Banner Before Header

Parangal para sa 10 Filipino handog ng APCU

Dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos, Amb. Francis Chua, 'Hall of Famers'

0 1,161
MALUGOD na inihayag ng Samahan Para sa Pagkakaunawan ng Pilipinas at Tsina (Association for Philippines and China Understanding, APCU), ang paggagawad ng natatanging parangal at pagkilala sa 10 Filipino na nagbigay ng pambihirang kontribusyon upang mapalalim at mapatibay ang pagkakaunawaan at relasyon ng dalawang bansa at kanilang mga mamamayan.

Sa pormal na seremonya na gaganapin sa Agosto 6, 2021, bibigyang parangal sina:

Dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos at dating Amb. Francis Chua (Hall of Fame Category);

Dr. Rommel Banloi; Herman ‘Ka Mentong’ Laurel; Teresita Ang-See; at, Dr. Lourdes Tanhueco-Nepomuceno (Outstanding Contributions Category);

Prof. Jaime Flor Cruz; Dr. Mario Leonardo Emilio Aportadera; Adolfo ‘Ka Ado’ Paglinawan; at, John Nicolo Fernandez (Major Contributions Category).

APCU, “tulay” sa diplomatikong relasyon ng Tsina, Pilipinas

Nagsimula ang APCU bilang isang samahan ng mga Filipino at mga ‘Tsinoy’ (Chinese-Filipino) noong 1972, upang maayos na makarating ang tulong ng People’s Republic of China sa mga biktima ng malawakang pagbaha sa Gitnang Luzon sa nasabing taon.

Mula sa karanasang ito, nagdesisyon ang grupo na pormal na irehistro ang APCU sa Philippine Securities and Exchange Commission (SEC) noong 1974 bilang isang ‘non-government organization’ (NGO) upang isulong ang pagpapatibay ng relasyon at pagkakaunawaan ng dalawang magkapit-bahay na bansa.

Pinalawak din ng APCU ang mga aktibidades nito na ngayon ay sumasakop sa palitan ng kultura, karunungan at pag-organisa ng pagbisita ng mga Filipino at mga Tsino upang higit pang tumibay ang kanilang pagkakaibigan.

Kasama na rito ang “pagkakapatiran” (‘sisterhood’) sa pagitan ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) sa Tsina at Pilipinas at kooperasyon sa kalakalan at ekonomiya.

Dahil sa patuloy na pagpupunyagi, sa ngayon ay may tatlo nang sangay ang APCU matatagpuan sa Baguio, Cebu at Davao. Inaasahan na rin ang pagkakaroon ng iba pang mga sangay sa iba pang rehiyon at sa mga sentrong akademiko sa bansa sa mga darating na araw.

Ang mga nailatag na programa at mga aktibidades ng APCU sa unang bahagi ng dekada ’70 ang nagbigay daan sa matagumpay na pagkakaroon ng diplomatikong relasyon ng Tsina at Pilipinas.

Bagaman nagsisimula nang humina ang katawan, mainit pa ring sinalubong ni Chairman Mao Zedong si Pang. Ferdinand Marcos, Gng. Imelda Marcos at kanilang mga anak sa naging pagbisita ng Unang Pamilya sa Tsina noong Hunyo 1975. Malaking papel ang ginampanan ng APCU at ni Gng. Marcos sa pagkakaroon ng pormal na relasyon ng dalawang bansa na nilagdaan noong Hunyo 6, 1975.

Pormal na nagkaroon ng diplomatikong relasyon ang dalawang bansa noong Hunyo 6, 1975, matapos ang matagumpay na pagbisita ni Pang. Ferdinand Marcos at kanyang pamilya sa Tsina kung saan mainit ang naging pagtanggap sa kanila ng mga matataas na lider ng pamahalaan ng Tsina, sa pangunguna ni Chairman Mao Zedong at Prime Minister Zhou Enlai.

Kasama ni Pang. Marcos sa kanyang pagbisita si First Lady Imelda Romualdez Marcos na sinasabing “nakabighani” at hinangaan hindi lang mga mga lider ng Tsina, bagkus kahit ng mga ordinaryong Tsino.

Ang APCU Award

Sa ilalim ng administrasyong Duterte, nagkaroon ng ibayong sigla ang relasyon ng Pilipinas at Tsina sa lahat ng aspeto—diplomatiko, kultura, ekonomiya, edukasyon, teknolohiya atbp.

Pinatibay pa ito ng mahusay na pamumuno sa APCU ni dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo, kung saan kinilala ng dalawang bansa na mas mainam na daanin sa konsultasyon at pag-uusap ang ano mang isyu at mga bagay na nakakaapekto sa kanilang relasyon.

At sa layuning mapalalim pa ito, nagdesisyon ang APCU, sa pakikipagtulungan ng Embahada ng Tsina sa Pilipinas, na maglunsad, simula ngayong taon, ng isang programang kikilala at magtatanghal sa mga kontribusyon ng mga natatanging Filipino sa pagpapatibay ng pagkaunawaan at pagkakaisa ng Pilipinas at Tsina—ang APPCU (Award for the Promotion of Philippines – China Understanding).

Mayroong 3 kategorya ang APCU award: ‘Hall of Fame,’ ‘Outstanding Contributions’ at, ‘Major Contributions.’

Ang ‘Hall of Fame Category’ ay dagdag na pagkilala sa mga prominenteng Filipino at sa kanilang positibong mga kontribusyon na nagkapag-ambag sa ikabubuti ng kanilang komunidad at ng lipunan sa pangkalahatan.

Ang ‘Outstanding Contributions Category’ ay para naman sa mga Pilipino na bagaman hindi kasing prominente tulad ng mga napili sa unang kategorya ay malaki naman ang naging ambag upang maisulong at mapalakas ang relasyon ng Tsina at Pilipinas sa lahat ng aspeto nito na nakabatay sa pagkakaibigan, pagtutulungan at pagkakaunawaan.

Ang ‘Major Contributions Category’ ay para naman sa mga Filipino na ang mga gawain ay umaabot at may impluwensiya sa buhay at pananaw ng mga partikular na grupo o komunidad hanggang sa pinakamababang saray ng lipunan.

Ang mga Opisyales ng APCU

Former Pres. GLORIA MACAPAGAL ARROYO
Chairman Emeritus
Secretary RAUL L. LAMBINO 
Chairman
SIXTO T. BENEDICTO
First Vice– Chairman
Gen. VICTOR N. CORPUS
Second Vice-Chairman 
Mr. JEFFREY T. NG 
President
Mr. RAYMUNDO T. ROQUERO
Executive Vice-President
Mr. FELIX GUANZON
Vice-President, Internal Affairs/
Head, Membership Committee
Atty. PERCIVAL B. PERALTA 
Secretary General 
Mr. PETER T. LAVIÑA 
Deputy Secretary General 
Gen. FERNANDO C. PACE
Treasurer 
Ms. MAFEE HUNG CAI
Youth Committee Head
Rep. CATALINA L. PIZARRO
Ways and Means Committee Head
Mr. JOAQUIN SY
Information Committee Head
Prof. GABRIEL MA. J. LOPEZ, PH.D 
Entrepreneurship 
Secretariat:
Mr. JOSE T. ARCE, JR.
Executive Director 

Maikling talambuhay ng mga nominado

Hall of Fame Category

Gng. Imelda Romualdez Marcos

TINAGURIAN bilang ‘Iron Lady’ at ‘Queen Bee,’ si Gng. Marcos ang ehemplo ng kagandahan at kapangyarihan.

Asawa ni dating Pang. Ferdinand E. Marcos at tubong Tacloban, Leyte, nanggaling si Gng. Marcos sa angkan ng mga Romualdez, isa sa mga prominenteng angkan sa lipunan at sa larangan ng politika ng bansa.

Bago ikinasal noong 1954 kay noon ay Sen. Ferdinand Marcos, hawak ni Gng. Marcos ang titulo bilang ‘Miss Manila,’ patunay sa kanyang likas na ganda at talino.

Dahil sadyang mahal at malapit sa puso ni Pang. Marcos, siya ang nilalapitan ng mga pulitiko, mga opisyal ng gobyerno at maging ng mga ordinaryong tao upang maipaabot sa Pangulo ng bansa ang kanilang mga hinaing at mga planong gawin.

Bilang Unang Ginang, kakaiba ang naging papel ni Gng. Marcos, taliwas sa “tradisyunal” na naging papel ng mga nauna sa kanya sa Palasyo ng Malakanyang.

Ito ay dahil hindi rin pabor si Pang. Marcos na gawing “ordinaryong maybahay” si Gng. Marcos, bagkus, isang kaagabay at kakampi, partikular sa larangan ng pulitika at pamamahala ng bansa.

Naglingkod si Gng. Marcos sa iba’t-ibang posisyon sa administrasyon ni Pang. Marcos. Ilan lang dito ay, Minister of Human Settlements,’ ‘Chairman of the Board of the Cultural Center of the Philippines’ at higit sa lahat, bilang ‘Envoy and Ambassador Plenipotentiary and Extraordinary,’

Kinikilala na ang kanyang mga diplomatikong misyon ay nagpatibay sa relasyon ng Pilipinas sa maraming bansa at nakadagdag sa pambansang seguridad.

Personal na ipinagmaneho ni Fidel Castro, lider ng Cuba, si Gng. Marcos ng bumisita ito sa Cuba noong 1978, kasama si ngayon ay Sen. Imee Marcos (nasa likod na upuan). CTTO.

Bukod sa mga lider ng Tsina, malugod ding tinanggap at pinakinggan si Gng. Marcos nina US President Richard Nixon, President Ronald Reagan at First Lady Nancy Reagan; Si Gng. Marcos din ang naging daan upang magkaroon ng ugnayan at relasyong diplomatiko ang Pilipinas sa Libya nang bisitahin niya si Pres. Muammar Gaddafi (1976); si Gng. Marcos ang nasa likod ng matagumpay na ‘Tripoli Agreement’ ng Pilipinas at Moro National Liberation Front (MNLF);

Sa bansang Iraq, sa kanyang naging pagbisita kay Pres. Saddam Hussein at sa Cuba, nang bisitahin niya si Pres. Fidel Castro (1978).

Matapos ang iligal na pagkaalis sa poder ng administrasyong Marcos noong 1986, hindi naman dito nagtapos ang pagiging lider at lingkod-bayan ni Gng. Marcos.

Bukod sa pagiging halal na kasapi ng ‘Interim Batasang Pambansa’ at gubernador ng Metro Manila sa administrasyon ng kanyang asawa, nanalong kinatawan ng Leyte sa Kongreso si Gng. Marcos noong 1995, matapos makabalik ang kanyang pamilya sa bansa.

Noong 2010, sa kabila ng panalo ng administrasyong Aquino sa panguluhan, nanalo rin si Gng. Marcos bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Ilocos Norte at nakumpleto ang buong tatlong termino bilang mambabatas ng manalo siya sa halalan noong 2013 at 2016.

Sa ngayon, patuloy na simbolo ng kagandahan, impluwensiya at kapangyarihan at nagsisilbing balon ng inspirasyon si Gng. Marcos hindi lang para sa kanyang mga anak at pamilya bagkus, kahit sa kanyang mga nasasakupan, kasama ang marami pang bilang ng mga Filipino na naniniwala sa palagi niyang sinasabi na “beauty is God and love made real.”

Amb. Francis Chua

BILANG isang prominente at respetadong negosyante at lider, si Amb. Chua ay dating pangulo at ngayon ay ‘Chairman Emeritus’ ng ‘Philippine Chamber of Commerce and Industry’ (PCCI), ang pinakamalaking organisasyon ng mga negosyante sa bansa. Dati ring pangulo at ngayon ay ‘Honorary President’ ng ‘Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc.’ (FFCCCII), ang pinakamalaki ring organisasyon ng mga ‘Fil-Chinese’ sa buong bansa.

Siya rin ang unang pangulo ng ‘International Chamber of Commerce in the Philippines’ (ICCP) matapos matagumpay niya itong maitayo noong 2015, kasabay ng kanyang pagkahalal bilang ‘Chairman Emeritus’ ng ‘Employers’ Confederation of the Philippines’ (ECOP), ang pinamalaking samahan ng mga negosyante at nagbibigay-trabaho sa bansa.

Noon ding 2015, itinalaga si Amb. Chua bilang ‘Vice Chairman’ ng ‘Silk Road International Chamber of Commerce’ (SRICC). Sumunod na taon, kinilala siya bilang ‘Founding Chairman’ nang itatag niya ang ‘Philippine Silk Road International Chamber of Commerce’ (PSRICC).

Itinalaga rin si Amb. Chua bilang kasapi ng ‘APEC Business Advisory Council’ noong Nobyembre 2016 at nagsisilbing ‘Honorary Consul’ sa Pilipinas ng bansang Peru sapul noong 2005.

Matapos pumasok sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), nakumpleto ni Amb. Chua ang kanyang dalawang ‘Doctorate Degree’ sa Central Luzon State University (CLSU) at sa Eulogio ‘Amang’ Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) sa Maynila.

Dahil sa husay sa diplomasya, dalawang beses ding naging pangulo si Amb. Chua ng ‘Philippine Cheyong Cua Chua Family Association’ at ‘Philippine Jinjiang Jindong Hometown Association’ habang noong Abril 2021, itinalaga rin siya bilang ‘Chief Consultant’ ng ‘World Ke Cai Family Association.’

Sa larangan ng Edukasyon, nagsilbi si Amb. Chua bilang ‘Board of Trustee,’ Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kasapi sa ‘Board of Regents’ sa UP at CLSU at ‘Executive Director’ ng ‘Board of Directors’ ng ‘Fujian Normal University.’

Sa pakikipagtulungan ng Fujian Normal University, naitayo ang ‘Philippine Institute of Chinese Language and Culture’ habang tumulong din si Amb. Chua sa UP at ‘Angeles University’ sa pagtatayo ng kani-kanilang ‘Confucius Institutes.’

Sa kasalukuyan, si Amb. Chua ay kasama sa ‘Board of Directors’ ng Fujian Huaqiao University, Adamson University at, Xavier School and Education Foundation.

Dahil sa kanyang mga kontribusyon, itinanghal bilang ‘Outstanding Alumnus’ ng UP, ‘Chiang Kai Shek College,’ ‘Xavier School’ at, ‘Hope Christian High School.’

Sa larangan ng Negosyo, si Amb. Chua ang nagpakilala sa Pilipinas ng mga sasakyang pang-komersyo na gawa sa Tsina sapul pa noong 1983.

Siya rin ang nasa likod sa matagumpay na ‘satellite launching’ nang unang ‘international communication satellite’ ng Pilipinas sa tulong ng China noong 1993; noong Agosto 20, 1997,  matagumpay namang nailagay sa kalawakan ang unang ‘international communication and broadcast satellite’ ng Pilipinas gamit ang ‘Long March III rocket’ ng Tsina (na ginagamit pa rin natin hanggang ngayon), sa tulong pa rin ni Amb. Chua.

Iba pang tulong at kontribusyon

Tumulong din si Amb. Chua upang maresolba ang malaking problema noon ng bansa sa

‘kidnapping’ na ang karamihan sa mga biktima ay mga ‘Fil-Chinese’ sa kanyag kapasidad bilang ‘Commissioner’ ng ‘Anti-Organized Crime Committee’ na itinayo ni Pang. Macapagal Arroyo.

Sa kanya pa ring tulong, naglabas ng isang dekreto (executive order) ang Malacañang upang bigyan ng ‘permanent residence visa’ ang sino mang Tsino na magnenegosyo sa bansa at mag-eempleyo ng 10 Filipino. Ang nasabing dekreto ay nagbigay daan naman upang mabigyan ng ‘permanent residency status’ sa bansa ang 50 Tsino kada taon.

Dahil pa rin sa kanyang tulong, matagumpay na naidaos noong Nobyembre 2009 ang ‘10th World Chinese Entrepreneurs Conference’ na pinangunahan ng FFCCCII kung saan umani ng papuri si Amb. Chua mula sa higit 3,000 negosyanteng Tsino mula sa iba’t-ibang panig ng mundo na lumahok sa kanyang papel bilang ‘Chairman, Organizing Committee.’

Marubdob ang paniwala ni Amb. Chua na ang isinusulong na ‘Belt and Road Initiative’ (BRI) ng Tsina ang kumakatawan sa relasyon ng Tsina sa mundo; isa itong mapayapang pamamaraan ng Tsina sa pagsusulong ng kooperasyon, kalakalan at matibay na relasyon sa iba pang mga bansa.

Outstanding Contribution Category

Herman “Ka-Mentong” Tiu Laurel

KILALA bilang “Ka Mentong” sa kanyang mga kaibigan, at mga taga-subaybay sa kanyang mga programa sa radyo, telebisyon at sa panulat bilang isang mamamahayag, masasabing isang “kampeyon” si Ka Mentong sa pagsusulong ng pagkakaunawan sa panig ng Tsina at Pilipinas.

Inirerespeto rin si Ka Mentong dahil sa kanyang parehas, tumpak at may batayang pag-uulat sa publiko sa loob at labas ng bansa hinggil sa totoong sitwasyon sa Pilipinas at Tsina, sa kanilang relasyon at sa pananaw ng Tsina na magkaroon ng isang mas mabuting mundo para sa lahat batay sa prinsipyo ng pagkakaisa at pagkakaunawaan.

Sa nakaraang higit na dalawang dekada, patuloy na mahigpit ang pagyakap ni Ka Mentong sa kredo ng pamamahayag na maging parehas at mapanuri sa ano mang isyu, partikular sa mga usaping may kinalaman sa Tsina.

Malaki ang ambag ni Ka Mentong na mabigyan ng tama at balanseng pagtingin sa mga isyu ang mga Filipino partikular sa unang bahagi ng dekada 2010 kung saan naging malubha ang relasyon ng dalawang bansa sa ilalim ng rehimen ni Pang. Noynoy Aquino.

Inilunsad ni Ka Mentong ang programang “Paglalakbay” (‘Journeys’) sa ‘Cable-TV’ upang mapalalim pa ang pag-unawa ng mga Filipino sa Tsina. Nakatuon ang programa sa kasaysayan ng relasyon ng Pilipinas at Tsina.

Madalas na panauhin sa programa si Amb. Jose Santiago ‘Chito’ Sta. Romana, ang kinatawan ng Pilipinas sa Tsina, upang tumulong magpaliwanag sa mga benepisyo ng magandang relasyon ng dalawang bansa.

Sa paglubha ng relasyon ng Tsina at Pilipinas sa ilalim ng rehimeng Aquino, madalas na tinitipon ni Ka Mentong ang mga kasapi ng midya, mga intelektuwal at mga retiradong opisyal ng pamahalaan upang pag-usapan ang mga isyu at maipaabot sa publiko ang tamang impormasyon hinggil sa mga ito.

Tumulong din si Ka Mentong na maitayo ang ‘Philippine BRICS Strategic Studies,’ isang ‘think tank’ na binubuo ng mga indibidwal na nagkakaisa sa pagsusulong ng tamang impormasyon sa publiko at kabutihan ng magandang relasyon ng Pilipinas at Tsina.

Kumuha ng inspirasyon si Ka Mentong sa ‘BRICS’ (Brazil, Russia, India, China, South Africa), na itinayo noong 2006 (at pormal na inilusad sa Russia noong 2009), isang samahan ng mga bansang naniniwala sa isang ‘multi-polar world,’ taliwas sa kagustuhan ng Estados Unidos na isang mundong kanyang paghaharian.

Bago naging mamamahayag, naglingkod din sa gobyerno si Ka Mentong, bilang pinuno ng ‘Philippine Refugee Processing Center’ sa Bataan, na tumutulong sa mga mamamayan ng Vietnam na napadpad sa Pilipinas matapos umalis sa kanilang bansa dahil sa giyera doon.

Sa kasalukuyan, ‘regular host’ pa rin si Ka Mentong sa programang ‘Ang Maestro- the Unfinished Revolution’ sa Radyo Pilipinas (RP1) tuwing Linggo, ang programang ‘Power Thinks’ ng ‘Global Talk News Radio’ (GTNR) na napapanood sa ‘Facebook’ at ‘YouTube’ at ang programang ‘Opinyon Ngayon’ na napapanood naman tuwing Biyernes sa ‘Golden Nations Network’ (GNN).

Ipagdiriwang ni Ka Mentong ang kanyang ika-70 kaarawan ngayong Oktubre subalit patuloy pa ring masigasig at malakas ang kanyang pangangatawan, patunay ang kanyang linggihang mga programa bukod pa sa mga regular niyang isinusulat na mga artikulo sa mga pahayagan at peryodiko katulad ng kanyang kolum dito sa Pinoy Exposé.

Prof. Dr. Lourdes Tanhueco-Nepomuceno

ISANG respetadong akademiko, si Dr. Lourdes Tanhueco-Nepomuceno ay isang ‘Fil-Chinese’ na ipinagmamalaki ang kanyang pinanggalingan. Ipinanganak at lumaki sa Angeles City, Pampanga, nagtapos na ‘Cum Laude’ sa kursong ‘Bachelor’s Degree in Education, Major in English and General Science’ si Dr. Nepomuceno.

Nagakaroon din ng ‘Masters of Education Degree in Communication Arts’ (Reading) si Dr. Nepomuceno mula sa Unibersidad ng Pilipinas (UP-Diliman), ‘Post-Masteral Degree in School Administration and Supervision (with distinction) sa ‘Johns Hopkins University,’ Maryland, USA; at, ‘Doctor of Philosophy in Education,’ (Major in Educational Management and Leadership) mula sa ‘De La Salle University’ sa Maynila.

Bilang isang indibidwal na may malalim na pananaw at batay sa kanyang mga naging karanasan, nakita at inasahan na ni Dr. Nepomuceno ang pag-angat ng Tsina sa mundo. Upang paghandaan ito, noong 2009, tumulong si Dr. Nepomuceno na maitayo ang ‘Confucius Institute’ sa Angeles University Foundation.

Bukod sa pagpapalalim sa pag-unawa ng mga Filipino sa kultura ng Tsina, tinuturuan din sila ng ‘Mandarin’ ang lengguwahe ng karamihan sa Tsina. Noong 2015, tumulong din si Dr. Nepomuceno na maitayo sa UP-Diliman ang isa pang Confucius Institute.

Sa mga nakalipas na taon, nagpunyagi si Dr. Nepomuceno na mapalawak pa ang ugnayan ng Confucius Institute sa mga pampubliko at pribadong paaralan at unibersidad sa buong bansa, kung saan ang UP Confucius Institute na ngayon ang may pinakamalaking ‘outreach program’ sa pagtuturo ng Mandarin at kung saan si Dr. Nepomuceno ang kinilala bilang unang Filipino na naging direktor nito.

Si Dr. Nepomuceno rin ang nagtulak sa matagumpay na pagkasali ng pagtuturo ng Mandarin sa programang ‘K-12 curriculum’ ng pamahalaan bilang isang espesyal na programa.

Dahil sa kanyang mga ambag at kontribusyon sa nakaraang ilang dekada, kinikilala ng APCU si Dr. Nepomuceno bilang isang inspirasyon at natatanging yaman sa komunidad ng mga Fil-Chinese sa buong mundo.

Dr. Rommel C. Banlaoi

MAY akda ng higit 70 artikulo at panulat sapul pa noong 2001, si Dr. Baloi ay nagtapos ng kanyang ‘Bachelor’s of Art’ at ‘Master’s Degree’ (Political Science) sa Unibersidad ng Pilipinas (UP-Diliman) at ng kanyang ‘Doctorate’s Degree’ (International Relations) sa Jinan University, China.

Bukod dito, nagtapos din ng iba’t-ibang kurso si Dr. Banloi hinggil sa seguridad at terorismo sa ‘Leiden University,’ The Netherlands at sa ‘Asia Pacific Center for Security Studies’ sa Hawaii. Isa rin siya sa mga kinikilalang eksperto sa mga isyung bumabalot sa South China Sea/West Philippine Sea.

Karamihan sa mga naisulat na artikulo ni Dr. Banloi ay tumatalakay sa kahalagahan ng kapayapaan at relasyon ng Pilipinas at Tsina.

Noong 2011, kinilala ang kanyang dedikasyon sa pagtuturo sa kahalagahan ng kapayapaan at mga pagsasaliksik sa paglaban sa terorismo ng gawaran siya ng ‘Albani Peace Prize Award for Peace and National Security Education.’

Sumunod na taon ay ginawaran din siya bilang isa sa mga “Kahanga-hangang Pilipino” (Outstanding Filipino Award) dahil sa pagsusulong niya ng kapayapaan.

Noong 2016, ginawaran din ng parangal si Dr. Banlaoi sa kanyang ‘Outstanding Contribution to Humanitarian and Social Cause’ sa ginanap na ‘2016 World CSR (Corporate Social Responsibility) Congress Day’ sa Mumbai, India.

Ang kanyang mga pagsasaliksik kung paano lalabanan ang terorismo ay nagtanghal din sa kanya upang tawagin na ‘Father of Philippine counter-terrorism research’ at bilang nangungunang iskolar na Filipino sa isyu ng radikalismo at isa sa mga nangungunang eksperto sa pambansang seguridad.

Bilang bahagi ng kanyang taimtim na pagsusulong sa relasyong Tsina at Pilipinas, nagbibigay din ng mga panayam at diskusyon si Dr. Banloi sa mga kapwa niya eksperto at iskolar hinggil sa bagay na ito.

Hinangaan din ang kanyang huling aklat, ang ‘Philippines-China Relations at 45 During the Covid-19 Pandemic: New Discoveries, Recent Developments, and Continuing Concerns,’ na isang koleksyon na sinulat ng iba’t-ibang eksperto sa iba’t-ibang disiplina upang gunitain ang 45-taon ng relasyon ng Pilipinas at Tsina sa gitna ng pandemyang dala ng COVID-19.

Nagtuturo bilang ‘Professorial Lecturer’ si Dr. Banloi sa ‘Department of International Studies,’ Miriam College at bilang ‘Adjunct Research Professor’ sa ‘National Institute for South China Sea Studies’ (NISCSS).

Si Dr. Banloi din ang ‘Chairman of the Board’ ng ‘Philippine Institute for Peace, Violence and Terrorism Research’ (PIPVTR) at kasalukuyang pangulo ng ‘Philippine Association for Chinese Studies’ (PACS). Kasapi rin siya sa ‘Management Board’ ng ‘World Association for Chinese Studies’ (WACS).

Kasama rin si Dr. Banloi sa mga ‘International Panel of Experts’ sa ‘Maritime Awareness Project’ (MAP) ng ‘National Bureau of Asian Research’ (NBAR) at sa ‘Sasakawa USA Foundation;’

‘Board Member’ din si Dr. Banloi sa ‘China-Southeast Asia Research Center on the South China Sea’ (CSARC).

Dati ring propesor si Dr. Banlaoi sa National Defense College of the Philippines (NDCP) at miyembro ng ‘Philippine Council for Foreign Relations -National Security Cluster’ (PCFR-NSC).

Bukod sa akademya, naging tagapayo rin si Dr. Banlaoi sa mga ahensiya ng gobyerno at kasama sa ‘Advisory Council’ ng dalawang mahalagang tanggapan ng Philippine National Police (PNP), ang ‘Drugs Enforcement Group’ (DEG) at ‘Criminal Investigation and Detection Group.’ (CIDG).

Nagsilbi rin si Dr. Banloi sa Department of National Defense (DND) sa administrasyong Macapagal-Arroyo at Estrada.

Si Dr. Banloi ang palagiang hinahanap ng midya upang kunan nang eksperto at parehas na pananaw sa mga isyung may kinalaman sa SCS/WPS at relasyong Pilipinas at Tsina.

Teresita Ang-See

SA isang bansang katulad ng Pilipinas na ang mga tao at pananaw sa buhay ay nahahati dahil sa heograpiya, estado sa lipunan at posisyon sa ekonomiya ng mga mamamayan bukod pa sa malalim na kaisipang kolonyal at diskriminasyon, mahalaga ang ginampanang papel—at patuloy na ginagampanang papel– ni Teresita Ang See bilang isang “tulay” sa pagkakaunawaan at pagkakabigkis ng mga Filipino at mga ‘Tsinoy.’

Bilang isang akademiko, nagsilbi si Ang See bilang pangulo ng prestihiyosong ‘International Society for the Study of Chinese Overseas’ (ISSCO) at ‘Philippine Association for Chinese Studies’ (PACS).

Marami ng panayam, talakayan at artikulong nagawa si Ang See hinggil sa relasyon ng Pilipinas at Tsina, sa kanilang mga naging karanasan at kultura na pawang naglalayon na mapatingkad pa ang pag-unawa at kaalaman ng lahat sa mga nasabing usapin at para sa maayos na integrasyon ng mga Tsinoy sa lipunang Pilipino.

Si Ang See rin ang nagtatag ng ‘Kaisa Para sa Kaunlaran’ (Kaisa), isang kilusan ng mga Tsinoy na ang sentrong layunin ay isulong ang ganap na integrasyon ng mga Tsinoy sa lipunang Pilipino at makatulong ang mga ito para sa pambansang pagsulong at pag-unlad.

Sa kasalukuyan, si Ang See ang ‘Executive Trustee’ ng Kaisa Heritage Center, kung saan matatagpuan ang ‘Bahay Tsinoy,’ isang museo ng mga ambag ng mga Tsino sa buhay ng mga Filipino at, ang ‘Chinben See Memorial Library.’

Sa tulong ng Kaisa bilang tagapaglimbag, nakasulat at nakapag-akda na si Ang See ng 19 na aklat at artikulo.

Nagtapos ng ‘Political Science’ sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) noong 1971, sa kasagsagan ng kilusang aktibismo sa hanay ng mga estudyante at kabataan, namulat ang mata ni Ang See sa maraming sakit ng lipunang Pilipino.

Malaki rin ang kanyang panghihinayang na dahil sa usaping panglipunan at ligal, nanatiling tagamasid lang ang henerasyon nila ng mga Tsinoy sa mga kaganapan sa bansa.

Sa unang bahagi ng Dekada ’90, si Ang See ang naging boses at mukha ng mga kawawang nabiktima ng mga malawakang insidente ng ‘kidnap-for-ransom’ na ang karamihang biktima ay galing sa komunidad ng mga Tsinoy; hinangaan at inirespeto si Ang See sa kanyang tapang at krusada laban sa kriminalidad, isang adbokasiya na ginagawa pa rin niya ngayon sa ilalim ng ‘Movement for the Restoration of Peace and Order’ (MRPO).

Bukod sa pamumuno sa MRPO, tagapayo rin si Ang See ng ‘Judicial Reforms Initiative’ (JRI) at ehekutibo sa ‘People’s Law Enforcement Board’ (PLEB) ng Lungsod ng Maynila.

Matapos magsimulang kumilos para sa mga reporma at pagbabago noong 1971, naabot na ni Ang See ngayong taon ang higit limang dekada o, kalahating siglo, bilang isang aktibista, edukador at tagapagtaguyod ng paglaban sa krimen at mga reporma sa sistema ng hustisya sa bansa.

Nabigyang parangal din si Ang See bilang ‘TOWNS awardee’ (Ten Outstanding Women in the Nation’s Service) at ‘Lifetime Volunteer’ awardee.

Noong 2005, isa si Ang See sa 1,000 kababaihan sa buong mundo na naging nominado sa prestihiyosong ‘Nobel Peace Award’ bilang pagkilala sa lahat ng kanyang mga nagawa at kontribusyon sa napakahabang panahon.

Matibay ang paniwala ni Ang See sa kredo ng Kaisa: “Maaari nga na dugong Tsino ang nanalaytay sa aming mga ugat subalit mahigpit kaming nakabigkis sa Pilipinas at sa mga Filipino.”

Para kay Ang See, ang buong buhay niya ay naka-alay sa pagbibigay sa mga Tsinoy ng kanilang nararapat na lugar sa lipunang Pilipino.

Major Contributions Category

Mr. Adolfo “Ado” Quizon Paglinawan

SI Adolfo Quizon Paglinawan ay isang mamamahayag, intelektuwal, akademiko, negosyante at dating diplomador na mas kilala bilang si “Ado.”

Nakumpleto ni Ado ang kanyang edukasyon simula elementarya hanggang sa kolehiyo sa ‘San Beda College’ sa Maynila, kung saan din tinapos ni Pang. Rodrigo Duterte ang kanyang kuso sa abugasya. Kasalukuyan namang tinatapos ni Ado ang kanyang ‘Master’s Degree in Journalism and International Diplomacy’ sa Lyceum of the Philippines.

Kumuha rin ng pag-aaral si Ado sa ‘Information Technology’ sa USDA Graduate School, ‘International Public Relations’ sa George Washington University at, ‘Islamology’ sa Georgetown University.

Mula 1986 hanggang 1993, nagsilbi si Ado bilang ‘Press Attaché at tagapagsalita ng Embahada ng Pilipinas sa Washington; pansamantalang bumalik sa Pilipinas si Ado noong 1987 upang tumulong sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at Moro National Liberation Front (MNLF) at Cordillera People’s Liberation Army (CPLA). Parehong naging matagumpay ang mga nasabing negosasyon.

Itinalaga ng APCU si Ado bilang ‘Ambassador of Goodwill’ dahil sa kanyang partisipasyon sa mga debate hinggil sa mga isyung may kinalaman sa ‘South China Sea/West Philippine Sea’ (SCS/WPS). Isa si Ado sa nagbulgar sa pagtatangka ng mga oligarko sa Pilipinas na makopo ang nakaimbak na mga langis at gas sa ‘Reed Bank (Recto Reef) noong 2011 ang ang palpak na paghawak ng Pilipinas sa relasyon nito sa Tsina na nagresulta sa ‘Scarborough Standoff’ noong 2012 na nagresulta sa pagsasampa ng reklamo ng rehimeng Aquino sa ‘Permanent Court of Arbitration’ sa The Hague, laban sa Tsina.

Matapang din na hinarap at nakipagdebate si Ado sa ‘US Pinoys for Good Governance,’ isang grupo ng mga Filipino sa Estados Unidos sa pangunguna ni Loida Nicolas, sa Oxon Hill, Metro Washington, nang maglunsad ang grupo ni Nicolas ng isang kampanya upang pasamain ang imahe at magalit ang mga ‘Fil-Ams’ sa Tsina.

Sapul noon, hindi na bumitaw si Ado sa mga isyung may kinalaman sa SCS/WPS sa kanyang mga panayam at artikulo. Kasama si Arnedo Valera ng ‘Migrants Heritage Commission,’ itinayo nila ang ‘US Pinoys for Real Change,’ isang kilusan sa Washington DC na naglalayong magbigay ng alternatibong pananaw sa harap ng malawakang kampanyang disimpormasyon laban sa Tsina sa hanay ng mga Fil-Ams.

Sa ngayon ay patuloy na inspirasyon si Ado sa mga Filipono sa paghahanap ng makatotohanan at may batayang pananaw sa mga isyung may kinalaman sa kanila at sa kanilang lipunan.

Mario Leonardo Emilio O. Aportadera, Doktor, Abogado

SI Mario Leonardo Emilio O. Aportadera ay isang isang kahanga-hangang ‘Tsinoy’ na bukod sa pagiging doktor ay isa ring abogado. Siya ay kasalukuyang kasapi sa pakultad ng ‘College of Liberal Arts and Sciences,’ University of San Agustin, Iloilo.

Bilang manggagamot, nagtuturo si Aportadera ng mga kurso sa ‘BS Biology’ katulad ng ‘Human Anatomy and Parasitology’ at bilang isang abogado, naguturo naman siya ng mga kursong ‘International Law,’ ‘Political Theories’ at, ‘Introduction to Law.’

Ang kanyang ina ay isang Tsinay habang Filipino naman ang kanyang ama.

Sa kasalukuyan ay ‘general practitioner’ din sa medisina at batas si Aportadera sa Iloilo.

Nagtapos bilang ‘Summa Cum Laude’ si Aportadera ng kursong ‘B.S in Biology’ sa University of San Agustin – Iloilo, ang unibersidad kung saan siya nagtuturo ngayon.

May talento sa pagsusulat, nagsilbi rin siya bilang punong patnugot ng ‘The Augustinian Mirror Magazine.’

Bukod dito, sa nasabing unibersidad na rin tinapos ni Aportadera ang kanyang kurso sa abugasya (Bachelors of Laws) at naglingkod bilang punong patnugot ng ‘Augustinian Law Gazette.’

Nakumpleto naman niya ang kursong medisina sa University of Sto. Tomas kung saan nagawaran din siya noong 1986 ng parangal bilang ‘Thomasian Poet of the Year’ ng USTETIKA Literary Awards.

Matapos ito, dalawang buwan ang inilagi ni Aportadera sa Japan (Mayo hanggang Hunyo) bilang bahagi ng delegasyon sa ‘Japan International Cooperation Agency’s Friendship Programme for the 21st Century.’

Para sa kanyang ‘post graduate internship’ ay pumasok si Aportadera sa ‘Manila Doctors’ Hospital’ kung saan nagsilbi rin siya bilang pangulo ng ‘MDH Post-Graduate Interns Organization.’

Sa kanyang artikulo na unang lumabas noong 2016 na pinamagatang “Balance Sheets Do Not Define Friendship,” tinalakay ni Aportadera ang hindi parehas na pagbabalita ng midya hinggil sa relasyong pangkalakalan at pangkabuhayaan ng Tsina at Pilipinas.

Sumulat din si Aportadera ng mga artikulong may kinalaman sa mga isyung bumabalot sa ‘South China Sea/West Philippine Sea’ (SCS/WPS) kung saan masinop niyang ipinaliwanag ang mga ito, kasabay ng paghimok sa mga Filipino at mga Tsino na maging bukas ang isipan sa pagharap sa isang kumplikadong isyu katulad ng SCS/WPS.

Noong 2017, isinulat at inilimbag din ni Aportadera ang “Mama Had a Knack for Story-Telling” kung saan ibinahagi niya ang mga kuwento ng kanyang mahal na ina kung ano ang buhay ng mga Tsino at paano sila mag-isip.

Ang kanyang pagpupunyagi na maisulong ang relasyon ng Pilipinas at Tsina hanggang sa pinakamababang antas ng lipunan ay makikita sa kanyang mga obserbasyon at pagbatikos sa mga baluktot na pag-uulat ng midya hinggil sa relasyon ng dalawang bansa.

Professor Jaime A. FlorCruz

SI Prof. Jaime “Jimi” A. FlorCruz ay isa sa mga estudyanteng aktibista na “naipit” sa Tsina, kasama si Amb. Chito Santo Romana, matapos ang deklarasyon ng batas militar noong 1972 at piniling manatili na lang doon at maging isang mamamahayag.

Si FlorCruz ang taga-ulat at ‘Beijing Bureau Chief’ ng ‘CNN’ mula 2001 hanggang 2014. Siya rin ang taga-ulat at ‘Beijing Bureau Chief’ ng ‘TIME Magazine’ mula 1990 hanggang 2000. Bago ito, taong 1981, si FlorCruz din ang taga-ulat mula sa Beijing para sa ‘Newsweek Magazine.’

Regular din na nagpapadala ng mga artikulo si FlorCruz para sa CNN.com kung saan sa kanyang regular na espasyong ‘Jaime’s China’ ay nagbibibigay siya ng kanyang obserbasyon at opinyon hinggil sa lipunan at pulitika sa Tsina.

Si FlorCruz ang itinuturing na “dekano” ng mga dayuhang mamamahayag sa Beijing, dahil na rin sa tagal ng inilagi niya sa Tsina bilang mamamahayag.

Dalawang beses siyang naging pangulo ng ‘Foreign Correspondents’ Club of China’ na may higit 400 miyembro, noong 1988 hanggang 1990 at, 1996 hanggang 1999. Pormal siyang nagretiro sa pamamahayag noong 2015 at sa higit tatlong dekada, walang malalaki at mga importanteng pangyayari sa Tsina na hindi naiulat ni FlorCruz.

Taong 2017, inihalal si FlorCruz bilang ‘Vice Chairman’ ng ‘Peking University Alumni Association,’ ang kauna-unahang dayuhan na nahalal sa nasabing posisyon.

Sa kasalukuyan, si FlorCruz ay isang ‘Visiting Professor’ sa ‘Peking University’ at pangulo ng ‘Peking University Overseas Students’ Alumni Association’ sapul pa noong 2012.

Tatlong beses naging ‘China Chairman’ para sa ‘Fortune Global Forum’ si FlorCruz, isang prestihiyosong pagpupulong ng mga lider sa negosyo at pulitika na ginanap sa mga sumusunod na lugar—sa Beijing noong 2005; sacChengdu, Sichuan Province, 2013; at, sa Guangzhou noong 2017.

Bago tumulak papuntang Tsina, nagtapos si FlorCruz, “Jimi” sa mga kaibigan at kakilala, ng ‘Bachelor of Arts’ (Advertising) sa Polytechnic University of the Philippines (PUP). Sa Tsina, nagtrabaho muna si Jimi noong 1972 sa isang ‘state farm’ sa Hunan, kung saan isinilang si Chairman Mao Zedong; sumunod na taon hanggang 1974, nagtrabaho naman si Jimi sa lalawigan ng Shandong.

Taong 1976 nang matapos ni Jimi ang pormal niyang pag-aaral ng ‘Mandarin’ at ang pagiging dalubhasa naman sa kasaysayan ng Tsina (Bachelor of Arts, Chinese History) noong 1982.

Dalawang beses isang linggo, nagturo si Jimi ng lengguwaheng ‘English’ sa mga propesor sa Peking University noong 1978 at sa mga estudyante ng ‘Peking Normal College’ mula 1979 hanggang 1981.

Bukod, dito, lumalabas din sa telebisyon si Jimi kung saan nagtuturo siya ng mga kanta sa Ingles sa programang ‘Let’s Sing.’

Noong 2000, napili si FlorCruz para sa ‘Edward R. Morrow Press Fellow’ ng ‘Council on Foreign Relations’ sa New York. Siya ang kauna-unahang dayuhang mamamahayag na nabigyan ng prestihiyosong ‘fellowship.’

Si Jimi ang ‘co-author’ ng “Massacre at Beijing” (inilimbag ng Warner Books noong 1989). Ang aklat ay hinggil sa mga naging pangyayari sa ‘Tiananmen Square’ sa nasabing taon.

Si Jimi rin ang may akda ng “Not On Our Watch,” isang aklat hinggil sa mga estudyanteng mamamahayag sa panahon ng batas militar na inilimbag noong 2012.

Si Jimi ay bihasa sa Filipino, English at Mandarin Chinese.

John Nicolo Fredrik Fernandez

SI John Nicolo Fredrik Fernandez ay kilala rin bilang si “Teacher John Lucas” at “That Crazy Fun Teacher” at ‘51Talk Teacher Brand Ambassador’ na higit nang 3 taon ngayong napapanood sa ‘multi-media.’

Gumagawa rin siya ng mga produksyon hinggil sa kultura ng Tsina at mga produksyon na katulong ang kanyang mga estudyanteng Tsino. Kilalang-kilala sa Tsina si Fernandez at ang kanyang ‘BILIBILI Channel’ ay regular na sinusubaybayan ng libo-libong tao.

Nagtapos si Fernandez noong 2009 ng ‘Bachelor of Arts in Multimedia Arts’ sa De La Salle – College of Saint Benilde. Bago napasok sa 51Talk, humawak si Fernandez ng iba’t-ibang posisyon na may kinalaman sa ‘Visual Art’ at ‘Multi-Media:’

Visual Effects Artist for Creative Media and Film Society, mula 2009 hanggang 2011’ Graphics and Design Manager, Geenger Communications Inc., mula 2011 hanggang 2012; Motion Graphic Artist, AARKI, mula 2012 hanggang 2013; at, Videographer/ Post-Production Editor, Prodigy Ace Multimedia, mula Abril 2012 hanggang Nobyembre 2013.

Si Fernandez ang direktor ng JNF Studios simula 2013 hanggang sa kasalukuyan.

Nagbibigay din ng mga propesyunal na pagsasanay at nagtururo rin ng ‘visual art’ at ‘multi-media’ si Fernandez katulad nang: 3-araw na pagsasanay para sa ‘animation and visual effects’ para sa TEAM Pacific Corporation noong 2014; 5-araw na pagsasanay sa Animation and Visual Effects para sa The Global Filipino Investors noong 2015 at naging ‘resource speaker’ noong 2016 para sa Arts and Design Career Pathways ng De La Salle Santiago Zobel School.

Madalas na bumisita sa Tsina si Fernandez sapul pa noong 2019. Sa isa sa kanyang mga pagbisita, lumahok sa ‘SINA 5-Star Teachers Competition ang grupo ni Fernandez kung saan napagwagian nila ang ‘5-Star Teaching Award’ dahil na rin sa kakaiba at nakakaaliw na estilo ng kanyang pagtuturo na nakatuon sa ‘student-centered approach.’

Sa ngayon ay may malaking bilang na tagasubaybay si Fernandez sa social media kung saan malimit niyang ibahagi ang kultura ng Tsina.

Dahil sa kanyang kakaibang estilo, isa siya sa mga tinaguriang ‘online sensation’ sa Tsina.

Leave A Reply