Banner Before Header

‘Plunder-tainted’ official, gustong bumalik sa gobyerno

Malakanyang dapat umanong “mag-ingat”

0 257
“PINAG-IINGAT” ang Palasyo ng Malakanyang sa kumakalat na balitang gustong makabalik sa gobyerno ang isang dating mataas na opisyal ng ‘Home Guarantee Corporation’ (HGC) na nakaladkad na sa Ombudsman sa kasong pandarambong sa termino ni Pang. Noynoy Aquino at inalis naman sa HGC pagpasok ng administrasyong Duterte.

Ayon sa mga impormante sa industriya, “tinatarget” ngayon ni ex-Rizal 1st district representative at ex-HGC president, Manuel Sanchez, na maitalaga ni Pang. Bongbong Marcos bilang pangulo ng ‘Philippine Guarantee Corporation’ (Philguarantee) na kasalukuyang hawak ni Alberto Pascual bilang pangulo at chief executive officer CEO).

Napuwesto si Sanchez sa HGC noong Setyembre 2010, sa termino ni Pang. Noynoy Aquino, matapos namang matalaga bilang ‘undersecretary’ sa DILG at DENR at administrador sa Laguna Lake Development Authority (LLDA) sa administrasyon ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo.

Nahalal namang kongresista ng Rizal si Sanchez noong 1992 matapos ang matagal na pananatili sa Estados Unidos kung saan nakuwestyon din ang kanyang Filipino citizenship.

Noong 2014, hawak ang mga ebidensiya at mga ulat ng Commission on Audit (COA) sinampahan ni Atty. Alan Paguia sa Ombudsman ng mga kasong pandarambong (plunder) at katiwalian si Sanchez at ang pinalitan nito sa puwesto na si Gonzalo Bongolan.

Ani Paguia, na pumanaw noong 2015, dapat sisihin sina Sanchez at Bongolan sa pagkakalubog  ng HGC sa dambuhalang utang na umabot sa higit P12.771 bilyon noong 2011 sa termino ni Sanchez mula sa P9.8 bilyon utang na iniwan ni Bolongan.

Sa mga nakaraang ulat ng media, inireklamo rin si Sanchez ng mga kawani ng HGC ng pagbili ng mga ‘luxury vehicles’ sa kabila ng patuloy na pagkalugi ng HGC. Inakusahan din si Sanchez ng pagbili, sa murang halaga at para sa kanyang personal na interes, ng mga mamahaling ‘work of arts’ na aabot sa daan-daang milyon ang halaga na pawang pag-aari ng HGC katulad ng mga “obra” ni National Artist Jose Joya.

Ang patuloy na pagkalugi ng HGC sa termino ni Sanchez ang isa sa mga dahilan sa desisyon ni Pang. Duterte na lusawin na lang ang HGC noong 2018 at ipaalim ang operasyon nito sa Philguarantee bilang ‘attached agency’ ng Department of Finance (DOF) sa bisa ng Executive Order 58.

Mula naman sa pagkakalugi sa ilalim ni Sanchez, iniulat ng Philguarantee na noong 2020, umabot sa higit P241 bilyon ang hawak nitong mga ari-arian at pondo habang tumaas naman sa higit P1.37 bilyon ang kinita nito noong 2021.

Sa rekord naman ng Kongreso, binantaan ni noon ay House Special Sub-committee on Housing chairman, Rep. Rodel Batocabe na “ipakukulong” si Sanchez matapos tumangging dumalo sa mga unang pagdinig ng komite hinggil sa mga umano’y “midnight deals” ng HGC sa mga ari-arian na nasa kontrol nito kahit pa may mga nangyayaring negosasyon para sa mga ito.

Noong isang linggo, lumabas sa isang pahayagan na si Sanchez ang “nag-aabugado” sa isang Chinese company sa Zambales na inakusahan ng iligal na pagmimina sa probinsiya habang ang asawa niyang si Rowena ang sinasabing nasa likod ng palpak na desisyon ng Palasyo na baligtarin ang utos ng DENR noon pang 2021 na nagbabawal sa patuloy na operasyon ng nasabing kumpanya dahil sa mga paglabag sa batas.

Leave A Reply