Banner Before Header

4 kandidato maglalaban sa Cavite ‘special election’

0 174
INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na pormal nang nag-umpisa ngayong Enero 26, 2023, ang election period sa ika-7 distrito ng Cavite para sa nabakanteng posisyon na iniwan ni dating kinatawan Jesus Crispin “Boying” Remulla.

Nabakante ang posisyon matapos tanggapin ni Remulla ang alok ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maging kalihim ng Department of Justice (DOJ).

Simula ngayong araw ay ipatutupad ang gun ban kasabay ng pagtatayo ng mga checkpoint sa iba’t ibang lugar na nasasakupan ng gaganaping special election.

Bilang panimula, nagsagawa ang Provincial Comelec ng kick-off ceremony na pinangunahan ni Atty Mitzele Morales-Castro, kasama ang mga election officers ng Tanza, Amadeo, Indang at Trece Martires City, katuwang ang Provincial Police Director ng Cavite na si Col. Christopher Olazo at mga hepe ng pulisya ng mga nabanggit na bayan at lungsod.

Apat na kandidato ang nag-aasam sa binakanteng puwesto ng kalihim: dating Trece Martires City mayor Melencio de Sagun Jr., incumbent Cavite 7th District Board Member Crispin Diego Remulla, Jose Angelito Aguinaldo at Michael Angelo Santos.

Sinabi ng Comelec na lahat ng mga rehistradong botante mula sa mga bayan ng Amadeo, Indang at Tanza at lungsod ng Trece Martires ay maaring bumoto at makiisa sa nabanggit na special election na idaraos sa Pebrero 25.

Maaari na ring mangampanya ang mga kandidato sa susunod na 30 araw.

Ayon pa sa Comelec, maliban sa pagdadala ng baril at iba pang deadly weapons, mahigpit din ipinagbabawal ang pagpapalabas sa mga bilanggo bago at pagkatapos ng eleksyon; paggamit ng security personnel o bodyguards ng mga kandidato; pag-alter sa mga presinto; pananakot o pangha-harass sa mga election officials; paglilipat ng mga opisyal at kawani na nasa ilalim ng civil service kabilang ang mga mga public school teachers; pagsuspinde ng alinmang elective provincial, city, municipal o barangay officials; fund raising; at vote buying.

Hindi rin pinapahintulutan ang pagtanggal o pagsira ng mga election propaganda, pagbibigay ng mga donasyon ito man ay sa paraan ng cash o anumang bagay at pagkukumpuni o maintenance ng mga barangay-funded na mga kalsada o tulay.  ###

Leave A Reply