BINARIL ng ‘riding-in-tandem’ at idineklarang ‘DOS’ (dead-on-the-spot) noong Abril 19, 2021, ang babaeng nagsampa ng kasong rape, robbery, arbitrary detention, grave coercion at grave threat sa 11 kasapi ng Sawang Calero Police Station noong nakaraang buwan.
Sa ulat ng GMA-7 at CNN Phils. noong Abril 20, 2021, naglalakad umano ang biktimang si ‘Ritchie Nepomuceno,’ 35 anyos, sa kahabaan ng N. Bacalso Avenue, Bgy. Basak-Pardo, Cebu City, nang dumating ang mga armadong suspek at barilin siya sa mukha.
Matagumpay namang nakatakas ang mga suspek.
Matatandaan na sangkatutak na kaso ang isinampa ni Nepomuceno sa grupo ng mga pulis matapos magsagawa ng ‘illegal raid’ sa kanyang bahay sa Bgy. Tungkil, Minglanilla, South Cebu, pasado 9:00 ng gabi noong Marso 9, 2021, sa pangunguna ni P/Ssgt. Celso Colita.
Inakusahan ang biktima ng pagtatago ng mga iligal na baril at nang walang nakita ang mga pulis, nilimas umano ang kanyang mga pera at alahas.
Dinala rin umano si Nepomuceno sa kanilang istasyon kung saan pinilit siya ng mga pulis na ‘mag-withdraw’ sa bangko ng halagang P170,000.
Hindi pa rito nagtapos ang kalbaryo ni Nepomuceno sa kamay ng mga pulis dahil dinala umano siya ni Colita sa isang motel kung saan dalawang ulit siyang hinalay sumunod na araw.
Pinakawalan lang ang biktima ng mga pulis noong Marso 11, 2021.
Bukod kay Nepomuceno, isa pa ring biktima ng mga naturang pulis ang nagsampa ng bukod na reklamo dahil din sa umano’y ‘illegal raid’ na ginawa rin sa kanyang bahay. ‘Tinorture’ din umano ng mga pulis ang biktima na hindi na pinangalanan sa ulat ng GMA-7.
Agad namang ipinaaresto ni Police Region 7 commander, P/BGen. Ronnie Montejo ang mga suspek at agaran ding sinibak sa puwesto si Sawang Calero police chief, P/Major Eduard Sanchez.
Lumabas din sa imbestigasyon ng PRO-7 na walang rekord sa ‘police blotter’ ang pagkahuli kay Nepomuceno at iba pang mga operasyon ng grupo ni Colita.
Ilang oras naman matapos kumalat ang balita na pinaslang si Nepomuceno, ipinatawag ng Cebu Police Office si Colita para maimbestigahan.
Sa istasyon, nagpasantabi umano si Colita at sinabing pupunta lang siya sa ‘comfort room.’ Ilang sandali pa ay may narinig na putok ng baril ang kanyang mga kasamahan.
Matapos puntahan si Colita, nakita itong duguan at wala nang malay. Idineklarang ‘DOA’ (dead on arrival) si Colita matapos isugod ng kanyang mga kabaro sa pagamutan.
Inaalam pa rin umano ng mga pulis kung magkaugnay ang insidente ng pagpatay kay Nepomuceno at ang pagpapatiwakal ni Colita.
Bukod kay Colita, ang mga nasampahan ng kaso ay sina:
Police Corporal Georny Abrasado, Corporal John Carl Aceron, Staff Sergeant Joseph Alcoseba, Staff Sergeant Michael Rhey Cabizares, Chief Master Sergeant Eric Edgar Emia;
Corporal Ejill Ferrolino, Corporal Carlo Irizari, Corporal Rochelito Mabulay, Corporal Emmanuel Martinez at, Corporal Junel Pedroza.