‘Sar-Go’ itinutulak ni Pang. Rody sa 2022!
Tatakbuhan ni ‘BBM’ di pa rin malinaw
ANG tambalang ‘Sara Duterte – Bong Go’ o ‘SarGo’ ang itinutulak ni Pang. Rodrigo Duterte bilang opisyal na tiket ng administrasyon sa halalan sa Mayo 9, 2022, matapos niyang sabihin ang kanyang paniniwala na tatakbong pangulo ng bansa ang kanyang anak na si Davao City mayor, Sara Duterte.
Nang tanungin ng midya noong Sabado, Oktubre 2, 2022, kung “malinaw” na ang tambalang Duterte – Go, sinabi ng Pangulo na “Sara-Go” ang magiging tiket ng administrasyon.
Ang maikling panayam at sagot ng Pangulo ay matapos niyang samahan si Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go sa pagfile ng huli ng kanyang ‘COC’ (certificate of candidacy) bilang bise-presidente, sa ilalim ng PDP-Laban, sa Commission on Elections (Comelec) sa Sofitel Philippine Plaza, sakop ng Philippine International Convention Center (PICC) complex.
Ang pagtitiyak ng Pangulo ay sa kabila ng pormal na paghahain din ni Mayor Sara ng kanyang kandidatura bilang alkalde ng Davao City sa nasabi ring araw sa Davao City, para sa kanyang ikatlo at huling termino.
Una nang inindorso ng PDP-Laban si Go bilang opisyal nitong kandidato sa pagkapangulo, ka-tandem si Pang. Duterte subalit mariin—at ilang beses nang tinanggihan– ni Go ang alok.
At bagaman una nang nagdesisyon si Pang. Duterte na tumakbong bise-presidente, isinantabi niya ito noong Sabado bilang “pagsunod,” aniya, sa kagustuhan ng mga Pilipino.
Sa inilabas na survey ng ‘Social Weather Station’ (SWS), lumabas na 60 porsiyento ang nagsabi na “lalabagin” ni Pang. Duterte ang “intensyon” ng Saligang Batas na nagbabawal sa Pangulo ng bansa na muling tumakbo sa susunod na eleksyon. Ang tanong ng SWS ay walang batayang ligal.
Bagaman isinagawa noon pang Hunyo 23 hanggang Hunyo 26, 2021, inilabas lang ng SWS noon lang Setyembre 27, 2021 ang resulta, matapos magdeklara si Pang. Duterte na muling tatakbo bilang ikalawang pangulo ng bansa.
Sa kanya pa ring talumpati noong Sabado, inihayag ni Pang. Duterte ang kanyang “pagreretiro” sa pulitika pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30, 2022.
Matapos namang kumalat ang balita hinggil sa ‘SarGo tandem’ sa 2022, tumanggi namang magbigay ng pahayag ang kampo ni Mayora Duterte.
Ayon naman kay Go, tinanggap niya ang “hamon” bilang kandidatong bise-presidente, kasabay ng pagtitiyak na siya ay magiging isang ‘working vice president.’
“Kung papalarin ako at bibigyan ng pagkakataon ng mga kapwa ko Pilipino, at sa pagpatnubay ng ating Panginoon, I will be a working Vice President na gagawin ang lahat ng aking makakaya para makapagsilbi sa inyo.
“Hindi ako magiging spare tire o reserba lamang. Asahan ninyo na ako ay totoong magtatrabaho — hindi lang sa salita, kundi sa gawa.
“Una sa lahat, walang tigil dapat ang kampanya natin kontra iligal na droga, korapsyon, at kriminalidad.
“Ang taumbayan na ang humusga kung mas ligtas ba ngayon ang mga anak nila at walang pangamba dahil sa mga kriminal at adik,” pahayag pa ni Go.
Ano ang tatakbuhan ni BBM?
Noon namang Lunes, Oktubre 4, 2021, pormal na ring naghain ng kanilang COC si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso bilang pangulo at ang kanyang ka-tandem na si Dr. Willie Ong sa ilalim ng ‘Aksyon Democratiko.’
Sa mga tatakbong pangulo, pinakauna na nagfile ng COC si Sen. Manny Pacquiao at ang kanyang katandem na si Buhay Partylist representative at dating alkalde ng Maynila, Rep. Lito Atienza. Nag-file ang dalawa ng kanilang COC noong Oktubre 1, 2021.
Matapos ito, agarang sinipa si Pacquiao bilang miyembro ng PDP-Laban na ngayin ay nahahati sa paksyong Duterte/Cusi at Pacquiao/Pimentel.
Inaasahan din na sa nalolooban ng linggong kasalukuyan, magpa-file na rin ng kanilang COC ang tandem nina Sen. Panfilo Lacson at Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto sa ilalim ng Nationalist People’s Coalition.
Samantala, wala pa ring linaw kung anong posisyon ang tatakbuhan ni dating senador, Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos habang wala pa ring linaw kung may mabubuong tiket ang ‘1Sambayan,’ ang grupo ng oposisyon na binubuo ng Liberal Party (LP), mga dating opisyales ng administrasyong Aquino at mga kaalyado nila sa Partido Komunista ng Pilipinas (CPP).
Bagaman miyembro ng Nacionalista Party, si Marcos ang inindorso bilang kandidatong pangulo ng ‘Partido Federal ng Pilipinas’ at ‘Kilusang Bagong Lipunan’ (KBL), ang partido na itinayo ng kanyang ama, si dating pangulo, Ferdinand Edralin Marcos.
Ang paghahain ng kandidatura sa mga posisyong lokal at nasyunal ay simula Oktubre 1 hanggang Oktubre 8, 2021.
Ang pagpapalit naman ng mga nominasyon ay hanggang Nobyembre 15, 2021, kung saan magiging pinal na ang listahan ng mga kandidato na iboboto sa 2022.