Banner Before Header

Biñan Konsi Cookie Yatco nagbabala sa “maruming estratehiya”

0 928
NAGBABALA sa publiko at sa mga kagawad ng media si Biñan City, Laguna, Councilor Jose Francisco ‘Cookie’ Yatco hinggil sa mga “maruming estratehiya” na ginagawa ng ilang grupo habang papalapit ang halalan.

Sa kanyang social media post sa kanyang Facebook account noong Oktubre 6, 2021, nagpaalala si Yatco na ang pulitika ay “napakaraming mukha” at marami ang “sinisira at ginagawan ng mga bagay na walang katotohanan.”

Inilabas ng konsehal ang babala matapos mabatid na isang reklamo ng paglabag sa RA 8353 (rape) ang isinampa sa kanya ng isang babae sa tanggapan ng pulisya noong Oktubre 5, 2021.

Batay sa police blotter ng Biñan Police Office, nangyari umano ang insidente noong Setyembre 5, 2021, sa loob ng sasakyan ni Yatco habang nakaparada ito sa Bgy. Mamplasan.

Nakipagkita umano ang biktima sa konsehal matapos alukin na gagawin siyang lider sa pagkampanya ni Yatco sa darating na halalan.

Hindi naman malinaw kung bakit umabot pa ng isang buwan bago nagdesisyon ang nagpakilalang biktima na magreklamo sa pulisya.

Bagaman hindi binanggit ni Yatco sa kanyang FB post ang reklamo, binansagan nitong “kasinungalingan” ang insidente.

“Maging ako bilang isang tao ay ‘di ko lubos maisip na may taong kayang gumawa ng ganyang kasinungalingan masunod lang ang gusto ng mga taong nais sirain ang malinis naming pangalan,” ani Yatco. “Ganyan na ba kadesperado ang mga tao ngayon,” tanong pa nito.

“Mabait akong tao at naging patas ako sa lahat ng bagay… Lagi pa ring ako naniniwala na daig ng mabuti ang masama kahit saan pa man makarating,” banggit pa ni Yatco.

Pormal na naghain si Yatco bilang kandidatong konsehal noong Oktubre 7. Muli namang tatakbo bilang alkalde ng Biñan ang kanyang kapatid na si Dona Yatco.

Leave A Reply