Labi ng Leyte NPA kumander, binigyan ng maayos na libing
MAAYOS at marangal na libing ang ibinigay ng militar sa bangkay ng isang kumander ng ‘New People’s Army’ (NPA) na una nang pinabayaang mamatay ng kanyang mga kasamahan sa mga tinamong sugat at pagkatapos ay ibinalot ng ‘plastic’ at kumot ang katawan at mabilisang inilibing.
Ayon kay BGen. Zosimo Oliveros, kumander ng 802nd Brigade, 8th Infantry Division, Philippine Army, nabigyan ng nararapat na libing si Eleazar Sabidalas, alias, “Sangay,” noong Abril 11, 2021.
Nahukay ang bangkay ni Sabidalas sa isang madamong lugar sa Sitio Kapitungan, Bgy. Libo, Carigara, Leyte, nang pinasanib ng puwersa ng 93rd Infantry Battalion at ‘Scene of the Crime Operatives’ (SOCO), Philippine National Police, noong Abril 3, 2021 (Pinoy Exposé issue, April 5, 2021).
Bandang alas 3:00 ng hapon ng ihatid sa kanyang huling hantungan si Sabidalas sa ‘Canadieng Public Cemetery,’ Ormoc City, Leyte.
Bago ang libing, isang misa ang inialay kay Sabidalas na dinaluhan ng kanyang pamilya, kamag-anak, mga dating kasama sa teroristang grupo, at mga sundalo, dagdag pa ni Oliveros.
Si Sabidalas ay dating NPA ‘front commander’ sa Leyte sa ilalim ng Eastern Visayas Committee Party Committee ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP/CPP).
Nagtamo ng mga sugat si Sabidalas matapos ang engkuwentro ng kanyang grupo sa mga tropa ng pamahalaan noong Hulyo 18, 2015, sa Bgy. Caghalo, Carigara, Leyte na nagresulta sa kanyang pagkamatay.
Nabatid lang ng militar ang masaklap na kinasapitan ni Sabidalas matapos sumuko kamakailan ang isang dati nitong kasamahan sa teroristang grupo at ikuwento ang buong pangyayari at kung saan siya mabilisang inilibing.
Ayon pa kay Oliveros:
“Ako ay taos pusong nakikiramay sa pamilya at mga kamag-anak ni Eleazar Sabidalas o Ka Sangay.
“Bilang isang Filipino, likas na kaugalian natin ang pagbibigay galang sa mga namayapa nating mahal sa buhay.
“Ito ay pagpapakita ng ating paggalang sa kanila at sa ating paniniwala sa Dyos na sa pamamagitan ng ating mga dasal ay makakamit nila ang buhay na walang hanggan.”
Nagpasalamat din ang opisyal sa mga naglaan ng tulong upang mabigyan ng disenteng libing si Sabidalas.