‘Pagbabago’ sa Phil. Red Cross iginiit ni Gadon
NANAWAGAN si Atty. Larry Gadon kay Pang. Duterte na “baguhin” na ang kasalukuyang liderato ng Philippine Red Cross (PRC), simula sa pag-alis ng lahat ng opisyales nito sa pangunguna ni Sen. Richard Gordon bilang PRC chairman.
Sa panayam ng Pinoy Exposé, sinabi rin ni Gadon na sablay ang pahayag ni Commission on Audit (COA) chairman, Michael Aguinaldo, na hindi puwedeng busisiin ng komisyon ang mga transaksyon ng PRC, batay sa panawagan ni Pang. Duterte, dahil isa itong pribadong organisasyon.
Pansin ni Gadon, na krusada ang pagkakaroon ng malinis na gobyerno at pamamahala, pulos ‘presidential appointees’ ang mga nakaupo sa PRC, kasama na si Gordon kaya may kapangyarihan si Pang. Duterte na alisin lahat ang mga nakaupong opisyal dito at ibalik ang pamamahala ng nasabing NGO sa mga ‘professional managers.’
Aniya pa, tatlo sa mga kasalukuyang bumubuo sa 30 kasapi ng ‘Board of Governors’ ng PRC—Gordon, Sen. Juan Miguel Zubiri, Sen. Sherwin Gatchalian—ay pawang mga pulitiko habang 6 sa mga kasapi ng BOG ay itinatalaga ng Presidente ng Pilipinas.
Ang nasabing probisyon ay nakapaloob sa RA 10072, ang batas na naglikha sa PRC bilang isang ‘independent, autonomous NGO’ na naging batas noong 2009.
“Dapat d’yan hindi mga pulitiko ang nakaupo,” diin pa ni Gadon. “It should be free from politics.”
Nakapaloob din sa batas na ang isang araw na ‘lottery draw’ ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kada taon ay ibibigay sa PCSO para sa mga ‘disaster and relief operations’ nito, bukod pa sa mga iba pang PCSO draws para naman sa programa nitong ‘blood donation.’
Ani Gadon, dahil tumatanggap ng pera mula sa gobyerno ang PRC sa pamamagitan ng PCSO, tungkulin ng COA na alamin ang pinagkagastusan nito, batay sa ‘Article 217’ at ‘Article 222’ ng Revised Penal Code (RPC), ang batas laban sa ‘malversation of public fund.’
Hinamon din ni Gadon ang PCSO na ilabas ang detalye ng mga perang naibigay na ng ahensiya sa PRC.
Batay na rin sa nasabing batas, mali aniya ang mga batikos na inabot ni Pang. Duterte sa panawagan nito sa COA na idaan din sa ‘audit’ ang PRC.
Sa ilalim din aniya ng Article 222 ng RPC, sakop ang mga organisasyon at mga pribadong indibidwal sa isyu ng malversation of public funds.
“Masyado kasing naka-focus sa auditing procedure ang COA kaya maaring hindi nila napansin ang ‘lalim’ ng kanilang kapangyarihan,” ani Gadon.
Batay pa rin sa RA 10072, tungkulin ng PRC na magsumite ng ‘annual report’ sa Malakanyang, subalit hindi rin umano ito ginagawa ng organisasyon.
Nagbabala rin si Gadon na dahil isa sa mga muling kandidato sa darating na halalan si Gordon, may nasisilip siyang ‘conflict of interest’ sa nasabing mambabatas kung saan posibleng nagagamit nito ang PRC sa ambisyon nito sa pulitika.
Aniya pa, bilang tserman ng makapangyarihang Senate Blue Ribbon Committee, na nag-iimbestiga sa mga katiwalian sa gobyerno, marapat lang na payagan ni Gordon ang COA na mabusisi ang mga naibigay na pera ng PCSO sa PRC.
“I am not accusing Sen. Gordon of corruption. But this is about transparency.”
Idiniin pa niya na hindi niya inaambisyon na maitalaga ni Pang. Duterte sa PRC kaya niya ito binabatikos.
“Tahasan kong sinasabi na wala akong balak na magpa-appoint sa PRC,” ani Gadon.