MAGBIBIGAY ng bukod na tulong sa mga pamilya ng mga nasawi at sugatang sundalo at sibilyan sina Sen. Christopher Lawrence ‘Bong’ Go at Pang. Duterte matapos bumagsak ang isang C-130 military transport plane sa Patikul, Sulu, noong Linggo, Hulyo 4, 2021.
Ito ang tiniyak ng mambabatas sa isang pahayag kasabay ng panawagan sa mga Filipino na mag-alay ng panalangin para sa mga biktima.
Minalas na bumagsak ang eroplano ng militar matapos ‘mag-overshoot’ sa runway kung saan 52 na ang kumpirmadong patay habang 51 iba pa ang mga sugatan.
Kinumpirma rin ng mambabatas ang pagnanais ni Pang. Duterte na pumunta sa isla ng Sulu upang personal na alamin ang nangyari sa likod ng trahedya at dalawin ang mga nakaligtas na pasahero.
Hiniling naman ni Go na hintayin ang magiging resulta ng imbestigasyon sa dahilan ng pagbagsak ng C-130 at huwag nang pangunahan ang pagsisiyasat sa pangunguna ni Philippine Air Force Chief General Allan Paredes
Giit pa ni Go, dapat ding siyasatin ang lahat ‘air assets’ ng AFP upang matiyak na maiwasang maulit ang mga katulad na trahedya lalo at buhay ng mga sundalo ang nakataya.
Samantala, hindi naiwasang ibahagi ni Go na maging sila ni Pang. Duterte ay batid na mahirap ang ‘pag-landing’ sa Jolo airport batay sa kanilang personal na karanasan.
Bukod umano sa pagiging ‘one-way’ ang runway, malaking epekto rin aniya ang pabago-bagong direksyon ng hangin sa paglapag ng mga eroplano.