Banner Before Header

Rep. Arlene Brosas, Makabayan, muling ‘sinopla’ ni Sec. Año

1,406 ‘barangay-beneficiaries’ ng ‘BDP’ hindi “imbento”

0 344
MULING nakatikim ng maanghang na pasaring kay Department of Interior and Local Government (DILG) secretary, Eduardo M. Año, si Makabayan Bloc/Gabriela partylist Rep. Arlene Brosas, matapos “buhayin” ng mambabatas ang bintang ng mga komunista at mga kaalyado nila sa Senado na gagamitin sa eleksisyon sa susunod na taon ang hirit na badyet ng ‘National Task Force to End Local Communist Armed Conflict’ (NTF-ELCAC) na aabot sa P28.1 bilyon.

Sa ginawang pagdinig ng Kongreso noong isang linggo, nilinaw din ng kalihim na “Hindi gawa-gawa at walang hokus-pokus sa pagpili ng mga barangay na kasama sa BDP (Barangay Development Program) at sa pagtukoy ng mga projects para dito.

“Ang lahat ng BDP projects na nasa listahan ay lehitimo, dinaan sa konsultasyon at pinili mismo ng mga residente base sa kanilang pangangailangan. Ilang beses ang validation.”

Para sa 2022, iminungkahi ng DILG na isama sa mga benepisyaryo ang may 1,406 barangay sa buong bansa na mga dating balwarte ng teroristang Partido Komunista ng Pilipinas – Bagong Hukbong Bayan (CPP-NPA). Ang mga barangay ay nasa ilalim ng hurisdiksyon ng DILG.

Tinangka namang muling lagyan ng intriga ni Brosas at mga kapanalig niya sa ‘Makabayan Bloc’ sa Kongreso ang panukala, matapos kuwestyunin ni Brosas ang proseso ng gobyerno sa pagtukoy ng mga barangay na “nalinis” na (‘cleared’) sa impluwensiya at presensiya ng mga teroristang grupo.

Noon pang 1987, mismong si CPP founder, Jose Maria Sison, sa panayam ng ‘international media’ sa Europa ang nagkumpirma na ang mga organisasyon sa ilalim ng Makabayan Bloc katulad ng Gabriela at Bayan Muna ay ang bumubuo ng ‘legal democratic forces’ ng CPP sa Pilipinas.

Kasalukuyan namang may nakahaing petisyon sa Commission on Election (Comelec) upang alisin na sa listahan ng mga ligal na ‘partylist groups’ ang Gabriela dahil sa pagtanggap ng dayuhang pondo, na isang paglabag sa Saligang Batas at sa ‘Omnibus Election Code.’

May isinumite ring mga testimonya ang mga dating kasapi at opisyal ng CPP bilang patunay na isa ngang ‘CPP-front organization’ ang Gabriela.

“Hindi namin pinulot na lamang mula sa hangin ang mga benepisyaryong mga barangay na kasama sa BDP.

“Lahat ng mga barangay na dati ay nasa ilalim ng impluwensya ng mga CTGs (communist terrorist groups) ay dumaan sa mahabang proseso, kasama mismo ang mga barangay at local officials at iba’t ibang sektor sa pamayanan bago pa man sila maisama sa listahan ng BDP beneficiaries,” dagdag pa ni Sec. Año.

Sa panukalang listahan, sinabi pa ng kalihim na kasama sa mga benepisyaryo ay ang mga malalayong barangay sa Bicol, Eastern Visayas, at Caraga kung saan aktibo pa rin ang operasyon ng CPP-NPA-NDF (National Democratic Front).

Sa kasalukyang taon, may 882 barangay na dating kontrolado ng mga terorista ang nakinabang na sa BDP na may pondong P16.44 bilyon.

Ang mga kasapi ng ‘Makabayan Bloc’ sa Kongreso na wala nang ginawa kundi batikusin ang gobyerno. Ikalawa mula sa kanan si Gabriela Rep. Arlene Brosas. Noong pang 1987, inamin na ni CPP founder, Jose Maria Sison, na ang mga organisasyon sa ilalim ng MB ang bumubuo ng mga ‘ligal na demokratikong puwersa’ ng CPP sa Pilipinas (stock photo).

Muling paliwanag ng kalihim, dumadaan sa tatlong magkakaibang proseso ang ginagawang balidasyon ng gobyerno upang matiyak na nakahulagpos na ang mga barangay sa kontrol ng mga komunista bago mabigyan ng mga tulong at ayuda.

Aniya pa, ang mga lider at residente mismo ng mga komunidad ang pumili ng mga proyekto batay sa kanilang partikular na pangangailangan.

“Lumang isyu” na rin aniya, ang hirit ni Brosas at mga kapanalig nito na ‘election budget’ ang hinihingi ng NTF-ELCAC at DILG na ayon pa sa grupo ay isang porma ng “panunuhol” sa mga LGUs (local government units) upang suportahan ang mga kandidato ng administrasyon sa eleksyon sa susunod na taon.

“Lumang isyu na ito na nasagot na noong nakaraang taon na binubuhay ulit nila ngayon. Naipaliwanag na sa kanila na hindi ito pang-eleksyon dahil direktang ibinababa ang pondo sa mga LGUs na nagpapatupad ng programa,” anang kalihim.

Sa bukod na pahayag noong Agosto, una nagpahayag ng pagkamangha si Sec. Año sa paghahain ng resolusyon ng Makabayan Bloc upang imbestigahan ang DILG sa isyu ng paggastos ng pondo ng NTF-ELCAC sa ilalim ng BDP na nasa pangangalaga ng departamento.

Anang kalihim, nakapagtataka na gustong imbestigahan ng Makabayan ang DILG samantalang ang Kongreso—kung saan kasapi ang Makabayan Bloc— ang nag-apruba ng nasabing pondo (What fund transfer, DILG asked ‘Commie’ lawmakers; Pinoy Exposé Issue No. 32/33).

Bilang pagsusog sa paliwanag ni Año, sinabi naman ni DILG spokesman, Undersecretary Jonathan Malaya, na ang pondo ng BDP ay para sa mga nasa malalayong lugar at mahihirap na barangay na hindi pa nakararanas ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno katulad ng mga kalsada, patubig, at kuryente.

Ang ganitong sitwasyon, ayon pa kay Malaya, ang patuloy na hindi binibigyang-pansin ng mga nabubuhay sa mga siyudad at sa mga sentro ng ekonomiya.

Ipinaliwanag ni Malaya na ang P16.44-bilyong pondo para sa taong kasalukuyan ay nagpondo sa 2,283 SBDP projects kung saan 1,995 dito ay mga ‘infrastructure projects’ na nagkakahalaga ng P15.86-bilyon. Kabilang sa mga ito ay ang mga farm-to-market roads, health stations, school buildings, water supply at sanitation, rural electrification, reconstruction, rehabilitation, repair at pabahay.

Ang natitirang 288 na ‘non-infrastructure projects’ na nagkakahalaga ng P419.997 milyon ay tumustos naman sa sa mga programa para sa agrikultura, pagsasanay, mga programang pangkabuhayan at mga programang may kinalaman sa pagtugon sa pandemya ng COVID-19.

Leave A Reply