Banner Before Header

Dating pulis ‘hinaharas’ ng PNP

0 1,043
PINALAGAN ng pamilya ng isang retiradong pulis ang umano’y ginagawang “panggugulo” (‘harassment’) sa kanila ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Southern Police District (SPD) upang “iligal” na makuha ang lupang kinatatayuan ng kanilang mga bahay sa Western Bicutan, Taguig City.
Noong Huwebes, Hulyo 2, 2020, nagpasaklolo na sa media si retired police master sergeant, Arnel delos Santos, kasama ang kanyang mga kapitbahay at abogado kung saan ibinulgar ng grupo na simula pa noong Enero, ‘hinaharass’ na umano sila ng mga “armadong kalalakihan.”
Ang umano’y paulit-ulit na insidente ay upang sapilitan nilang lisanin ang kanilang mga tahanan sa ‘Old RDSU Compound,’ Fort Bonifacio, Western Bicutan, Taguig City.
Ang mga “armado kalalakihan” ay hinihinala namang mga kabarong pulis ni Delos Santos sa SPD.
Sentro ng usapin ang 5,000 sqm. lupain na pag-aari naman umano ng tiyuhin ni Delos Santos na si Deogenes Rodriguez na gusto umanong “kamkamin” ng NCRPO/SPD.
Higit isang dekada nang naninirahan sa nasabing lugar ang pamilya ni Delos Santos batay sa ibinigay sa kanyang mga kasulatan at dokumento ng kanyang kamag-anak na ipinakita niya sa media noong Huwebes.
Noong Enero 6, 2020, isang sulat mula kay P/Col. Lito Patay, chief, Regional Logistics and Research Division, NCRPO, ang natanggap ng mga residente. Nakasaad umano sa liham na dapat nang umalis sa lugar ang mga residente dahil gagamitin na ito ng SPD.
Wala naman umanong maipakitang dokumento ang PNP bilang batayan sa posisyon nito.
Sa pinakahuling insidente, pinamunuan pa umano mismo ni SPD district director, Emmanuel Peralta, ang pagsugod sa nasabing lugar kung saan “binakuran” ng mga sako ang pinagtatalunang lupa at sapilitang pinalalayas sa kanilang mga bahay ang mga residente.
“Bantay-sarado” na rin umano ng mga pulis ang lugar na nagpataas sa pangamba ng mga residente sa posibilidad ng karahasan sa mga susunod na araw.
Ayon naman kay Delos Santos at Atty. Ulpiano Madamba, wala sa katwiran si Peralta at ang NCRPO dahil pinalalayas sila nang wala namang dalang utos ng korte.
Ayon pa kay Delos Santos at Madamba, apat na pamilya na sa kanilang ‘compound’ ang napilitang lumikas dahil sa walang puknat na harassment sa kanila ng mga pulis-SPD.
Leave A Reply