‘Yorme’ pinuri ni Atty. Alex Lopez, kaya lang…
Matapos sang-ayunan ang panukalang ‘tax deferment payment’
IKINATUWA ni Partido Federal ng Pilipinas (PFP) Mayoralty Candidate Atty. Alex Lopez ang naging tugon ng Manila City Government, matapos sang-ayunan ang kanyang panawagan palawigin pa ang deadline sa pagbabayad ng business taxes sa lungsod ngayong taon.
“Ito naman po ang talaga panawagan natin noon pang nakaraang Disyembre 2021, bigyan ng mahabang palugit ng walang charges or penalties ang ating mga kababayan dahil na rin sa nararanasang krisis ngayong panahon ng pandemya.
“Salamat at nakinig sila sa atin,” wika pa ni Lopez na kandidatong mayor ng ‘BBM-Sara Uniteam’ sa Maynila.
Batay sa City Council Resolution No. 289 na nilagdaan ni Yorme noong Lunes, Enero 10, 2022, pinahaba ng 70 araw o hanggang Marso 31, ang deadline sa pagbabayad ng buwis ang mga Manileno na karaniwan ay Enero 20 ang palugit kada taon.
Sa huling kuwarto ng 2021, nilagdaan din ni Moreno ang City Ordinance 8773 na nagbigay ng ‘general tax amnesty’ sa lahat ng hindi nakabayad ng kanilang mga amilyar, business tax at iba pang lokal na buwis mula buwan ng Oktubre hanggang sa huling buwan ng Disyembre.
Bagaman pinuri ni Lopez ang desisyon ni Moreno, ipinunto naman nito na sakaling siya ang manalong alkalde sa halalan ngayong Mayo 9, 2022, palalawigin pa niya ng hanggang 7 buwan sa pagbabayad ng buwis na walang anomang interes, multa o “surcharges” na babayaran ang mga Manileno, bilang pagpapakita ng pagiging makatao at malasakit sa kapwa sa gitna ng patuloy na pananalasa ng COVID-19 sa buong bansa.
“Mas humanitarian at compassionate ang ating panukala; hindi lamang business taxes, kundi pati ang pagbabayad ng real estate taxes o amilyar at iba pang bayarin kailangang pansamantala muna i-defer hanggang Hulyo 2022, para makabangon lahat,” ani Lopez na isa ring ekonomista at matagumpay na negosyante.
Matapos ang ‘EDSA Revolution’ noong 1986, si Lopez ay nagsilbing ‘private secretary’ nang kanyang ama na si Mayor Gemiliano ‘Mel’ Lopez.
Mula sa pagkakautang na P700 milyon na iniwan ng kanilang pinalitang administrasyon, nag-iwan pa ng ‘budget surplus’ na P1.2 bilyon ang administrasyong Lopez nang umalis sila sa City Hall noong 1992.