Banner Before Header

Dayuhang atleta gustong gawing ‘Pinoy’ ni Angara

0 387
NAGHAIN ng panukala si Sen. Edgardo ‘Sonny’ Angara upang gawing ‘Pilipino’ ang isang dayuhang atleta sa paniwalang makatutulong ito sa paghahanda ng bansa sa 2023 Basketball World Cup.

Sa ilalim ng Senate Bill 1982 na inihain niya noong nakaraang Huwebes, pinuri pa ni Angara si Angelo Kouame ng Ivory Coast na ngayon ay manlalaro ng Ateneo Blue Eagles.

Ang SB 1982 ang ‘counterpart bill’ ng HV 5951 na inihain naman sa Mababang Kapulungan ni Antipolo City representative, Robbie Puno.

Si Angara at Puno ang chairman at vice-chairman, ayon sa pagkakasunod, ng ‘Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP).

Kasabay ng panukalang citizenship kay Kouame, inindorso rin ni Angara ang pagsali nito bilang miyembro ng ‘Philippine basketball team,’ ang ‘Gilas Pilipinas.’

“Nakita natin ang galing, husay at tagumpay ni Kouame bilang miyembro ng Ateneo Blue Eagles sa loob ng tatlong taon.

“At sigurado tayo na sa mga darating na panahon, mas magiging matindi pa ang kanyang husay sa laro. Hindi pa ito ang sukdulan ng kanyang talento kaya, dapat ay bigyan natin siya ng sapat na suporta,” ani Angara.

“Mula 2016, dito na nanirahan sa Pilipinas si Ange at nakikita natin sa kanya ang sinseridad na makatulong na paunlarin ang Philippine basketball,” dagdag pa ng senador.

Sa edad na 20, inaasahang mapapabilang sa naturalized players ng Gilas Pilipinas si Kouame at sa kalaunan ay maging  miyembro ng national team at  maging professional player sa mga darating na panahon.

Sa kanyang istadistika sa nakaraang Season 82 ng UAAP, makikita ang husay ni Kouame na nakapagtatala ng 12.5 points average; 11.8 rebounds; 2.9 blocks at 1.4 assists, na naging malaking bahagi ng 16-0 sweep ng Ateneo.

Matatandaan na nang mga nakaraang taon, ilang dayuhang manlalaro rin ng basketball ang sumailalim na sa proseso ng ‘citizenship naturalization.’

Kabilang sa mga ito sina Marcus Douthit at Andray Blatche na kapwa nagbigay ng malaking tagumpay sa koponang Pilipino.

Sa datos naman ng World Cup (FIBA) nasa ika-31 puwesto lang ang Pilipinas noong nakaraang taon bagaman pulos ‘naturalized players’ na ang karamihan sa kumatawan sa Gilas Pilipinas sa mga nakaraang taon.

Leave A Reply