Banner Before Header

Suplay ng droga, tambak; 1 kilo shabu huli sa ‘street pusher’

0 143

PATULOY na malubha ang problema ng bansa sa iligal na droga matapos mahuli ng mga awtoridad ang 48-anyos na ‘street pusher’ sa Lungsod Quezon kung saan nakumpiska ang may 1 kilo ng shabu.

Sa pamamagitan ng pinagsanib na puwersa mula sa Philippine National Police Drug Enforcement Grouop (PNP-PDEG) Special Operations Unit, National Capital Region (SOU-NCR) sa pangunguna nina P/Capt. Camilo Fajardo at P/Capt. Ronaldo Ambatang, nahuli sa isinagawang ‘buy-bust operation’ si Rommel Siawinco Manalo, residente ng Sto. Cristo St., Bgy. Balingasa, Quezon City, gabi ng Oktubre 4, 2023.

Nakumpiska ng mga operatiba ng PDEG ang isang pirasong transparent plastic na naglalaman ng 100 gramo ng shabu. Isa pang piraso ng bahagyang nakabukas na transparent plastic na naglalaman ng 900 gramo ng shabu ang nakuha sa suspect para sa kabuuang 1 kilo ng shabu.

Tinatayang aabot sa P6.8 milyon ang halaga ng nakumpiskang iligal na droga kay Manalo.

Batay sa packaging ng nakumpiskang iligal na droga na yellow gold Chinese tea pack, malaki ang posibilidad na nanggaling ito sa kinatatakutang ‘Sam Gor Drug Syndicate,’ ang pinakamalaki at maimpluwensiyang sindikato ng iligal na droga sa buong mundo na nakabase sa Hongkong at Thailand.

Matatandaan na noon lang Setyembre 27, aabot sa 530-kilos ng shabu mula Thailand na nagkakahalaga ng higit P3.8 bilyon at hinihinalang ipinasok sa bansa ng Sam Gor ang nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) at National Bureau of Investigation (NBI) sa Port of Subic.

Ang pagkaaresto kay Manalo ay isang indikasyon sa sobrang suplay ng shabu sa bansa kung saan sa dating ‘tea bags’ na naglalaman ng wala pang isang gramo ng shabu, 1 kilo ng shabu ang nakuha sa mga katulad niyang street pusher.

Si Manalo ay kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEG at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang ‘Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002’ (dagdag na ulat at larawan ni Jimmy Mendoza).

Leave A Reply