, tumaas din ng higit sa 41 porsiyento ang inangkat ng Pilipinas sa Tsina na katumbas ng $20.1 bilyon (higit P1.020 trilyon).

Lumampas din sa higit 100 porsiyento—127 porsiyento—ang itinaas ng direktang pamumuhunan (foreign direct investment, FDI) ng mga kumpanyang Tsino sa Pilipinas kumpara noong 2020 sa halagang $10.3 milyon (P523 milyon).

Batay sa matagumpay na paglahok sa CIIE determinado ang Department of Trade and Industry (DTI) na palakasin pa ang food export potential ng bansa at  palawigin pa ang kalakalan sa Tsina.

Bagaman malaki ang hamon sa target na higit P25.3 bilyon ngayong taon dahil sa patuloy na pananalasa ng COVID-19,  tiwala pa rin ang Pilipinas sa galing at kakayahan ng mga opisyales ng Pilipinas sa PITC-Shanghai at sa liderato ni Philippine Ambassador to China, Chito Sto. Romana (updated/corrected, November 3, 2021).

Leave A Reply