HINDI kayang patigilin nang kahit pandemya ang pamamayagpag ng mga pasugalan sa National Capital Region, partikular na ang “online sabong” ni alias “Tong-A” na nakabase sa Lungsod ng Maynila.
Ayon sa mga impormante, muling “nangagalap” ng mga “teller” ang grupo ni Tong-A na siyang kukuha ng mga taya ng mga mahihilig sa sugal sa kabila ng istriktong kautusan ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 (IATF) na nagbabawal sa ano mang uri ng sugal at ‘mass gathering’ ngayong panahon ng pandemya.
Matatandaan na sa pagsisimula ng ‘Metro-wide lockdown’ noong Marso, pinangunahan pa ni Manila Mayor Isko Moreno ang paghuli sa ilang mga residente at mga opisyales ng barangay sa Caloocan City at pagsasampa ng kaso sa mga ito matapos “dumayo” pa sa Manila North Cemetery upang doon magsagawa ng iligal na sabong o o “tupada.”
“Nagpasadya” na umano ang grupo ni Tong-A ng sarili nitong ‘computerized betting system’ dahil sarado rin dahil sa pandemya ang mga “OTBs” (off-track betting stations) para sa karera ng kabayo at upang matiyak ang ambisyon ng kanyang grupo na masolo ang operasyon ng “online sabong” sa bansa sa tulong na rin ng kanyang malawak na koneksyon sa administrasyong Duterte.
Bago ang pandemya, sinabi pa ng mga impormante na si Tong-A rin ang nasa likod ng mga sunod-sunod na pagsalakay ng National Bureau of Investigation (NBI) at PNP-Criminal Investigation Group (CIDG) sa mga ‘online betting outlets’ sa buong Metro Manila ng isang grupo na kalaban niya sa kanyang iligal na sugal.
Ang online sabong ay iligal dahil wala itong permiso mula sa pamahalaan, hindi nagbabayad ng buwis at wala ring awtorisasyon mula sa mga local government units (LGUs).
Sa Quezon City, bukod sa online sabong, garapalan na rin umano ngayon ang operasyon ng ‘jueteng’ na umano’y “sabwatan” nang isang alias “Peryong” at kamag-anak ng isang mataas na opisyal sa Quezon City Hall.
Dahil sa lakas ng impluwensya sa lungsod, mistulang “nakagapos” na umano ang kamay ng mga tauhan ng Quezon City Police District laban sa operasyon ng ‘Perya ng Bayan’ na prente ng jueteng sa Kyusi.
Ang Perya ng Bayan na ‘isang numbers game’ katulad ng jueteng, ay proyekto ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) sa paniwalang ito ang makapagpapatigil sa jueteng.
Ngunit, sa halip na makatulong sa gobyerno, naging prente ng jueteng ang operasyon ng Perya ng Bayan.