Protesta sa eleksyon, ‘ginagatungan’ pa ni VP Leni Robredo
Ayaw mag-concede, supporters pinaghahanda upang labanan ang bagong administrasyon
MISTULANG “ginagatungan” pa ni Vice President Leni Robredo ang sumiklab na mga kilos-protesta sa naging resulta ng halalan kung saan lumalabas na tinambakan siya ni dating senador Ferdinand ‘Bongbong/BBM’ Marcos Jr. sa boto sa pagkapangulo matapos tumangging ‘mag-concede’ sa kanyang pagkatalo at sa halip ay sinang-ayunan pa ang propaganda ng Communist Party of the Philippines (CPP) na may nangyaring dayaan kaya siya tinalo ni Marcos.
Pasado alas-2 ng madaling araw nitong Martes, Mayo 10, 2022, ilang oras matapos magsara ang mga presinto at magsimulang lumabas ang bilang ng mga boto kung saan lumamang agad sa kanyang ng higit 100 porsiyento si Marcos, naglabas ng pahayag si Robredo kung saan sinabi nitong ang “pagkadismaya” ng kanyang kampo sa naging resulta ay “maaring lalong kumulo” o magdulot ng kaguluhan dahil sa mga ulat ng “iregularidad” sa itinakbo ng halalan.
“Alam kong hindi madaling tanggapin sa inyo ang mga numerong lumalabas sa quick count.
“Hindi lang panghihinayang, kundi malinaw na pagkadismaya ang nararamdaman ng ating hanay.
“Mulat din ako: Ang pagkadismayang ito, maaaring lalong kumulo, lalo pa dahil may naiulat na irregularities sa halalang ito,” ani Robredo.
Ang mistulang panghihikayat ni Robredo na huwag tanggapin ng publiko ang kanyang pagkatalo dahil sa bintang na dayaan ay agaran namang tinugunan ng mga galamay ng CPP na agad nanawagan ng mga kilos-protesta upang kondenahin ang umano’y nangyaring dayaan na isinagawa umano ng Commission on Elections (COMELEC) at administrasyon ni Pang. Duterte.
Sa isinagawang demonstrasyon nitong Martes sa tanggapan ng COMELEC sa Intramuros, Manila, makikitang pinamunuan ito ng mga komunistang grupo na lahat ay sumuporta sa kandidatura ni Robredo, batay na rin sa talima ng mga opisyal nito at ni CPP founder, Jose Maria Sison.
Sa inilabas na video ni Sison noong isang buwan, tahasan itong nagpahayag ng suporta kay Robredo at sa kanyang running mate na si Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan.
Bilang bahagi ng suporta ng CPP at mga prenteng organisasyon nito kay Robredo at Pangilinan, noon pang buwan ng Pebrero ay naglabas na ng kautusan si Sison na agarang guluhin ang bansa sakaling manalo si Marcos bilang pangulo.
Plano ng CPP na sapilitang iluklok si Robredo bilang presidente kahit natalo pa ito sa halalan (tingnan ang kaugnay na artikulo sa isyung ito).
Sa kanya pa ring pahayag, mistulang pinaghahanda na rin ni Robredo ang kanyang mga taga-suporta (na karamihan ay mga aktbista ng CPP) sa pangmatagalang paglaban sa papasok na administrasyon ni BBM at Davao City mayor, Sara Duterte.
“Maging panatag sa inyong ambag: May nasimulan tayong hindi pa kailanman nasasaksihan sa buong kasaysayan ng bansa. Isang kampanyang pinamunuan ng taumbayan. Isang kilusang nabuo hindi lang para baklasin ang luma at bulok na sistema, kundi para magpanday ng totoo at positibong pagbabago…
“Kaya sinasabi ko sa inyo ngayon: Walang nasayang; hindi tayo nabigo. Pinakamahalaga: Hindi pa tayo tapos. Nagsisimula pa lang tayo. May landas na nagbukas, at hindi ito sasara kasabay ng mga presinto; may kilusang isinilang, at hindi ito papanaw sa pagtatapos ng bilangan.
“Ang namulat, di na muling mapipikit. Hindi natin kailanman hahayaang makatulog muli ang pag-asang nagising.”
“Wala akong planong abandonahin ang mga bagay na habambuhay ko nang ipinaglalaban, ayon pasa bise-presidente.
“Tuloy ang trabaho ko para iangat ang buhay ng mga nasa laylayan. Tinatawag ko kayong samahan ako dito, at sa iba pang mga laban.
“Tandaan natin: Nangyayari ang halalan kada tatlong taon. Sa pagitan nito, asahan na ninyo na marami tayong kakailanganing ipaglaban,” aniya pa.
Sa halip din na manawagan ng pagkakaisa ngayong tapos na ang eleksyon, idiniin ni Robredo sa kanyang kampo na “huwag kayong bibitaw.”
“Maaaring hindi ngayon, maaaring hindi bukas o sa makalawa o sa susunod na taon, pero may liwanag pa ring nag-aabang basta’t handa tayong magsikap na abutin ito,” bilang pahiwatig na sa halip na tunay na pagkakaisa, pamununuan ni Robredo ang oposisyon laban sa bagong administrasyon.