Duterte: Wala nang pera, pagkain, assistance
INANUNSYO ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Linggo ng gabi (Aug.3) na said na ang pera ng Pilipinas para ibigay bilang “financial assistance” sa mga mahihirap, lalo ngayong muling ipaiiral ang modified enhanced community qurantine (MECQ).
Ayon sa Pangulo, may natatabing pera ang bansa pero para lamang magamit sa pagdating ng mga “paambon-ambon” at hindi para sa “pag-ulan” o “bagyo”.
Sa kanyang televised address, sinabi ni Duterte na hindi na kakayanin ng gobyerno na pondohan ang food at financial assistance sa mga maaapektuhan ng lockdowns.
“I’m sorry Manila, ngayon magsabi kayo i-lockdown mo na ang Manila, ang ibang lugar, kahit Philippines, para talagang mahawa—wala ka nang mahawaan, wala ka nang mahawa,” ayon sa Pangulo.
“Problem is wala na tayong pera. I cannot give food anymore and money to people,” idinagdag niya.
Sa naturan din niyang pagsasalita, sinabi ng Pangulo na hindi dapat ikonsidera ang Pilipinas sa ibang bansa dahil wala na aniya tayong ipon.
“Unang una, wala nang makain. Iilan lang ang tao talaga na may savings for a rainy day, while our savings is just good for a drizzle,” anang Pangulo.
“Ambon lang, ibang preparation an for a typhoon. Hindi tayo mayaman,” dagdag pa niya.
Ngunit nitong Hulyo, sinabi ng Department of Finance (DOF) na ang hiram na pera ng bansa ay umabot na sa P1.22 trillion sa unang apat na buwan ng 2020.
Nangutang ang administration upang ipondo sa COVID-19 response at economic relief initiatives.
Noong Hunyo, sinabi naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na nakaseguro ang bansa ng tinatayang $5.758 billion utang para isuporta sa paglaban ng bansa sa coronavirus.
Batay naman sa huling datos ng Bureau of the Treasury (BTr), ang pambansang utang ng Pilipinas ay lumobo na sa record na P9.054 trillion “as of end-June”.
At nito lang nakaraang buwan, inilutang ni Duterte ang posibilidad na magbebenta siya ng Philippine assets para ipondo sa pagbili ng COVID-19 vaccines at kung mauubos na talaga ang salaping bayan.
“If there is a thing that develops which is really good for you, mauna ako. Mag-utang ako. Magpabili ako kung saan puwede magpabili ng lupa. Ibili ko ng medicine,” ani Duterte.
Gayunman, sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno na “nagbibiro” lang si Pangulong Duterte nang ilutang ang nasabing ideya. PEN